Health workers nangalampag laban sa pagkakait ng mga benepisyo


Malaking sampal sa mga kawaning pangkalusugan ang napipintong paglalaan ng gobyernong Aquino ng $1 bilyon sa International Monetary Fund (IMF) at pagbili ng jetfighters sa halagang P15 bilyon, habang walang natatanggap na mga benepisyo ang mga manggagawang pangkalusugan sa loob ng kalahating taon. Ito ang matingkad na larawan ng kilos protesta ng mga kawani pangkalusugan […]

Nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan laban sa $1-bilyong pagpapautang ng gobyernong Aquino sa International Monetary Fund. (Pher Pasion)

Malaking sampal sa mga kawaning pangkalusugan ang napipintong paglalaan ng gobyernong Aquino ng $1 bilyon sa International Monetary Fund (IMF) at pagbili ng jetfighters sa halagang P15 bilyon, habang walang natatanggap na mga benepisyo ang mga manggagawang pangkalusugan sa loob ng kalahating taon.

Ito ang matingkad na larawan ng kilos protesta ng mga kawani pangkalusugan sa Philippine Orthopedic Hospital at iba pang pampublikong ospital sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) bilang pagtutol sa Memorandum Order No. 2012-0181 ng Department of Health (DoH) na nagpapatigil sa pagbibigay ng hazard pay. 

“Ang aming mga pasyente at health workers sa mga pampublikong ospital tulad ng sa amin, ay baldado sa kawalang badyet sa kalusugan, pero ang gobyernong Aquino ay may gana pang magpahiram ng $1 bilyon upang “tulungan” ang ibang mga bansa at gumasta ng bilyung-bilyong piso para sa mga jetfighters!” ayon kay Sean Velches, tagapangulo ng National Orthopedic Hospital Workers’ Union-Alliance of Health Workers (NOHWU-AHW).

Mula nitong Enero, wala na umanong natatanggap na hazard pay ang mga manggagawang pangkalusugan. Umaabot ito sa  P2,000-P8,000 kada buwan na malaking tulong sana sa kakarampot na sahod na natatanggap nila, ayon kay Jossel Ebesate, pambansang tagapangulo ng AHW.

“Marami sa mga kawaning pangkalusugan ang baon ngayon sa utang dahil inaasahan nila ang pagbibigay sa mga benepisyo gaya ng hazard pay na hanggang ngayon ay wala pa. Marami sa kanilang mga anak ang naantala ang pag-enrol dahil sa kakulangan ng natatanggap. Ang iba naman, nagkakaroon ng hindi pagpasok dahil wala na silang panggastos,” pahayag ni Ebesate sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ang mga nasabing benepisyo ay nakasaad sa Magna Carta for Health Workers na mahigit na dalawang dekada nang tinatamasa ng mga manggagawang pangkalusugan na ngayon ay unti-unting tinatanggal ng administrasyong Aquino, dagdag ni Ebesate.

“Kung ang gobyernong Aquino ay may puso sa lahat ng mahihirap, imbes na hindi kinakailangang gastusin at pribatisasyon, dapat na maglaan ng sapat na pondo sa mga pampublikong ospital at benepisyo ng mga health workers – at makakaabot ito hanggang sa pagsasalba ng mga buhay ng mga tao,” ayon kay Velches.

Nakatakdang sugurin ng mga kawaning pangkalusugan ang DoH sa Lunes, Hulyo 2 upang kondenahin ang departamento sa pagkakait sa benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan.

“Walang ibang magtutulungan kundi tayo ding mga mangagawang pangkalusugan,” sabi pa ni Velches.

Samantala, kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang naturang pagpapautang ng gobyerno sa IMFdahil hindi naman umano tunay na nakakatulong ang IMF sa mga manggagawa at mahihirap na mamamayan sa ibang bansa.

“Hindi makakatulong ang pagpapautang, “mas lalo lamang pahihirapan ang buhay ng mga manggagawa at mamamayan sa Europe at maging sa buong mundo, dahil sa pagpataw ng IMF ng mga austerity measure kapalit ng tulong o pautang,” sabi ni Leandro Gerodias, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMU.  Pangamba pa ng grupo na mapapahamak lamang ang mga OFW na siyang pinagkunan ng perang ipapautang ng gobyerno.

“Aktibong itinutulak ng IMF ang  mga gobyerno na magpatupad ng mga austerity measure upang matiyak na babayaran ng mga gobyerno ang kanilang utang,” sabi pa ni Gerodias.  Ilan umano sa mga ito ay ang pagbabawas ng mga gobyerno sa  gastusin para sa serbisyo sosyal, malawakang pagbabawas ng mga empleyado sa gobyerno, pagtataas  ng taon sa pagreretiro at pagbawas naman ng mga pensiyon ng mga retirado.

Dagdag pa ng grupo, malaking kasinungalingan umano ang inilalako ng gobyernong nakakatulong ang IMF para maibsan ng iba’t-ibang bansa ang ekonomiyang krisis ng mga ito.  Sabi pa ni Gerodias, “Ang mga manggagawa kasama ang iba pang mamamayan sa Europe at iba pang panig ng mundo ay lumalaban sa  IMF at sa mga austerity measure,” aniya.

Pinaalalahanan din ng grupo ang gobyernog Aquino na dapat nitong gamitin ang foreign exchange reserve ng bansa sa paraang makikinabang ang mga OFW at iba pang sektor.

“Kabaliwan,” ito naman ang banat ni Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna Partylist.  Sa pahayag ni Casino, ipinunto nito na mas malaki ang pagkakautang ng Pilipinas na umaabot na sa P5 trilyon  ngayong taon kaya’t mas kailangan umano ito ng bansa.  “Why on earth lend money when we ourselves need it?” pahayag ni Casino.

Sinabi pa ni Casino na mahigit  700,000 micro, small at  medium enterprises, kasama na ang  iba pang sektor ang desperadong nangangailangan ng tulong.  Aniya, “ Dapat ipautang na lang yang perang yan sa maliliit nating negosyante,” napipiltan umanong mangutang sa 5/6 ang mga maliliit na negosyante dahil sa kawalan ng maayos na sistema ng pautang sa bansa.

Dagdag pa ni Casino, hindi umano pinahintulutan ng kongreso ang nasabing pagpapautang ng gobyerno, at hindi rin natalakay sa deliberasyon ng badyet ng gobyerno.

“Kongreso lamang ang may kapangyarihan na maglaan ng ganyang kalaking halaga sa isang layunin. Dapat nilang itigil ang kabaliwang iyan,” sabi pa ni Casino. (May ulat ni Macky Macaspac)