Paninda sa Kadiwa, mahal naman!


“Halos wala naman pinagkaiba sa presyo, mabuti pa mamili na lang ako sa palengke sa may amin,” hirit ni Estrelieta Bagasbas, vendor ng suman at lider ng Kadamay-San Roque.

Matapos ipagmayabang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakaraang State of the Nation Address malaking tulong ang mga Kadiwa store sa pagpapababa ng gastos, inalmahan naman ito ng mga karaniwang mamimili. 

Ang Kadiwa ay mga tindahang itinayo ng gobyerno na may mga pagkaing paninda direkta mula sa mga magsasaka at may subsidy.

Ayon kay Marcos Jr., nasa 1.8 milyong pamilyang Pilipino raw ang natulungan ng Kadiwa sa nagdaang taon, patunay daw na nakatutulong pa rin ang proyekto ng kanyang ama sa panahong ito.

“Halos wala naman pinagkaiba sa presyo, mabuti pa mamili na lang ako sa palengke sa may amin,” hirit ni Estrelieta Bagasbas, vendor ng suman at lider ng Kadamay-San Roque.

Dagdag ni Bagasbas, kahit sa ibang panindang gulay wala masyadong pagkakaiba, minsan mas mahal pa nga. Magluluto sana siya ng tinola, kaso ang papaya sa Kadiwa ay P80 kada kilo, samantalang P40 lang sa palengke ng San Roque, isang kalapit na maralitang komunidad. 

“Mukhang pangmayaman pa ang tindahan at mga namimili,” kuwento ni Arlene Mangga nang minsan napadaan sa isang Kadiwa outlet. Larawan ni Michael Beltran.

Nitong Hulyo, napadaan si Arlene Mangga sa Kadiwa outlet. Narinig niyang mura ang bilihin at baka matsambahan pa niya ang P25 na bigas. Sagot sa kanya, pagpatak ng 8 a.m., ubos na ang murang bigas.

Namili na lang si Mangga ng kalahating kilong talong, P35, kapresyo lang ng tinda sa palengke sa barangay nila.

“Limitado raw ang bigas. Depende kung may stock. Bumili na lang ako nang kaunti kasi nahiya na ako. Pero kapresyo lang naman nung sa palengke. Mukhang pangmayaman pa ang tindahan at mga namimili,” kuwento ni Mangga. 

Dinalaw ng Pinoy Weekly ang Kadiwa store sa harap ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City. Ayon sa kanilang store manager, “Binabatay ang presyo sa nearest markets. ‘Yong price monitoring, tintinyak namin na mas mababa ito ng mga 10% to 20%.”

Sa nakita ng Pinoy Weekly, may panindang sinandomeng na bigas sa halagang P47 kada kilo. Hindi naman ito nalalayo sa mga nasa palengke. Ang madalas na ipagmalaking P25 na bigas kada kilo, hindi araw-araw mabibili at kahit nariyan, hanggang 50 kilo lang ang mabebenta.

Presyo ng ilang paninda sa Kadiwa outlet sa tabi ng opisina ng Department of Agriculture sa Elliptical Road, Quezon City. Larawan ni Michael Beltran.

Ayon sa mga magsasaka mula sa Pangasinan na nagtitinda ng mga pananim nila sa Kadiwa, sadyang mataas ang presyo ngayon ng lahat ng gulay dulot ng sunod-sunod na bagyo at malalakas na ulan.

Sagot man ng Kadiwa ang kanilang transportasyon at pwesto, kailangan nilang mangupahan pa sa dormitoryo ng DA sa halagang P200 kada gabi kada tao. 

Paliwanag ni Jose Paolo Echavez, Kabataan Partylist vice president for Visayas at isa ring agriculturalist, wala pa ring magagawa ang Kadiwa para babaan ang presyo ng bilihin dahil sumusunod lang ito sa galaw ng merkado. Kung mataas ang paninda sa palengke, tataas din sa Kadiwa.

Dagdag pa niya, nagiging raket pa ito ng gobyerno para sa mga nahuhuli nilang smuggled goods.

Sa nakaraang buwan, may 4000 metric tons ng smuggled asukal mula sa Thailand na kinumpiska ng gobyerno. Balak nilang itinda na lang sa Kadiwa sa halagang P70 kada kilo. Inaasahang kikita ng P280 milyon ang pamahalaan.

“Plus point na naman sa gobyerno para masabing ‘bumaba’ ang presyo ng asukal, pero kawawa dito ay mga local na producer na hindi kayanin na makipag compete sa napakaraming smuggles na sugar sa murang halaga,” bira ni Eschavez. 

Imbis na pagkakitaan, tanong ni Eschavez, bakit ‘di gawing ayuda kung ang Kadiwa’y tunay na programa sa pagtulong sa mahihirap?