FEATURED

Maharlika Investment Scam?


Sa pagratsada sa Maharlika Investment Fund, wala nang masinsing pagtalakay, pag-aaral, at konsultasyon dito. Pero ang minamadali ng administrasyong paglagakan ng pera ng mga Pilipino, scam pala, ayon sa mga eksperto.

Pipirmahan agad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na bubuo sa Maharlika Investment Fund (MIF) sa oras na matanggap ito ng kanyang tanggapan.

Sinabi ito ng pangulo sa kabila ng maraming puna ng mga eksperto at malawak na pagtutol ng mga Pilipino, at kasabay ng pag-amin niyang may mga nilalaman ang inaprubahang panukala na talagang dapat ikabahala.

“Minsan pinapanood ko ang mga diskusyon hinggil sa Maharlika Fund at totoo lahat iyon, dapat kayong mabahala tungkol sa mga iyon,” ani Marcos Jr.

Prayoridad na batas ng administrasyon ang Maharlika Investment Fund Act of 2023 na bubuo sa Maharlika Investment Corporation (MIC) para mangasiwa sa daan bilyong pisong pondong ipupuhunan ng gobyerno sa iba’t ibang negosyo, ari-arian at proyekto. Bubuuin ang MIC ng mga indibiduwal na itatalaga ng pangulo mula sa gabinete at pribadong sektor.

“Nag-imbento sila ng isang korporasyon na doon nila dadalhin ang pondo ng publiko. Kung saan nila i-invest, kung sino-sino ang magdedesisyon, hindi natin alam,” puna ni Atty. Neri Colmenares, dating mambabatas at kasalukuyang tagapangulo ng Bayan Muna Partylist.

Nilalagay aniya ng MIF sa alanganin ang pera ng mamamayan dahil kinukuha nito ang malaking pondong para sana sa pangangailangan sa edukasyon, kalusugan, social services at ayuda.

Kukulumpunin bilang paunang kapital ng MIF ang mahigit P500 bilyon mula sa pambansang badyet, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines (LandBank), Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), at iba pang government-owned and -controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs). Kukuha rin ng karagdagan pang pondo mula sa pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno.

Ayon sa faculty ng University of the Philippines School of Economics (UPSE), “labag sa mga pundamental na prinsipyo sa ekonomiya” at “nagbabanta ng panganib sa ekonomiya at pampublikong sektor” ang MIF.

Sobrang pondo?

Katuwiran ng administrasyon, napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga karatig bansa na mayroong “sovereign wealth fund” na nagagamit sa pamumuhunan. Pagtitiyak pa ni Marcos Jr., kikita rito ang gobyerno at makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya.

Ang mga sovereign wealth fund ay mula sa sobrang kita ng isang bansa sa pagkalakal ng kanilang natural resources gaya ng langis, sa reserbang dolyar o sa surplas na badyet. Walang sobrang pondo ang Pilipinas.

“Ang mayroon lang tayo ay kronikong pagkalugi sa kalakalan, lumolobong utang at napakabilis na inflation, na dumadagdag pa sa papabagal na ekonomiya,” ani Ibon Foundation research head Rosario Guzman.

Ayon sa UPSE faculty, umabot na sa P1.6 trilyon ang kakulangan sa badyet ng Pilipinas noong 2022, pinakamataas sa nakalipas na dalawang dekada. Maaari anilang magpalala sa utang ng bansa ang pagkuha ng P500 bilyon sa pambansang badyet para sa MIF.

“Gusto ng gobyernong Marcos Jr. na ipuhunan ang yamang wala naman siya,” ani Guzman.

Duda rin ang UPSE faculty kung kikita ang MIF dahil sa kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya. Halimbawa anila ang pagkalugi ng mahigit $164.4 bilyon ng sovereign wealth fund ng Norway. Hindi rin kumita ang $5 bilyong wealth fund ng Indonesia na pinaggayahan ni Marcos Jr. ng MIF.

Walang probisyon ang MIF hinggil sa pagkalugi. Hindi na mababawi ang mga nailagak nang pondo at kukunin ulit sa buwis ng taumbayan ang mawawala o maluluging kita nito.

Pensiyon at pondong publiko

Tutol sa MIF ang mga mangaggawa at magsasaka. Mawawaldas kasi dito ang pondong nakalaan dapat sa kanila dahil kukuhanan pa rin ng pondo ang mga GOCC at bangkong pinaglalagakan ng pensiyon, nagpapautang at nagbibigay ng serbisyo publiko.

Sa aprubadong bersiyon ng Senado, hindi hihilingin na mag-ambag sa paunang kapital ng MIC ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Home Development Mutual Fund (HDMF), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Veterans Affairs  Office (PVAO). Pero, maaaring magkusa ang pamunuan ng mga naturang GOCC, na appointee ng pangulo, kung gusto nitong mamuhunan sa MIF.

Paliwanag din ni Colmenares, magagalaw rin ng pondo ng SSS, GSIS at iba pang GOCCs sa pamamagitan ng pagbili ng bono (bonds) o sapi (shares) sa MIC.

“Kasi sa kamamadali, napakaraming loopholes, ngayon puwede pang mawaldas diyan yung mga pension funds ng SSS, GSIS at mga pondo ng Pag-ibig at PhilHealth,” aniya.

Sa isang joint statement, nanawagan ang 13 pinakamalalaking samahang manggagawa na huwag galawin ang kanilang pensiyon at buwis.

“Handang maglaan ng napakalaking halaga ang gobyernong ito para sa ‘strategic investments’ na hindi man lang inaasahang kumita at tumubo sa susunod na mga taon, pero ayaw maglaan ng pondo para pagbutihin ang serbisyo sa mamamayan,” pahayag ng mga ito.

Kinundena naman ng mga magsasaka ang paggamit sa pondo ng LandBank para sa MIF dahil aalisin nito ang mandato ng bangko na mamuhunan sa agrikultura.

“Prayoridad dapat ng LandBank na magbigay ng walang interes na pautang sa mga magsasaka at mangingisda. Hindi na dapat magalaw ang pondo para sa mga magsasaka,” ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson emeritus Rafael Mariano.

Dagdag pa ng KMP, ang MIF ay panibagong pagnanakaw ng mga Marcos sa pondo ng mga magsasaka na mas masahol sa Coco Levy Fund.

Babala naman ni Colmenares, maapektuhan din ang mga kawani ng gobyerno kapag nawaldas ang pondo ng LandBank sa MIF bilang pangunahing depositor nito. Dito rin aniya dumadaan ang kanilang mga suweldo at pondo ng mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan.

Korupsiyon at kroniyismo

Sasagasaan ng MIF ang proseso ng pagbabadyet ng gobyerno. Ang MIC na ang magpapasya kung paano at magkano ang gastusin sa malalaking proyektong pang-imprastruktura nang hindi dumadaan sa pagbusisi ng Kongreso. Ayon sa UPSE faculty, maaaring labag ito sa Konstitusyon.

“Isipin n’yo, imbes na daan-daang mambabatas na halal ng taumbayan, mayroon na lang board ng siyam na taong magpupulong sa saradong pinto,” ani Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III sa isang panayam sa radyo.

Depensa ng pangulo, mabuting pamamahala ang susi sa pagtiyak na ligtas ang pera ng mamamayan.

“Kung korap ang ilagay n’yo diyan, korap talaga ‘yan. Mawawala ang pera. Kung mahusay ang ilalagay mo diyan ay lalaki at lalaki ‘yan at magagamit natin ‘yong pondo,” ani Marcos.

Pero suri ng mga akademiko, mahina ang istruktura sa pamamahala ng MIF at bukas ito sa politikal na pangingialam at korupsiyon.

“Nagpapahintulot ang mga probisyon nito sa mga presidential appointee na magpamalas ng signipikanteng impluwensiya sa pangaraw-araw na operasyon ng Maharlika, na maaaring magbigay-daan sa pamumulitika at mag-aalis sa independiyenteng operasyon ng MIC,” pahayag ng UPSE faculty.

Malaki ang problema sa transparency ng MIF, ayon kay Colmenares. Magiging mahirap din aniyang maningil ng pananagutan sakaling malugi o mawaldas ito sa korupsiyon.

“Kroniyismo ang isa sa pinakamasahol na nangyari sa bansa noong panahon ni Marcos Sr. Maraming pondo ang nawala dahil sa mga kroni at ngayon nauulit sa Maharlika. Dahil walang transparency at independence, tiyak na may papaboran itong mga kaalyadong negosyante,” ani Colmenares. 

Nababahala rin ang mga samahang manggagawa dahil hindi saklaw ng GOCC Governance Act ang MIC.

“Habang ang karaniwang mga manggagawa, titser, nars at kawani ng gobyerno ay nagpapakahirap mapagkasya lang ang maliit na sahod, ang mga opisyal ng MIC ay magpapakasasa sa labis-labis na suweldo at benepisyo sa katuwirang sila daw ang ‘pinakamahuhusay na utak’ para mangalaga ng pondo,” sabi sa joint statement ng mga samahang manggagawa.

Niratsada

Naitala ang MIF bilang isa sa pinakamabilis na panukalang naipasa sa kasaysayan ng Kongreso. Tantiya ni Finance Secretary Benjamin Diokno, magiging fully operational na ang MIF bago matapos ang 2023. Pero ang pagratsada dito ang itinuturong dahilan ng mga mambabatas at eksperto na kung bakit nakalusot ang mga mapanganib at kuwestiyonableng probisyon.

Para kay Pimentel, naisantabi ang mga mahalagang argumento laban sa MIF dahil sa kagustuhan ng mga senador na “pasayahin ang isang tao” at para “maianunsiyo ng taong ito sa kanyang State of the Nation Address ang pagpasa ng isang hilaw na batas.”

“Nagawa ng tiraniya ng numero ang gusto nito, ang laktawan at ibuldoser ang mga ligal na kosepto at regulasyon,” pahayag niya.

Sabi naman ni Colmenares, sinadya ang pagratsada at pagmamadali sa MIF para makaiwas sa lalo pang pagbusisi at pagkuwestiyon ng Makabayan bloc at oposisyon sa Kamara at Senado sa mga laman nito.

“Gusto nilang i-shortcut ang proseso ng lehislatura, gusto nilang hindi na sundin ang hinihingi ng Konstitusyon, kasi ayaw nila na matuloy pa ang mga tanong at masabi pa ng oposisyon at minorya ang mga problema ng Maharlika,” aniya.

Tingin din ni Colmenares, marami pang gustong ipasok na probisyon sa batas na maaaring mabisto kapag tinagalan pa ang pagpasa nito.

“Ang problema, pera natin ang mawawaldas, hindi pa na-aral nang husto kaya lalong lalala ang problema sa Maharlika, dahil lang gusto na nilang madaliin at masimulan nang masentralisa ang mga pondo sa isang korporasyon,” aniya.

Dapat din aniyang bantayan ang pagmamadali sa MIF dahil maaari itong daluyan ng mahigit P589 bilyong nakaw na yaman ng pamilya Marcos. Ani Colmenares, maaaring gamitin ang MIF para linisin at ideklarang ligal na kita sa pamumuhunan sa Maharlika ang mga nakaw na yaman.

Nangako naman si Pimentel na patuloy na gagamitin ang mga proseso ng lehislatura para pigilang maipasa ang MIF na aniya’y baluktot na sa simula pa lang.

Ang UPSE faculty, alam nila na may mga pampulitikang taya at pagsalba sa kahihiyan at reputasyon na nakasalalay kaya minadali ang pagpasa ng MIF. Alam din nilang hindi na aatras ang pangulo na pirmahan ito. Gayunman, may pag-asa pa rin na mabawasan ang pinsala at panganib nito sa ekonomiya.

Binati naman ni Colmenares ang mamamayang Pilipino dahil sa malakas nitong pagtutol sa MIF. Aniya, kahit may tulak ng pangulo at ng liderato ng Kongreso, napaatras pa rin ang ilang probisyon at ang pagsampa ng panukalang MIF sa Malacañang dahil sa paglaban ng mamamayan.

Dagdag niya, dapat ituloy ng Makabayan at oposisyon ang paglaban sa pagsabatas ng MIF. Pinaghahandaan na din aniya ng Bayan Muna na labanan ito sa Korte Suprema sakaling maging batas.

“Pero ang laban sa Maharlika ay hindi lang sa Kongreso na maka-Malacañang, hindi lang sa Korte [Suprema] na dadaan ka pa sa mga justice na appointed. Ang pinakaepektibong paglaban ay sa kalsada dahil iyon ang hawak ng taumbayan, doon nakuha ang pinakamalaking tagumpay ng mamamayang Pilipino,” ani Colmenares.