Pagsusulong sa totoong boses ng mamamayan
Sa darating na halalan, apat na partylist ng Makabayan Coalition ang patuloy na bumibitbit sa mga demokratikong panawagan at kahilingan ng kani-kanilang mga sektor na pinaglilingkuran at ng buong sambayanang Pilipino.
Itinatadhana ng Saligang Batas ang pagkakaroon ng boses ng marhinadong mamamayan sa loob ng Kamara sa pamamagitan ng sistemang partylist.
Kahit pinasok na ng mga dinastiyang politikal at tradisyonal na politiko ang larangang nakalaan sana sa boses ng mga ordinaryong mamamayan, may mga grupong partylist na nananatili sa kanilang tungkulin na isulong ang interes ng mga marhinadong sektor.
Sa kabila ng lahat ng mga atake ng iba’t ibang rehimen sa mga progresibong partylist ng Makabayan Coalition, matatag pa rin sila sa pagbibigay boses sa mamamayang malaon nang pinababayaan at kinaliligtaan ng pamahalaan.
Sa darating na halalan, apat na partylist ng Makabayan Coalition ang patuloy na bumibitbit sa mga demokratikong panawagan at kahilingan ng kani-kanilang mga sektor na pinaglilingkuran at ng buong sambayanang Pilipino.
Original na kinatawan ng inaapi

Beterano na ang Bayan Muna Partylist. Sa ikalawang partylist election noong 2001, sila ang nag-top! At sa mga sumunod pa, halos hindi sila mawala-wala sa mga nangunguna. Bakit kaya?
Nakilala ang Bayan Muna bilang boses ng oposisyon. Kaya noong 2005, hindi sila binigyan ng pondo ng gobyerno dahil sa pagtutulak nito ng pagpapatalsik kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos malantad ang pandaraya niya sa halalan noong 2004.
“Alam natin na ang pork barrel ay ginagamit lang ng administrasyon para makakuha ng ganansya sa kamara,” sabi ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casino.
Ang Bayan Muna din ang nanguna sa mga imbestigasyon sa korupsiyon sa nakaraang tatlong administrasyon. Nakilala ito bilang kalaban ng katiwalian kaya inutos rin ni Arroyo ang pag-aresto sa mga mambabatas nito noong 2006—pero hindi nagwagi ang dating pangulo na supilin ang Bayan Muna.
Sa huling pag-upo ng Bayan Muna, umabot sa 2,110 na batas ang naipanukala nito. Kasama dito ang mobile disaster alert law at ang dagdag sa pensiyon sa Social Security System (SSS).
Kung kaya’t ganyan na lang nadismaya si Bayan Muna first nominee Neri Colmenares sa panibagong dagdag kontribusyon sa SSS. Tinawag niya itong dagdag pasanin sa mga ordinaryong Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
“Ang kapal ng mukha ng SSS na magtaas ng contribution rate habang hindi pa nga naibibigay ang pangakong dagdag-pensiyon. Para sa SSS board, mas mahalaga pa ang fund life ng SSS at ang matataas nilang sahod at perks kaysa sa buhay ng mga miyembro nito na pinanggagalingan naman ng pondo ng ahensiya,” bira ni Colmenares.
Kahit wala ngayon sa kamara ang Bayan Muna, hindi naman natigil ang kanilang pakikipaglaban. Mismong si Colmenares din ang humarap sa Korte Suprema kamakailan para itaguyod sa oral arguments ang petisyon ng grupo na huwag tuluyang isauli sa national treasury ang pondo ng Philhealth na inaasahan ng napakaraming pasyente.
“Ang pera ng Philhealth ay para sa bawat Pilipino,” giit ni Colmenares.
Laban sa abuso sa kababaihan at bayan

Makikita sa mga batas na isinulong ng Gabriela Women’s Party tulad ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Expanded Maternity Leave Act at Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law ang adhikain ng grupo na protektahan ang kababaihan.
Ngunit maliban sa pagprotekta sa mga karapatan ng kababaihan at mga bata, naninindigan din ang grupo sa mga usaping nakaaapekto sa buong sambayanan. Binibigyang boses din nila sa loob ng Kamara ang mga paninindigan ng kababaihan sa iba’t ibang isyu.
“Kapag nasa loob ka ng Congress, hindi puwede na ‘yong babae lang. ‘Pag sinabi mo na babae lang, may misconception doon. ‘Pag nagsalita ka para sa kanila at kasama sila, inaangat mo na rin [ang] buong bayan,” wika ni Gabriela Women’s Party first nominee Sarah Elago.
Sa ganitong gana, isinusulong din ng grupo ang karapatan ng bawat Pilipino sa kabuhayan at trabaho sa pagsuporta sa mga panukalang Genuine Agrarian Reform Bill at National Industrialization Bill upang isulong ang isang ekonomiyang nakaasa sa sarili.
“‘Yong matinding kahirapan, ‘yong kawalan ng lupa, ‘yong kakulangan sa trabaho, ‘yong barat na sahod. Lahat ng ‘yan ay mas mabigat ang impact sa buhay ng mga kababaihan,” ani Elago.
Paliwanag niya, sa pagsusulong ng mga naaayong tugon sa mga usapin ng reporma sa lupa, nakabubuhay na sahod at disenteng kabuhayan, binibitbit na din nila ang pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng kababaihan na maging aktibong kabahagi sa pagbabago.
Kabilang din sa mga sinusuporthan ng Gabriela Women’s Party ang pagsasabatas sa diborsiyo at SOGIESC Equality Bill upang bigyan ng proteksiyon ang mga Pilipino laban sa mga mapang-abusong relasyon at diskriminasyon batay sa kasarian.
Hindi rin inaatrasan ng Gabriela Women’s Party ang patuloy ng panghihimasok ng mga dayuhan at pang-aabuso ng mga nasa poder katulad ng panghihimasok ng United States at China sa ating bansa at ang mga walang habas na atake ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ani Elago, mahalaga ang pagsuporta sa papel ng kababaihan na makapagsalita, makapag-organisa at makakilos nang malaya. At marapat na protektahan ang mga kalayaang ito kasama ng iba pang mga karapatan ng mamamayan.
Papalawigin ang kahalagahan ng edukasyon

Para sa first nominee ng ACT Teachers Partylist na si Antonio Tinio, mahalaga ang papel ng kanilang grupo at ng mga partylist upang mabigyan ng puwang boses ang karaniwang tao tulad na lang ng mga guro sa pampublikong paaralan, na mga kawani ng gobyerno.
Subok na ang ACT Teachers Partylist bilang tunay na kinatawan ng mga guro sa Kamara mula 2010 hanggang kasalukuyan kung saan naupo si Tinio bilang mambabatas nito mula 2010 hanggang 2019.
Bilang bahagi ng Kamara, naisulong ang marami sa mga batas para sa sektor ng edukasyon tulad ng pagpapalaki sa teaching supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan na naisabatas nitong 2024.
Noong 2011, P700 lang ang binibigay sa kanila para sa supplies. Naiangat ito patungong P1,000 noong 2012, P1,500 noong 2016, P2,500 noong 2017, P3,500 noong 2018 at P5,000 noong 2021.
Sa muling pangunguna ng ACT Teachers Partylist, naipasa ang Republic Act 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act na magbibigay ng P10,000 teaching supplies allowance para sa paparating na school year 2025-2026 hanggang sa mga susunod na taon.
Kaugnay sa eleksiyon, isa ring pangunahing isinulong ng ACT Teachers Partylist ang pagpapatupad ng Education Service Reform Act upang gawing boluntaryo ang dating sapilitang serbisyo ng mga guro tuwing panahon ng halalan at masigurong mabibigyan sila ng tamang kompensasyon.
Itinulak rin ng ACT ang pagbibigay probisyon sa regularisasyon ng higit sa 70,000 na kontraktuwal na guro sa buong bansa.
Hangad ng grupo sa matagal na panahon ang pagbibigay ng mas malaking badyet sa edukasyon para matugunan ang mga kakulangan sa mga pampublikong paaralan.
“Ang isang [nais na] ipanukala ng ACT [Teachers Partylist] ay ‘yong bill para tiyakin na ang badyet sa edukasyon ay aabot o lalampas sa 6% ng [gross domestic product]. Ito ‘yong international standards na itinatakda. Pero sa ngayon, 3% o kalahati lang nito ang inilalaan sa badyet. Kaya nais natin na doblehin ito,” sabi ni Tinio.
Dagdag niya, sa pamamagitan ng mas malaking badyet, maisasakatuparan ang mga panukalang kagaya ng pagtaas ng sahod patungong P50,000 kada buwan para sa Teacher I, pagtugon sa lampas 150,000 na kakulangan ng mga classroom sa mga paaralan, at pagpuno sa malaking kakulangan sa bilang ng mga guro.
Politika ng pagbabago ng kabataan

“Pagtakwil sa bulok na sistemang kinakalimutan ang taumbayan,” ito ang ibinahagi ni Kabataan Partylist first nominee Renee Co sa kung ano ang ibig sabihin ng “politika ng pagbabago.”
Mula nang mabuo ang Kabataan Partylist noong 2001 at unang manalo ito sa halalan noong 2007, matibay na pinaninindigan ng grupo na tunay na katawanin at isulong ang karapatan ng kabataang Pilipino sa loob at labas ng Kamara.
Sa loob ng 18 taong panunungkulan, nasa halos 287 ang pinangunahang panukala at ipinasang batas ng Kabataan Partylist hinggil sa edukasyon, akademikong kalayaan at karapatang sibil ng kabataan at ibang pang marhinadong sektor.
Kabilang sa maningning na tagumpay ng Kabataan Partylist ang pagsasabatas ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, mas kilala bilang Free Tuition Law, na nagtanggal sa paniningil ng matrikula at iba pang bayarin sa state universities and colleges at pinakikinabangan na ng maraming kabataang estudyante sa buong bansa ngayon.
Habang patuloy ang pagsusulong ng grupo sa mga karapatan ng kabataan tulad ng abot-kayang edukasyon, demokratikong kalayaan at pampolitikang pakikilahok, hindi nawawala ang mga paninira sa grupo.
Sa kabila ng matinding atake at red-tagging ng estado, matapang itong humaharap at nakikipagdebate sa mga malalaki at tradisyonal na politiko. Patunay ito na tumitindig bilang tunay na boses ng kabataang Pilipino.
Mula noong administrasyong Arroyo hanggang ngayon kay Marcos Jr., tumindig ang ang Kabataan Partylist laban sa mga isyu ng katiwalian, paglabag sa karapatang pantao at inhustisya sa bansa.
Para kay Co, marami sa mga mambabatas sa loob ng Kamara na ginagamit ang kanilang posisyon para sa makasariling interes at proteksiyonan ang mga pansariling negosyo.
“Patuloy na napupunta ang mga polisiya [ng gobyerno] at pera [ng mamamayan] sa mga bulsa at interes nila,” aniya.
“Sa pag-expose ng Kabataan [Partylist] ng katiwalian sa loob at labas ng Kongreso, nagpo-propose rin kami ng [mga] alternatibong [panukala] na [isinasaalang-alang] ang kapakanan ng mamamayan,” dagdag ni Co.
Ngayong mainit na usapin ang katiwalian at impeachment, nanguna si Co sa mga kabataang nagsampa ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Sa huli, kabataan ang magmamana ng ating lipunan at tinitiyak ng grupo na magkakaroon ng makabuluhang pagbabago para sa mga susunod pang henerasyon.