Kailanman, hindi matatahimik ang katotohanan, sapagkat wala itong pinipiling oras o panahon para ilitaw ang mga nawala at nawalan.
Kinatha ni I.S.A. Crisostomo-Lopez sa nobelang “The Waters of Manila Bay Are Never Silent” ang pagtatambis ng mga nasawi at sapilitang nawala noong panahon ng Martial Law, mga biktima ng Oplan Tokhang at iba pang mga masaker sa kasalukuyan. Salamin sa kanyang akda kung paano ang ganitong siklo ng inhustisyang umiiral ang siyang nagbuklod sa mga karakter na manindigan para sa katotohanan.
Binaybay sa bawat kabanata ang iba’t ibang mga buhay ng mga karakter na konektado sa propesyon ni Zechariah “Zeke” Dipasupil, isang news editor at managing director ng The Manila Daily Star.
Katulad din siya ng napakaraming mga mamamahayag. Nagdodoble kayod din siya sa isa pang trabaho para makapagsustento sa pamilya, naghahanap ng kasagutan sa pagkawala ng kanyang ama at pagkuwestiyon sa tinahak niyang larangan dahil sa matinding pagtugis ng estado sa midya.
Tulad ng bawat kabanata, mainam na inilahad ni Crisostomo-Lopez ang mga buhay ng mga biktima bago ang mga nangyaring engkuwentro. Inilarawan niya ang buhay ng mga batang nasawi sa Oplan Tokhang, kung paano kawalang-hiya ang pulisya sa kanilang mga krimen na winasak ang mga pangarap ng mga bata at pamilya.
Sa bawat batang nasawi at pamilyang nawalan, idiniin sa nobela ang ugat ng kanilang paghihirap.
Halimbawa, sa habang may inang nagtatrabaho bilang migranteng manggagawa at nangungulila sa kanyang pamilya, mayroon ding ama na nag-aalala kung makakakain ang pamilya o makapagbabayad sa matrikulang nagtaas. Sa umiiral na panggigipit sa pamilyang naghihikahos, kakapit din ito kahit sa patalim sa abot ng mga pagkakataon.
Wala rin itong pinag-iba sa mga panahong laksa-laksang mamamayang nagprotesta noong panahon ng Martial Law. Sapagkat mulat ang mga manggagawa at kabataan noon, mga kasing-edad din nina Zeke, sa pang-aabuso at pandarambong noong panahon ni Marcos Sr. Nagsilbing signos kay Zeke na malaman niyang anak siya ng isang desaparecido, ang kanyang ama, na mayroong pangarap ding winaksi ng estado.
Bagaman hindi na naabot ng mga nawala ang kanilang mga pangarap, nagpapatuloy naman itong kamtin ng mga tulad ni Zeke sa pamamagitan ng paglitaw sa katotohanan.
Maiintindihan ng mambabasa ang mga alinlangan ng bawat karakter sapagkat buhay rin nila ang nakasalalay. Pero nanaig pa rin ang pagkiling sa bawat isa, lalo na kung para kanino at para saan ang mga ibinabalita natin.
Tulad ng Manila Bay na pasyalan din ni Zeke, kasinghaba rin ng kinatatayuan niya ang kasaysayan ng pakikibaka upang kamtin ang lipunang pinapangarap. Sa paghambing nito sa akda, palatandaan ito sa bagong henerasyon na itinakda ang kasaysayan natin na muli’t muli itong lilitaw at ikukuwento ng nakararami. At kung sinusupil ang pamamahayag nito, marami rin ang lalaban sa mga nanamantala.