Main Story

Nagbabadyang panganib sa Masungi

Ilang taon na matapos mabuo ang kasunduan para proteksiyonan ang libong ektaryang kabundukan sa Masungi, kasalukuyang nagbabadya ang panganib na mapawalang bisa ito.

Naging inspirasyon sa buong mundo dulot ng sama-samang layunin na mapangalagaan at maprotektahan ang mahigit kumulang 2,700 ektaryang kabundukan sa Baras, Rizal.

Ngunit nanganganib ngayon ang luntiang santuwaryong ito. Mula pa mismo sa gobyerno ang banta na nagtatangkang burahin ang proteksiyon para rito.

Ngayong Abril lang, inanunsiyo ang planong pagkansela sa 2017 memorandum of agreement ng (MOA) sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Masungi Georeserve Foundation Inc. (MGFI).

“Hindi na nga mabantayan ng DENR ang ating mga protected [area], gusto pa nilang tanggalin ang isa sa mga nangungunang organisasyon na nagtataguyod dito?,” ani Billie Dumaliang, director for advocacy ng MGFI.

Kinikilala sa buong mundo ang Masungi Geopark Project dahil sa natatanging layunin nito na protektahan ang kalikasan habang ibinabahagi sa mamamayan ang kaalaman. Taong 2016 ng inilunsad ito ng MGFI na may hangarin ukol sa konserbasyon, edukasyon at pag-unlad.

Pinoprotektahan nito ang natatanging karst landscape na nagtatampok ng 66 milyong taong gulang na mga pormasyon ng bato, pati na rin ang mayabong na kagubatan at kamangha-manghang mga tanawin ng Sierra Madre.

Dito rin matatagpuan ang mahigit 400 species ng mga halaman at hayop na sa Pilipinas lang makikita.

Pahayag ng MGFI, hindi mga Pilipino o ang kapaligiran ang makikinabang sa planong pagkansela sa kasunduan. Tanging ang mga large-scale fraudulent claimant, land grabber, quarry at swimming pool resort ang nagnanais ng pagkansela sa proyekto para hindi ito bumangga sa kanilang mga interes. 

Ayon sa DENR, walang bisa ang kontrata ng MGFI na pangalagaan ang protektadong kabundukan.

Pumasok sa isang kasunduan noong Abr. 25, 2017 ang MGFI at dating DENR Secretary Gina Lopez upang ipagkatiwala ang pangangalaga sa lugar.

Naatasan ang MGFI sa pangangalaga ng isang 2,700 ektaryang lupain na nababagabag ng mga insidente ng karahasan, pag-agaw ng lupa, at iligal na pagtotroso at pagmimina.

Lokasyon ng Marikina River Basin kung saan mahalagang bahagi ang Masungi Georeserve sa Baras, Rizal. Mula sa pag-aaral nina Jojene Santillan, Roseanne Ramos, Girlie David at Sabrina Recamadas

Subalit mula ng mapirmahan ang kasunduang ito, inulan na ng kritisismo mula sa ilang ahensiya ang MOA at ang organisasyong sangkot rito.

Walang saysay ang naging kasunduan lalo na sa usapin ng legalidad at konstitusyonalidad.

At ngayon buwan nga lang, lantarang inihayag at binuksan ni DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga ang usapin sa MOA.

Pinagtitibay pa ng kanyang hinaing ang opinyon ng Department of Justice (DOJ) na pagkawalang bisa ng kontrata mula pa lamang sa umpisa (void ab initio). 

Ngunit pahayag naman ng organisasyon, may bisa ang kontrata na pinasok ng dating kalihim ng DENR sa kanyang malawak na kapangyarihan sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System (Nipas) Act. 

Dagdag pa ng MGFI, mayroon ding mga elemento ng isang balidong kasunduan ang kontrata.

Pagpapaigiting sa environmental protection ang bukambibig na pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ngunit hanggang ngayon, wala pa rin namang patunay ang mga pangakong ito. 

Testamento ng patuloy na kapabayaan ng gobyerno at ng ahensiya nito sa kalikasan, partikular ng DENR, ang mga nangyayaring sigalot at abuso sa Masungi. 

Pinangungunahan pa madalas ng gobyerno ang paggawa ng ilang mga aktibidad na para lamang sa kani-kanilang pansariling interes.

Minsan nang pinag-interesan ng isang opisyal ng gobyerno mula Tanay ang Masungi.  Sinabi nitong mainam para sa produksiyon ng semento ang lugar dahil sa “high-quality limestone” nito. 

Matatandaan rin na pinursige ng gobyerno ang balak na pagpapatayo sa ilang pasilidad para sa Bureau of Corrections noong 2023.

At ilang taon na ring usapin ang ilang ilegal na gawaing patuloy na ginagawa sa Masungi tulad ng pagpapalawak ng ilang mga pribadong mga resort malapit sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape

Kailangang isaalang-alang na ang 2,700 na ektarya ng lupain ang santuwaryo sa 400 uri ng mga halaman at hayop. 

Makikita lamang sa Masungi ang ilang 70 uri ng hayop at halaman kabilang na ang  Luzon tarictic hornbill (Penelopides manillae), JC’s vine (Strongylodon juangonzalezii) at Masungi snail (Hypselostoma latispira masungiensis) na unang namataan ng mga siyentipiko noong 2017.

Pinangangambahang mawala ang mga tanging yamang ito sa patuloy na pagtutulak ng DENR na ipawalang-bisa ang MOA sa Masungi. 

Bukod pa riyan, nangangamba rin ang magkapatid at mga co-founder ng MGFI na sina Anne at Billie Dumaliang.

Maaari umanong maging bukas sa pananamantala at abusuhin ng ilang pribadong personalidad ang lugar na magdudulot ng pagkasira sa tinaguriang huling green corridor ng bansa.

Posibleng humina rin ang depensa ng lalawigan sa mga pumapasok na bagyo. Magiging dahilan ito ng mga panganib tulad ng baha, landslide at iba pang mga sakuna.

Ayon kay Leon Dulce, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment sa dokumentaryong “The Last Defenders of the Philippines” noong 2022, ““If the [MOA would] be canceled, then you remove that first and last line of defense that you have for the watershed area.”

“Removing Masungi will cascade into various ecological disasters and also the wholesale entry of the different resource-grabbing companies, the speeding up of the degradation of the watershed, and consequently, the speeding up of the risks of floods and other natural disasters amplified by climate change,” dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, hinamon ni Antonio Contreras, isang political scientist at kolumnista sa The Manila Times, ang mga abogado ng DENR at DOJ. 

Aniya, dapat isaalang-alang ng mga ahensiya na ulitin ang interpretasyon sa MOA na nag-udyok sa kanila sa hatol na void ab initio.

”The argument that the MOA is void ab initio is the one that is void from the moment it is uttered. It stands on shaky legal grounds,” giit niya.

Isa sa paratang ng DENR at DOJ ang kawalan ng kakayahan ni Lopez na gawaran ng karapatan ang MGFI na mangasiwa sa Masungi. Ngunit ayon kay Contreras, maling sabihin ito.

May kakayahan umano ang dating kalihim na magkaroon ng kasunduan sa mga pribadong organisasyon sa ilalim ng Section 10 ng Republic Act 7586 o Nipas Law of 1992.

Ayon dito, may kapangyarihan si Lopez bilang noo’y kalihim ng DENR na pumasok sa isang kontrata o kasunduan sa pagitan ng mga pribadong organisasyon o pampublikong ahensya upang maisagawa ang mga layunin ng RA 7586. 

Bukod pa rito, may ang usapin din ng “perpetual trust” sa ikapitong talata ng pinagkakaguluhang MOA.

“It is the intent of both parties that the project area shall be constituted as a perpetual land trust for conservation, subject to law. Masungi will be Trustee and shall continue to be so for as long as there is no neglect or violation of this agreement,” saad nito. 

Larawang kuha ng satellite sa mga nasirang lugar malapit sa Masungi Georeserve. Masungi Georeserve

Kinontra naman ito ng DENR at DOJ gamit ang probisyon ng Article XII, Section 2 ng Konstitusyong 1987 na nagsasabing, “Ang lahat ng mga lupaing ari ng bayan, mga tubig, mga mineral, karbon…at iba pang mga likas na kayamanan ay ari ng Estado.”

Ngunit sabi naman ni Contreras, “perpetual status” sa pagiging “trustee” o katiwala lamang ang inihahayag sa ikapitong talata ng nasabing  MOA.

May karampatang responsibilidad umano ang MGFI na proteksiyonan at hindi gawing “resource extraction” ang lugar.

Siyempre, may kapangyarihan pa rin ang DENR na ipawalang-bisa ang nasabing kasunduan.

Ngunit mangyayari lang iyon kung napatunayang hindi maayos na napangasiwaan ng MGFI ang lugar at kung napagdesisyunan ng korte na bawiin ito sa kanila.

Samantala, binigyang-diin ni Dumaliang na hindi regalo ang probisyon ng MOA na nagpapahayag ng layunin ng mga partido sa pangangasiwa sa lugar.

Aniya, kung maayos na susuriin, nilalahad ng kontrata na maaari lang pamahalaan ang proyekto hanggang pinapayagan ng batas o Konstitusyon.

Dagdag pa nila, nananatiling may bisa at nagbubuklod ang kontrata hanggang sa ideklara ito ng korte na walang bisa.