‘White Ribbon Campaign’ para sa mga biktima ng EJK, inilunsad


Inilunsad kamakailan ng Bayan Muna Partylist at Rise Up for Life and for Rights ang isang kampanya para kilalanin at suportahan ang mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang sa giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte.

Paglulunsad ng "White Ribbon Campaign" para sa mga biktima ng papamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Inilunsad noong Abril 6 ng Bayan Muna Partylist sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City ang “White Ribbon Campaign” kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ni Bayan Muna Partylist first nominee Neri Colmenares, inilunsad ang kampanya upang pagtibayin pa ang suporta para sa mga pamilya ng mga biktima sa gitna ng tumitinding panliligalig sa kamay ng mga tagasuporta ni Duterte. 

Kamakailan lang humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation ang mga pamilya ng mga biktima matapos ang tumitinding online harassment laban sa kanila.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), kalat ang mga atake ng mga dinoktor na imahe, gawa-gawang naratibo, paninirang puri at pagpapakalat ng disimpormasyon sa Facebook. Lumalala anila ang sitwasyon nang ihain ang warrant of arrest ng International Criminal Court laban sa dating pangulo.

“Ang panawagan natin ay hindi lang hustisya para sa mga biktima ng EJK at ng drug war kung hindi hustisya para sa lahat ng paglabag sa karapatang pantao,” ani Colmenares.

Si Llore Pasco ng Rise Up for Life and for Rights sa paglulunsad ng “White Ribbon Campaign” sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City noong Abril 5, 2025. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Mungkahi naman ni NUPL National Capital Region secretary general Maria Kristina Conti na bagaman nalilito ang taumbayan sa patuloy na pagpapakalat ng disimpormasyon, sana raw ay wala nang kumontra sa katotohanan na mayroong nangyaring patayan.

“Nandito po, kasama natin, ang mga buhay na patotoo sa nangyaring patayan. Kung gaano karahas at kung gaano karami, sila ang pwedeng magpakita niyan, mismo mga biktima ang pwede magsabi kung ano ang kwento nila,” ani Conti. 

Sinabi naman ni Llore Pasco, tagapagsalita ng Rise Up for Life and for Rights at ina nina Crisanto at Juan Carlos Lozano na pinaslang ng pulisya, na sila ang tunay na biktima at hindi ang dating pangulo na tinatamasa pa raw ang mga makataong paglilitis sa ibang bansa.

“Sa gitna ng kahirapan at kawalan ng trabaho, mataas na bilihin, sahod na hindi nakabubuhay, pinahihirapan pa ang mga dukha sa kawalan ng serbisyo higit lalo sa [katarungang panlipunan]. Kami po ay pinaslang dahil mahirap kami at walang akses sa sistemang lega,” ani Pasco.

Sinisimbolo ng puting laso ang pakikiisa sa patuloy na pakikibaka ng mga pamilya sa pagkamit ng hustisya at bilang pagkilala sa mga tunay na biktima.

Namahagi din ang Bayan Muna Partylist ng mga puting laso sa St. Peter Shrine of Leaders sa Commonwealth Ave., Quezon City upang palawakin pa ang kampanya. 

“Dapat hindi nila maramdaman na isolated sila, binibira sila, inaatake sila, dapat maramdaman nila na kasama nila tayo,” ani Colmenares.