FEATURED

Kriminal ang trato sa mga mag-aalimango


Sa mata ng mga mangingisda, isang patraydor na atake sa kanilang mga tumutol sa coastal project ang dahilan ng walang kaabog-abog na pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order 264.

King crab crablets

Nanganganib mawalan ng kabuhayan ang mga mag-aalimango sa Gubat, Sorsogon bunga ng pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order 264 (FAO 264) ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon sa mga mangingisda, hindi dumaan sa konsultasyon at hindi nagkaroon ng masusing pag-aaral ang BFAR bago ibinaba ang naturang kautusan. Wala rin ito umanong pagsasaalang-alang sa kanilang kabuhayan.

Sa mata ng mga mangingisda, isang patraydor na atake sa kanilang mga tumutol sa coastal project ang dahilan ng walang kaabog-abog na pagpapatupad ng FAO.

Napatigil ng mamamayan, lalo na ng mga mag-aalimango ang planong coastal road at shore protection project noong Hunyo 2022 na kung natuloy ay sisira sa malusog na ekosistem sa dalampasigan—bakawan, coral reefs, baybay dagat at maging ang natural na siklo ng buhay ng mga alimango.

Libo-libong mamamayan, apektado

Kilala ang Sorsogon bilang pangunahing supplier ng binhi o crablet ng Scylla serrata na mas kilala bilang king crab o giant mud crab. Ayon sa datos ng Fish Fever, ang probinsiya ang pinagkukunan ng mga primera klaseng crablet ng mga crab fish ponds sa Pampanga, Bataan, Capiz at Zamboanga.

Ayon sa mga mangingisda, masarap, malaki at malaman ang mud crab natin, pang eksport ang kalidad. Maging sa Singapore, tinatangkilik ang alimangong mula Sorsogon.

Si Ernie Gallardo, 36, may asawa at mag-aalimango mula Gubat ang kinatawan ng Save Gubat Bay Movement (SGBM) sa ikatlong People’s Summit Against Reclamation sa Maynila noong Hunyo.

Ayon kay Gallardo, panghuhuli na ng binhi ng alimango ang kanilang ikinabubuhay mula pa 1970s.

“‘Yong lolo ko, panghuhuli ng crablets ang trabaho. Ako, gan’on din. Nasa 15 taon ko nang trabaho ito,” sabi ni Gallardo.

Napatigil ng mamamayan, lalo na ng mga mag-aalimango ang planong coastal road at shore protection project noong Hunyo 2022. Larawan mula sa People’s NICHE.

Isang malawak na alyansa laban sa mga proyektong mapanira sa Gubat Bay ang SGBM. Binubuo ito ng mga organisasyong Cota Daco Crablet Workers Association (COTAW), Sorsogon King Crab Raisers Association (SKRA) at Samahan Alay sa Kalikasan Cooperative (SAAKCO).

Kung bakit hindi nila naisipang magpalaki ng mga alimango, masyado aniyang maalat ang tubig sa lugar nila kaya pigil ang paglaki ng alimango. “Pero ang dagat [ng Sorsogon] ang mahusay na source ng malulusog na semilya ng alimango,” tugon ni Gallardo.

Sa isang video sa Facebook page ng Say No To FAO 264, inilahad ang iba’t-ibang sektor na naapektuhan ng FAO.

Naroon ang mga catcher o mga nanghuhuli ng semilya sa dagat gamit ang saro o tila gabatsang fishnet. Sila ang bumubuo sa mayorya ng mag-aalimango. Sumunod ang mga collector o ang namimili ng mga crablet.

Kabilang din ang mga crablet raisers. Sila ang mga nagmamay-ari ng maliliit na fishpond na nagsisilbing crablet sanctuary. Dito pinalalaki hanggang maging sinlaki ng piso ang crablets, handa na para ibenta. Kasama rin sa ang mga viajero o ang mga maghahatid ng mga crablet sa mga crab fattening pond.

Matrabaho ang pagdeliber ng mga crablet. Kailangan silang ilagay sa styrofoam at kahon. At nangailangan ito ng dagdag na manggagawa na magbibilang sa mga crablet, mag-eempake at magbabantay sa fish pond.

Aabot sa libo-libong mamamayan ng Sorsogon ang umaasa sa industriyang ito. Nabibilang sa mga catcher ang mayorya sa kanila. Sila rin ang pinakaapektado ng FAO. Wala silag pag-aari liban sa kanilang saro at angking sipag sa trabaho.

Patakarang dumusta sa maliliit

Ayon kay Gallardo, walang konsultasyong isinagawa ang BFAR sa hanay ng mga mag-aalimango sa Sorsogon bago ipinatupad ang naturang kautusan. Wala rin itong pagsaalang-alang sa kanilang kapakanan.

Ayon naman kay Judilyn Fortades, catcher na mula sa Barcelona, Sorsogon, malaking tulong sa kanilang kabuhayan ang pagiging catcher.

“Nakakapagpaaral kami ng mga anak namin. Nakakapagpaayos na rin kami ng bahay,” kuwento ni Fortades.

Dagdag pa niya, “Dahil sa [FAO], para na rin kaming tinanggalan ng karapatan mabuhay. Tinatanggalan din ng kinabukasan ang aming mga anak.”

Ipinagbabawal ng FAO ang panghuhuli ng mga binhi ng mga mud crab mula sa natural nitong tirahan sa dalampasigan at dagat. Ipinagbabawal din ang panghuhuli ng mga mud crab na hindi pa umaabot ng 12-centimeter carapace width (CW).

Kaugnay naman ng mga crablet na hinuhuli bilang binhi o para ibenta sa mga fish pond bilang semilya, kailangan munang umabot sa 5-centimeter CW o higit pa bago hulihin o ibenta.

Bukod sa kumpiskasyon ng mga produkto, pinagmumulta ng BFAR ng mula P100,000 hanggang P5 milyon ang lalabag dito. Maaari rin ipakulong ng BFAR ang lalabag sa FAO ng walo hanggang 10 taon.

Ibinahagi ni Gallardo na mula P12 kada semilya, bumagsak ng 50 sentimos ang bilihan dito.

“Kailangan mo pa maglagay sa pulis at sa tauhan ng BFAR para makapagpuslit. Para na kaming kriminal samanatalang marangal naman ang trabaho namin,” paliwanag ni Gallardo.

Ayon kay Chiaren Estargo, isang crablet raiser sa Gubat, kung dati, isang buwan lang nabebenta na nila ang mga semilya, dahil sa FAO, kailangan nilang maghintay ng tatlong buwan bago maibyahe at maibenta ang mga crablet.

“Dahil sa FAO 264, liliit ang delivery namin. Maaari rin dumoble o trumiple ang benta namin dito para makabawi kami sa gastos,” sabi ni Estargo.

Dagdag pa ni Estargo, “Maganda ang paglaki ng alimango. Pantay ang tubo ng mga sipit ng alimango, pang-export quality kapag naililipat agad ang mga coin-sized [crablet] sa mga crab fattening fish pond kumpara sa nais ng BFAR na 5 [sentimetrong] CW.”

Pangangalaga umano sa kalikasan at sa mud crab species ang layunin ng FAO 264, ayon sa BFAR. Sinisiguro umano nito na maging sustenable ang stock ng naturang uri ng alimango sa bansa.

Sinabi naman ni Allan Espallardo, tagapangulo ng SKCRA, hindi dapat pinagbabangga ang interes ng mahihirap na mangingisda na gusto lamang mabuhay at ang pangangalaga sa kalikasan. 

“Para maging epektibo ang pangangalaga sa kalikasan, mahalagang maging kabalikat ng pamahalaan ang mga mangingisda at mamamayan. Hindi kalaban ng kalikasan ang mangingisda, protektor sila ni inang kalikasan,” sabi ni Espallardo.

Pangangalaga sa kalikasan, bahagi na ng buhay mangingisda

Dalawang henerasyon na ng mag-aalimango ang namulatan ni Gallardo sa Gubat. Sa karanasan nila sa probinsiya, hindi lang sila nanghuhuli ng mga alimango at nakikinabang dito, nangangalaga rin sila sa kalikasan.

“Imbes na lumiit ang huli namin, may mga panahon pa ngang hindi na namin alam ang gagawin sa sobrang dami ng mga [crablet],” kwento ni Gallardo.

Kuwento naman ni Salvador Fidellaga, catcher at miyembro ng SGBM, walang sikreto o milagro sa pagpaparami ng mga crablet.

“Hindi naman kami nagpapakasasa lang sa kaloob ng kalikasan. Pinangangalagaan namin ito. Madalas kaming mag-coastal cleanup sa mga baybay at bakawanan,” ani Fidellaga.

Isang paraan ng mga residente ng Gubat, Sorsogon ang madalas na coastal cleanup upang pangalagaan ang habitat ng mga alimango. Larawan mula sa Save Gubay Bay Movement.

Sa Facebook page ng grupo, ipinakita sa ilang bidyo kung paano sila nagpapakawala ng mga babaeng alimango sa dagat. Kinunan din nila ng bidyo ang pagsagip sa pawikan at kung paano nila tinulungan itong makabalik sa karagatan.

“Ipinagbabawal din namin ang pagputol sa mga bakawan dahil d’yan nakatira ang maraming lamang dagat kabilang ang alimango. Hinihikayat din namin ang mga may-ari ng fish pond na pakawalan sa dagat ang mga babaeng alimango,” dagdag ni Fidellaga.

Ayon kay Gallardo, isa pang napakalaking tagumpay ng mga taga-Sorsogon sa pangangalaga sa kalikasan at sa populasyon ng alimango ang pagpigil sa proyektong coastal road na kung natuloy ay sisira sa tirahan ng mga lamang dagat.

“Hindi nga namin maintindihan ang BFAR. Kami na nga ‘yong nangangalaga sa Gubat Bay, kami pang inaagrabyado,” sabi ni Gallardo.

Inaanyayahan ni Gallardo at ng SGBM ang mga environmentalist, siyentista at iba pang nagmamahal sa kalikasan na tumungo sa kanilang komunidad sa Sorsogon para masaksihan kung paano nila pinapangalagaan ang Gubat Bay.

Nais din nilang ipakita sa mga eksperto ang natural na siklo ng buhay ng mga alimango at kung paano hindi sumasagka ang kabuhayan nila dito bagkus nagsisilbi silang protektor nito at ng tirahan ng mga ito.

Nais rin ng SGBM, sa tulong ng mga makabayang na mas mapahusay ang kanilang pagkalinga sa kalikasan nang hindi sinasagasaan ang kabuhayan ng mga mag-aalimango at mangingisda.