Brodkaster, binaril habang umeere


Nangyari rin ang pamamaslang ilang araw matapos gunitain ang International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists noong Nobyembre 2.

Binaril ng mga ‘di kilalang lalaki ang isang brodkaster sa radyo sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental noong umaga ng Nobyembre 5, Linggo, sa bahay ng biktima na nagsisilbi ring istasyon ng radyo.

Nakuha sa binurang livestream ng programang “Pahapyod sa Kabuntagon (Pagbati sa Umaga)” ang pamamaril kay Juan Jumalon, 57, na mas kilala bilang DJ Johnny Walker ng 94.7 Gold FM.

Ayon sa ulat, bandang 5:40 a.m. nang may dumating na dalawang lalaki sa bahay ng biktima upang itanong kung maaari silang makapagbigay ng anunsiyo sa programa. Nang pagbuksan ng gate ng isang kasama sa bahay, tinutukan ito ng baril habang ang isa nama’y dumeretso sa radio booth upang barilin si Jumalon. Agad na tumakas ang dalawa matapos ang pamamaril.

Naitakbo pa sa Calamba District Hospital ngunit idineklarang “dead on arrival” ang biktima.

PNP handout

Nangyari rin ang pamamaslang ilang araw matapos gunitain ang International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists noong Nobyembre 2.

Si Jumalon ang ika-199 na biktima ng pamamasalang sa mga mamamahayag at manggagawang midya mula noong 1986 ayon sa National Union of Journalists of the Philippines at ikaapat na mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng panunugkulan ni Ferdinand Marcos Jr. ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility.

Agad namang bumuo ng Special Investigation Task Group upang imbestigahan ang pagpatay. Naglabas na rin ng computerized composite sketch ng isa sa dalawang suspek ang pulisya noong Nobyembre 6.