Pamalakaya sa DENR: Paspasan ang ‘cumulative assessment’ sa Manila Bay reclamation


“May kagyat na pangangailangan para tuluyang ipatigil ang bawat reclamation project sa Manila Bay at agarang magpatupad ng lubos na rehabilitasyon at pagpapanumbalik ng mga nasirang ecosystem,” ani Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.

Reklamasyon ng Manila Bay sa Navotas City. Axell Swen Lumiguen/PinoyWeekly

Nanawagan ang mga mangingisda sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang agarang pagsasagawa ng “cumulative impact assessment” sa isinasagawang Manila Bay reclamation.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na “napakatagal na umano” ng aksiyon ng DENR.

“May kagyat na pangangailangan para tuluyang ipatigil ang bawat reclamation project sa Manila Bay at agarang magpatupad ng lubos na rehabilitasyon at pagpapanumbalik ng mga nasirang ecosystem,” ani Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.

“Bakit inaabot ng siyam-siyam ang DENR para magsagawa ng cumulative impact assessment sa reclamation kung nariyan naman na ang mga pag-aaral at ebisdensiya ng mga pinsala?” dagdag ni Hicap.

Matatandaang noong Hunyo, inanunsyo ng DENR na magsasagawa ng cumulative impact assessment sa mga isinasagawang reclamation projects sa Manila Bay.

Tinatayang mayroong humigit-kumulang 20 reclamation projects, kabilang ang kontrobersiyal na proyektong New Manila International Airport sa Bulacan ng San Miguel Corporation sa Manila Bay. Ilang grupo na ang nananawagan para sa pagpapawalang-bisa ng environmental compliance certificate ng mga proyektong ito.

Nangangamba ang Pamalakaya na habang tumatagal, “mas lumalawak at lumalalim” ang pinsalang idinudulot ng mga proyekto sa Manila Bay at mga mangingisda.

“Muli kaming nananawagan sa DENR na pabilisin ang desisyon nito laban sa reklamasyon, at agarang magsagawa ng tunay na rehabilitasyon na ganap na ibalik ang dating masaganang ekosistema ng Manila Bay,” wika ni Hicap.