Sa paggunita ng World Consumer Rights Day, taumbayan nagprotesta vs taas-presyo


Ani Neri Colmenares ng Bayan Muna Partylist, kung seryoso ang gobyerno na mapababa ang presyo, dapat tanggalin na nito ang patong-patong na buwis na pinapasan at nagpapahirap sa taumbayan.

Nangalampag ang iba’t ibang grupo sa Commonwealth Market sa Quezon City nitong Mar. 14, bisperas ng World Consumer Rights Day, para ipanawagan ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kabilang ito sa mga koordinadong pagkilos ng taumbayan sa iba’t ibang lugar para panagutin ang gobyernong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapabaya na kontrolin ang presyo at magpatupad ng mga tunay na solusyon kaugnay nito.

Ayon sa Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki Network), ipinagpatuloy at pinagtibay ng kasalukuyang rehimen ang mga patakaran at polisiya ng nakaraang administrasyong Duterte na lalong nagpalobo sa presyo, tulad ng Rice Liberalization Law at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law.

“Kahit may mga ‘di umanong hakbang ang gobyerno, mahal pa rin ang langis, pagkain, tubig, kuryente, gamot, at iba pang bilihin at bayarin,” sabi ng Suki Network sa wikang Ingles sa bukas na liham na isinumite nila sa Department of Trade and Industry matapos ang protesta.

“Dahil sa deregulasyon, walang pangil ang pamahalaan para tiyaking rasonable at abot-kaya ang mga batayang pangangailangan. Dahil sa pribatisasyon, negosyo ang nagtatakda ng presyo sa iba’t ibang paraan. Pumapatong pa ang mga buwis tulad ng value-added tax (VAT) at excise tax sa langis at yutilidad na lalong nagpapataas sa presyo,” dagdag nito.

Noong Hulyo 2023, nilagdaan ni Marcos Jr. ang Executive Order 62 na nagpapababa ng taripa sa bigas mula 35% patungong 15%. Sa paniwala ng pangulo, magmumura ang presyo ng bigas kapag dumami ang dayuhang trader at matabunan ng imported na bigas ang mga palengke.

Pero taliwas ito sa reyalidad ayon kay Amihan National Federation of Peasant Women secretary general at Gabriela Women’s Party second nominee Cathy Estavillo, “naging senior citizen” na ang presyo ng bigas samantalang halos hingiin na ang palay ng lokal na mga magsasaka sa todong pambabarat ng mga trader. 

Aniya, nasa P13 lang presyo ng palay sa Kalibo, Aklan at P16 naman sa Isabela at Guimba.

“Iyong mga magsasaka ay talagang nagagalit na at natatakot na sa tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng palay nila lalo na ngayong peak season [dahil sa] malaking importasyon,” sabi ni Estavillo.

Para kay Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) secretary general at Makabayan Coalition senatorial candidate Mimi Doringo, lalo pang nalulugmok ang maralitang Pilipino dahil sa patong-patong na buwis higit lalo sa pagkain at barya-baryang sahod.

“Nakakagalit. Bakit lagi tayong mga maralita, tayong mahihirap ang laging binubuwisan? Buwis sa langis, tubig, kuryente, bahay, at ang pinakamahirap, buwis sa pagkain,” ani Doringo.

Malaking buladas lang aniya ang pangakong P20 ng pangulo dahil kahit naupo siya sa Department of Agriculture sa kanyang unang taon, hindi ito naisakatuparan.

Sabi ni Bayan Muna Partylist first nominee Neri Colmenares, kung seryoso ang gobyerno na mapababa ang presyo, dapat tanggalin na nito ang patong-patong na buwis na binabalikat ng taumbayan at buwisan ang mga dambuhalang kapitalista at kompanya.

Giit pa niya, dapat itaas ang sahod, isapubliko ang serbisyo sa mga Pilipino, paunlarin ang lokal na produksiyon at pondohan ang ekonomiyang pumapabor sa nakararami.