Eleksiyon FEATURED Main Story Manggagawa

Nasaan ang mandaragat sa party-list system


Karapatan ng mga sektor magkaroon ng kinatawan na tunay na kikilala sa kanilang interes. Kasama na dito ang mga marino.

Isa sa kada apat na marino sa mundo ay Pilipino. Bilang bahagi ng higanteng sektor ng manggagawa, malaki at mahalagang bahagi nito ang mga mandaragat o mga marino. 

Noong 2019, $6.5 bilyon ng kabuuang $33.5 bilyon na overseas Filipino remittance ay nagmula sa sektor. Bagamat malaki ang ambag nila sa lipunan, isa sila sa may pinakamaliit na representasyon sa Kongreso ng Pilipinas.

Dahil dito, bihira silang mabigyan ng prayoridad pagdating sa mga pangrepormang adyenda ng gobyerno, maging ang kanilang mga isyu at hinaing.

Mga negosyante at real estate broker

Nauna nang nabanggit ng Commission on Elections (Comelec) na sa pagpili ng party-list, sinusuri ng mga botante ang party-list organization sa kabuuan. 

Nangangahulugan ito na mas madalas kaysa sa hindi, ang pagkakakilanlan at pinanggalingan ng mga nominado ay hindi alam o hindi malinaw sa mga botante. May mga sarbey na nagsiwalat na maraming botante ang pumipili ng party-list batay lamang sa mga political ad nito; kadalasang hindi alam ng mga botante ang party-list, plataporma, at mga nominado rito.

Noong 2019, sinabi ng Kontra Daya, isang kontra-korapsyon election watchdog, halos kalahati ng 134 na grupo na tumatakbo noon sa halalang 2019 ay hindi kumakatawan sa mga marhinalisadong sektor.

Ang grupong Marino party-list, halimbawa, ay naglagay ng tatlong nominado at wala ni isa sa kanila ay marino.

Ang unang nominado at kasalukuyang kinatawan ng grupo ay si Carlo Lisandro Gonzalez; siya ay anak ni Carlos ”Charlie” Gonzales na siyang may-ari ng Ulticon Builders, Inc. (UBI). Ang kompanya ay isang general contractor na noong Marso 2017 nakakuha ng P183 milyong kontrata mula sa Department of Public Works and Highways.

Ayon sa mga ulat, siya rin ang Vice President for Operations ng UBI, bukod sa pagiging executive vice president ng restaurant chain na Tapa King.

Ang dalawa pang nominado ng grupo sa mga nakaraang halalan ay may bakgrawnd din sa negosyo. Si Jose Antonio G. Lopez ay dating nagtatrabaho sa UBI, at ngayon ay humahawak ng business development sa Udenna, na pag-aari ng Davao businessman na si Dennis Uy, isang malapit na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte

Gayunman, napilitang magbitiw sa puwesto si Lopez matapos ideklarang kongresista noong 2019. Binunsod ito ng paghain ng petisyon ng isang pribadong mamamayan laban sa kanyang pagiging kwalipikado, na isinasaad ng Section 68 ng Omnibus Election Code at Section 9 ng Party-list System Act.

Sa ilalim ng nasabing batas, sinumang tao na permanenteng residente o imigrante sa ibang bansa ay hindi kwalipikadong tumakbo para sa alinmang elective office maliban kung binitawan na nila ang kanilang status bilang permanent resident o immigrant ng dayuhang bansa.

Ang pangalawang nanunungkulan na kinatawan ng grupo, si Rep. Macnell M. Lusotan, ay isang lisensiyadong real estate broker sa Davao. Miyembro siya ng Davao Board of Realtors Foundation, Inc., isang local trade association sa nasabing rehiyon na kumakatawan sa mga real estate salesperson, broker, appraiser, at real estate consultant.

Ang orihinal na ikatlong nominado ng grupo ay isang dating human resource business partner ng isang dambuhalang kumpanya na eksporter ng saging na nakabase din sa Davao – Sumifru-Philippines.

Noong Oktubre 2021, inihayag ng Marino ang mga nominado nito para sa May 2022. Nanatiling unang dalawang nominado sina Gonzales at Lusotan, habang ang ikatlong nominado ay si Collin Rosell, isang abogadong nakabase sa Cebu. Ayon sa isang artikulo mula sa grupo, si Rosell ay itinuturing na “isang batikang abogado” na mayaman sa kaalaman sa batas pandagat na tutulong na patalasin ang pagtuon sa mga isyung legal na nakakaapekto sa sektor ng maritime.

Ayon sa Marino, ang ikaapat at ikalimang nominado ng grupo ay mga aktwal na seafarer, sina Eugene Navoa at Julian Karl Marti Yaun.

Sabi ng mga tagasuporta ng Marino party-list, marami umanong nagawa ang grupo para sa mga seafarer. Ang mga mambabatas ng Marino, halimbawa, ay isa sa mga nagpanukala ng Magna Carta of Filipino Seafarers (HB 8057) bill na inaprubahan ng House of Representatives noong Enero 2021.

Natiyak din umano ng Marino party-list ang pagbibigay prayoridad sa mga marino sa programa sa pagbabakuna ng pamahalaan laban sa Covid–19.

Inihain din ng grupo ang mga sumusunod na panukalang batas na hindi pa naaprubahan ng kongreso: ang pagbuo ng Department of Overseas Filipinos Act of 2019; Maritime Safety, Security, and Prevention of Ship-Sourced Pollution Act of the Philippines; ang Mandatory OFW Health Immunization Act; ang Unhampered Crew Change Act; at ang Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act.

Mga manning agency

Isa pang grupo na nagsasabing kampeon ng mga marino ay ang Angkla Party-List.

 Ang Partido ng Marinong Pilipino, Inc o Angkla Party-list ang kauna-unahang party-list ng mga marino na nanalo ng pwesto sa kongreso at nanungkulan ng dalawang termino, noong 2013 at 2016.

Ang kinatawan nito, si Jesulito Manalo, ay anak ng isang kapitan ng barko at isang maritime lawyer. Ang party-list, sa pamamagitan ng kinatawan nito, ay nag-akda ng kabuuang 128 na panukalang batas at nag-co-author ng 78 iba pa.

Ang Angkla ay kinilala para sa pagpasa ng apat na landmark na batas – Marina Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (Republic Act 10635), Cabotage Amendments (Republic Act 10668), Naval Architecture Modernization (Republic Act 10698), at Seafarers’ Protection o Anti Ambulance-Chaser Law (Republic Act 10706).

Noong 2019, muling tumakbo ang Angkla, umaasa sa ikatlong panalo, ngunit nabigo.

Ayon kay Atty. Dennis Gorecho – abogado, advocate, at kolumnista – natalo ang Angkla dahil maraming mga seafarer ay nakitang mas komplikado ang proseso para sa pagkuha at pag-renew ng lisensya matapos mailipat ang mga tungkulin ng Professional Regulation Commission sa bagong ahensya ng gobyerno na Maritime Industry Authority (Marina) na nilikha sa bisa ng RA 10635 ng Angkla.

Malaki rin umano ang suporta sa Angkla ng mga grupo ng manning agencies gayundin ng ship owners groups at associations gaya ng Joint Manning Group, Society of Naval Architects and Marine Engineers, Philippine Register of Shipbuilding, at Shipyards Association of the Philippines.

Isang madalas na resource person sa mga pagdinig ng kongreso at senado na may kaugnayan sa mga marino, sinabi ni Atty. Gorecho na sa mga nakaraang pagdinig ng Senado sa iminungkahing Seafarers’ Magna Carta, sinubukan ng mga manning agency na buhayin ang escrow bill ng Angkla na inihain noong 2015.

“Nais nilang amyendahan ang Labor Code, at kung matagumpay, malaking epekto sa mga paghahabol sa mga labor claims na namamahala sa kagyat na “final at executory” na katangian ng mga desisyon na inilabas ng conciliation at mediation boards ng labor department,” aniya.

Ang katwiran ng Angkla para sa panukalang batas ay upang tiyakin umano na magkakaroon ng restitution ng monetary awards sakali mang mapawalang-bisa ng kaukulang hukuman sa paghahabol o bahagya o ganap na baligtarin ang award ng monetary judgement. Nilalayon nitong maantala ang pagpapatupad ng mga parangal para sa mga kaso na kinasasangkutan ng monetary claims.

 “Hindi ito magiging mabuti para sa mga marino. Kailangan nilang maghintay nang mas matagal – magbilang ng mga taon – bago nila matanggap ang award ng mga mediation agencies para sa mga kaso na may kinalaman sa mga paghahabol sa pera,” sabi ni Atty. Gorecho. 

Dagdag niya, ang nagkakasakit habang naghahanap ng mga paghahabol ay madalas nagkakaroon ng malaking utang para sa gamot; ang iba ay namamatay bago mailabas ang desisyon ng korte. 

Sa ganitong mga pangyayari, sinabi ni Atty. Gorecho na higit kailanman, dapat bumoto ng matalino ng mga marino pagdating sa party-list. “Dapat nilang suportahan ang isang grupo na tunay na magpoprotekta sa kanilang interes at hindi ang kapital sa pagtatangi ng kanilang mga karapatan sa paggawa,” aniya.

Mga hamon

Ayon kay Engr. Xavier Bayoneta – isang retiradong seafarer na may ranggong 3rd engineer at tagapagsalita ng Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), ang mga marino ay patuloy na humaharap sa maraming hamon bilang isang sektor at dahil dito, kailangan ng mga tunay na reporma upang komprehensibong matugunan ang pangangailangan ng sektor.

 “Ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga marino ay sistematiko at umiiral na sa loob ng maraming dekada gaya ng kawalan ng seguridad sa trabaho at ang mahinang pagpapatupad ng kinikilalang internasyonal na mga karapatan sa paggawa,” sabi niya.

Ayon sa kanya, ang mga European o American seafarer ay tumatanggap ng mas mataas na sahod (madalas na 100 porsiyento o mas mataas pa) kumpara sa mga opisyal ng Pilipino o Asyano.

Dagdag ni Bayoneta, napakarami pang kailangang gawin para mabigyan ng hustisya ang mga marino na nabiktima ng pag-abandona ng kumpanya at iba’t ibang paglabag sa kanilang mga kontrata at pati karapatang pantao.

Isang partikular na repormang nais ni Bayoneta maresolba ay ang mga kalagayan sa mga kinakailangan sa pagsasanay ng marino. Aniya, inaatasan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga opisyal at mga rating na sumailalim sa napakaraming training seminar bago sumakay.

“Maaari ring umabot sa P10,000 hanggang P40,000 ang gastos sa pagsasanay ng isang marino, kung isasaalang-alang hindi lang ang matrikula, kundi pati na rin ang mga gastos sa pagkain, transportasyon, at akomodasyon. Maraming mga marino ang nag-iisip na ang mga kinakailangan sa pagsasanay na ito ay mga pakana lamang ng mga sentro ng pagsasanay na accredited ng Marina upang pagkakitaan sa kapinsalaan ng mga marino,” aniya.

Idinagdag pa niya na ang pag-renew ng lisensya ng isang seaman ay nakasalalay din sa pagkumpleto ng mga nasabing pagsasanay. “Walang pagpipilian ang mga marino kundi sumailalim sa mga pagsasanay na ito at gastusan ito,” aniya.

Layon din ipagtanggol ng retiradong marino ang mga ordinaryong mangingisda na ini-empleyo ng mga barkong pangisda sa karagatan. Aniya, tulad ng mga sinanay at lisensyadong seafarer, mayroon silang seaman’s book, ngunit hindi kinikilala ang kanilang karapatan.

“Isang matingkad na halimbawa nito ay ang kaso ng 29 na mangingisdang Pilipino na inabandona ng kanilang mga amo at iniwan nang walang pagkain, malinis na tubig, at gamot,” sabi ni Bayoneta.

“Inabandona sila malapit sa baybayin ng China ng Global Marine and Offshore Resources Inc., at ng Jenn Yih Song Seafood LTD. Naiwan silang mag-isa, at napakabagal ng rescue and repatriation efforts ng gobyerno. At hindi rin lahat ng stranded na mangingisda ay napauwi. May ilan pa ring tinutunton. Habang ang mga nakauwi ay pinagkaitan ng kanilang back wages ng kanilang manning agencies,” dagdag niya.

Kulang sa bilang

Bagamat hindi eksklusibong kumakatawan sa mga marino ng Pilipinas, ang party-list group na Bayan Muna ay may mahigpit na ugnayan sa mga unyon ar mga organisasyon ng mamamayan na nagtataguyod ng mga karapatan ng mga manggagawang nakabase sa dagat.

Isa sa mga nahalal na kinatawan ng grupo ay si Rep. Ferdinand Gaite. Nag-akda siya ng 641 na panukalang batas at mga resolusyon at nag-co-author ng 17 iba pa. Isa rin siya sa mga pangunahing may-akda ng Magna Carta of Filipino Seafarers.

Bago maging kinatawan ng Bayan Muna, naglingkod siya bilang lider-manggagawa ng Courage, isang pederasyon ng mga manggagawa sa pampublikong sektor.

 “Ang mga kasalukuyang batas ng Pilipinas para protektahan ang mga marino ay kulang at hindi lapat sa aktwal na mga pangangailangan at sitwasyon ng mga manggagawang nakabase sa dagat,” sabi ni Gaite, “Kaya naman bago gawin ang panukalang batas, kumunsulta kami sa mga marino at advocates at nalaman natin na ang kawalan ng seguridad sa trabaho ang lubhang nakakaapekto sa kanila.”

Sinabi rin ni Gaite na ang kanyang grupo ay nagmungkahi ng panukalang batas na naglalayong gawing regular ang mga marino na nagtrabaho sa loob ng isang taon sa parehong employer, manning agency, o may-ari ng barko, kapwa domestic o dayuhan.

“Kung ikukumpara sa mga manggagawang nakabase sa lupa na kailangan lamang magtrabaho ng anim na buwan bago sila gawing regular, ang kakaibang sitwasyon ng trabaho ng mga marino ang nagtatakda na isang taon ang tamang panahon para sa regularisasyon,” aniya. 

Gaya ng naunang nabanggit, ang panukalang batas ay naipasa na sa kongreso at ang pinag-isa at pinal na bersyon ng Kamara ay nasa senado na. Sa kasamaang palad, ang dalawang makabuluhang probisyon – seguridad sa trabaho at pagsali ng mga sasakyang pangisda – ay hindi isinama sa huling borador.

 Komprehensibong solusyon

Anu’t anuman, ang kailangan ng mga marino ay komprehensibong tulong upang patuloy nilang magampanan ang kanilang trabaho nang ligtas, may dignidad, at may seguridad.

Ngayong darating na halalan, hinihikayat ni Bayoneta at ng CSP ang mga kandidato na ikampanya ang pagpasa sa batas ng Magna Carta of Filipino Seafarers, itulak ang pagsasama ng probisyon ng seguridad sa trabaho sa Magna Carta, at ang pagpapalakas ng pagpapatupad ng MCL 2006. Nais din niya na suportahan ng mga kandidato ang isyu ng mga mangingisda na matagal nang napabayaan.

Umaasa si Bayoneta na mas magiging matalino ang mga marino sa pagpili ng kanilang kinatawan, dahil may mga party-list group na ginagamit lang ang pangalan ng sektor para samantalahin ang botong makukuha habang itinutulak ang kanilang mga pansariling adyenda sa negosyo.

“Dapat tayong matutong tumingin lampas sa mga political ad at higit pang pag-aralan kung ano ang aktwal na nagawa nila para sa sektor,” sabi ni Bayoneta.


Featured image ni Francis Villabroza