Uncategorized

Kastilyong buhangin


Lalo lang naging malinaw na wala sa prayoridad ni Duterte ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya.
Laging uunahin niyang atupagin ang pagtitiyak na bundat ang mga kroni niyang kontraktor at malalaking negosyante at mga kurakot niyang alipores sa gabinete.

Bigas na naging bato pa! Kahit laging sinasabi ni Pangulong Duterte na “walang pera” ang gobyerno para ayudahan ang mga apektado ng pandemya, nagagawa naman nitong magwaldas ng milyun-milyong pondo ng bayan para sa mga proyektong batbat ng kabulastugan at korupsyon.

mula sa Sat’s Ire Facebook page

Imbes na bumili ng gamit pangkalusugan at pagkain para sa mahihirap, naglustay si Duterte ng P389 Milyon para sa overpriced na Manila Bay White Sand project na hindi lang walang katuturan, mapanganib pa sa kalusugan at kalikasan.

Tinatambakan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 500-metrong kahabaan ng Roxas Boulevard ng dinurog na dolomite, batong minina mula sa nalalabing kabundukan ng Cebu, para pagmukaing white sand beach ang Baywalk.

Para saan? Katwiran ni DENR Undersec. Benny Antiporda, para raw ito ilapit sa mga kababayan nating hindi makapunta sa Boracay ang white sand. Aanhin ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho ang buhangin? Ang kailangan ng tao, ayuda, mass testing at malakas na sistemang pangkalusugan.

Depensa naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, para raw ito sa mental health ng mga Pilipino. Andami nang pinoproblema ng mga Pilipino sa kapalpakan at pagpapabaya ng gobyerno, dadagdag pa ito? Ang kailangan ng tao, matalino, makatao, at makatarungang pamamalakad para mapanatag ang kaisipan sa panahon ng pandemya.

Walang anumang palusot ang makapagbibigay katuwiran sa paglustay ng napakalaking pondong pampubliko, lalo na sa gitna ng matinding krisis, para sa proyektong ito na nalantad pang overpriced. Sa pag-aaral ng mga eksperto, tatlong buwan lang ay aanurin lang din ang itatambak na buhangin.

Napag-alaman ding ang paglanghap ng dolomite ay maaaring magdulot ng sakit sa tao. Dahil din hindi natural sa Manila Bay, maaari pa itong magdulot ng pinsala sa kalikasan.

Sino ang makikinabang? Hindi ang mga nagugutom at nagkakasakit dahil sa kapabayaan ng gobyerno. Hindi ang daan-daang frontliners na namatay dahil sa kakulangan ng pondo. Hindi ang mga namatay sa Covid-19 dahil sa kakulangan ng ventilators at pasilidad pangkalusugan. Hindi ang milyun-milyong nawalan ng trabaho’t kabuhayan na pinagkakaitan ng ayuda. Lalong hindi ang mga Pilipinong magbabayad ng trilyones na utang ni Duterte na napupunta lang sa mga kinurakot, walang silbi at mapaminsalang proyekto gaya nito.

Katulad lang din proyektong ito ng iba pang naging tugon ni Duterte sa pandemya: wala sa hulog, walang pakinabang, batbat ng korupsiyon, dagdag-pasanin, at lalong naglalagay sa panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Lalo lang naging malinaw na wala sa prayoridad ni Duterte ang pagtitiyak sa kapakanan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya. Laging uunahin niyang atupagin ang pagtitiyak na bundat ang mga kroni niyang kontraktor at malalaking negosyante at mga kurakot niyang alipores sa gabinete. Ito lang kasi ang paraan para manatili silang nakasuporta sa rehimen niyang parang Manila Bay, mabaho, nakakalason, nakamamamtay.

Gaano man pagtakpan ang dumi at baho, ang rehimen ni Duterte ay katulad lang ng proyektong ito: artipisyal at nakasandig sa mahinang pundasyon ng korupsiyon at pasismo. Gaya ng panambak niyang “white sand”, di rin magtatagal ang palpak, pabaya, at pasistang paghahari niya. Ang kastilyo niyang buhangin ay madaling aanurin ng pagdaluyong ng naniningil na mga mamamayan.