Rebyu

Ilang tala hinggil sa ‘Some People Need Killing’


Walang dudang nakatanaw si Evangelista sa madlang mambabasa ng mundo, pero sana’y umabot din ang libro sa maraming Pilipino, lalo na sa mga maralitang naging at nagiging target at biktima ng kung ano-anong pandirigma.

Mabilis basahin ang libro sa kabila ng mabigat na paksa nito. Dahil ito marahil sa punto-de-bista ng manunulat na pinagsisimulan ng libro, at dahil sa kontekstong pamilyar sa maraming Pilipino. Ano’t anuman, napakahalagang mabasa ng marami ang librong “Some People Need Killing: A Memoir of Murder in My Country” ng mamamahayag na si Patricia Evangelista.

Walang dudang nakatanaw si Evangelista sa madlang mambabasa ng mundo, pero sana’y umabot din ang libro sa maraming Pilipino, lalo na sa mga maralitang naging at nagiging target at biktima ng kung ano-anong pandirigma.

Mula sa pagtutukoy ng sariling pinagmulan at perspektiba hanggang sa paglalatag ng konteksto sa kasaysayan (bagamat ‘di kumpleto), mabagal na nagsimula ang libro. Pero ‘di nagtagal, nahanap nito ang tiyempo sa paglalahad ng kuwento ng mga biktima ng giyera kontra droga at maging ng mga salarin sa maraming malalalang abuso sa giyerang ito.

Ito ang makapangyarihang bahagi ng libro: ang naratibo ng pagbubura ng pagkatao, dehumanization at brutalidad ng mga institusyon ng estado sa mga maralitang itinuturing ng estado na latak ng lipunan.

Pero pinakamakapangyarihan pa rin ang bahaging pagpapasilip sa mga posibilidad ng paglaban – ang aktuwal na paglaban sa brutalidad, hindi ang pekeng “nanlaban” – ng mga mamamayang tulad ni Normy Lopez at iba pang pamilyang tumindig, nagsalita, nagreklamo at ipinaglaban ang dignidad ng kanilang mga anak, kapatid, asawa, marami pa na nilapastangan ng giyera ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa gitna ng mga paglabang ito, bulnerable ang mga maralita sa pandarahas, panunuyo, panunuhol o pagkapagod – na siyang natural na bahagi ng mga paglaban. Sana lang, may naipakita pa ang libro na iba pang mukha ng mga biktimang tumitindig, dahil tiyak nating marami sila.

May bahagi sa libro hinggil sa mga dating tagasuporta ni Duterte at ng kanyang madudugong kampanya. Ipinakita ang sarili nilang paglaban bilang akto ng pagsusumamo sa kanilang mga “kasalanan” bilang dating tagasuporta ng dating pangulo.

Konsistent ang framing sa Katolikong tradisyon ng paghingi ng patawad. Sa bahaging ito, sinasabi sa atin ng manunulat na umaasa siyang mababatid din ng karamihan ang katotohanan sa likod ng pekeng naratibo ng dating pangulo.

Mahalaga ito, dahil sa panahong nagpapatuloy pa rin ang pandarahas at pagsisinungaling, madaling malulong sa kawalan-ng-pag-asa. Pinalalakas din nito ang naratibo ng libro, mula sa pagsasalarawan ng mga mamamayang nalinlang ni Duterte tungo sa unti-unting paglalantad ng kanyang kahunghangan.

Maraming salamat, Pat, at hindi ka pa nawawalan ng pag-asa sa ating bayan.

Salamat din sa leksiyon hinggil sa semantikong paglalaro ng rehimen para linlangin tayo. Sa pagitan ng mga kuwento, panaka-nakang itinuturo ng manunulat kung papaanong binangkarote ni Duterte (at Marcos) ang wika para itago ang totoo: hindi pagsalba ang “salvage”, hindi paglaban ang “nanlaban”, at iba pa.

Sa mga mambabasang artikulado at aral sa kapangyarihan ng wika, madaling masapol ang puntong ito ni Evangelista. Bahagi ng paglaban para sa katotohanan at kabutihan ang pagbawi sa ating wika bilang artikulasyon ng ating tunay na kalagayan, karangian at pangarap.

Pero abstrakto ito sa marami. Mas malinaw at kongkreto ang paglaban kung malinaw sa ating isipan ang katangian ng kalaban. Higit kay Duterte (o kahit kay Marcos Jr. at Sr.), matagal nang nakalatag ang sistema ng brutalidad sa mga maralita.

May direktang linya, halimbawa, na nag-uugnay sa giyera kontra droga at giyera kontra insurhensiya. Matagal nang nakatanim sa psyche ng mga nasa kapangyarihan at armadong puwersa ng estado ang ideolohiya ng dehumanization, adik man siya, rebelde o komunista. Mainam sanang maipakita o mabanggit ang ugnayang ito. Mayroon naman, pero hindi malinaw at kulang.

Mainam din kung maipapakita ang batayan sa tunggalian ng mga uri ng brutalidad ng rehimen. “Are you going to shoot fellow Filipinos?” tanong ng mga mamamayang nag-alsa sa EDSA noong 1986 sa mga sundalo ni Marcos Sr. Ayon kay Evangelista, “oo” ang sagot dito ng mga Pilipino tatlong dekada matapos ang EDSA. “Kami ang mga Duterte,” sagot ng 16 milyong Pilipino.

Pero hindi lang si Duterte ang naging tagapamandila ng brutalidad, at hindi lang ang kanyang giyera ang naging giyera sa mga maralita. 

Ang kaibahan ng EDSA at Tokhang: marami sa mga nasa kalsada noong 1986 ay mula sa panggitnang uri. Silang may kumpiyansa at artikulado, nakapag-aral at angat ang kabuhayan, mahirap baliwalain at i-dehumanize. Sa kabilang banda, hindi mahirap i-dehumanize ang mga maralita, ang mga adik, ang mga marhinado, ang mga lumalaban sa laylayan.

Esensiyal na babasahin ang librong ito, lalo pa’t nagpapatuloy at umiigting ang brutalidad sa ating panahon. Malaking bahagi ng pag-unawa natin sa panahong ito ang pakikisimpatya sa mga biktima, paglulugar ng ating sarili sa kanilang kalagayan, at pagsilip sa mga posibilidad ng kanilang – at ating – paglaban.