Husgahan Natin

Hidwaan sa paggawa, kailangan pa bang idaan sa barangay?

Kailangan pa bang ayusin muna ang hidwaan ng manggagawa at kompanya sa barangay at kung hindi magkaayos ay bago pa lamang ito dadalhin sa nararapat na ahensiya ng pamahalaan?

Paglabas ng kolum na ito, tapos na ang 2023 Barangay Elections.

Tinatantyang nasa mahigit 92 milyong botante ang bumoto nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Ito ay dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng barangay sa ating lipunan simula pa noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Bilang pangunahing yunit pampolitika, ang mga opisyal ng barangay ang nagpaplano at nagpapatupad ng mga patakaran, programa, proyekto at aktibidad ng pamahalaan sa komunidad.

Nagsisilbi din ito bilang isang pagtitipon kung saan inaayos ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga nakatira sa parehas na barangay.

Ito ang dahilan kung bakit inuutos ng ating batas na hindi maaaring magsampa sa husgado ng kaso ang mga residente na magkakabarangay na hindi dumaan sa pag-aayos ng kanilang barangay captain o ‘di kaya’y sa lupon ng barangay.

Nagsimula ito noon pang panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng Presidential Decree (PD) 1508 at ngayon ay nasa Local Government Code na. Ganoon kahalaga ang papel na ginagampanan ng barangay sa ating lipunan.

Ngunit ganito rin ba kahalaga ang papel na na ginagampanan ng mga barangay sa usapin ng mga manggagawa sa loob ng isang kompanya?

Kailangan pa bang ayusin muna ang hidwaan ng manggagawa at kompanya sa barangay at kung hindi magkaayos ay bago pa lamang ito dadalhin sa nararapat na ahensiya ng pamahalaan?

Sinagot ng Korte Suprema ang tanong na ito sa kasong “Teresita Montoya vs. Teresita Escayo, et. al.” (G.R. No. 82211-12) na hinatulan ng Korte Suprema noong Marso 21, 1989.

Sa nasabing kaso, mga dating saleslady itong sina Teresita at kanyang mga kasama sa isang department store na pag-aari naman ni Ms. Terry.

Nagsampa sila ng kaso laban sa may-ari dahil umano hindi sila binabayaran ng kanilang overtime pay, 13th month pay, holiday pay, service incentive leave pay at emergency cost of living allowance.

Tinanggal din sila kalaunan sa kanilang mga trabaho kung kaya nagsampa sila ng kasong illegal dismissal laban sa may-ari sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Upang ipagtanggol ang kanyang sarili, nagsampa ng Motion to Dismiss si Ms. Terry. Ayon sa kanya, hindi dumaan sa barangay ang kaso ng mga saleslady bago ito isinampa sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Sa katunayan, walang maipakitang Certificate to File Action ang mga manggagawa bilang patunay na idinaan muna nila sa barangay ang kanilang reklamo. Kung kaya, ipina-dismiss ni Ms. Terry ang kanilang reklamo.

Sa naging desisyon ng Labor Arbiter, pinanalo nito si Ms. Terry at ibinasura ang kaso ng mga manggagawa.

Sinabi ng Labor Arbiter, dapat idinaaan sa barangay para sa conciliation proceedings ang nasabing kaso ng mga manggagawa at kung hindi nagkaayos ang magkabilang panig bago ito dinala sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Hindi katanggap-tanggap sa mga manggagawa ang desisyon ng Labor Arbiter sa kaso. Kaya inapela nila ito sa National Labor Relations Commission (NLRC).

Sa kabutihang palad, binaliktad ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter. Sinabi ng NLRC na hindi na kailangan idaan ang kaso sa barangay at puwede itong isampa nang deretso sa tanggapan ng Labor Arbiter. Inutos ng NLRC ang pagpatuloy ng kaso sa ilalim ng Labor Arbiter.

Si Ms. Terry naman ngayon ang nag-apela sa hatol ng NLRC sa Korte Suprema.

Iginiit niya na hindi tama ang ginawang pagbaliktad ng NLRC sa hatol ng Labor Arbiter at dapat lamang i-dismiss ang kaso laban sa kanya dahil sa kakulangan ng barangay mediation proceedings.

Sa naging hatol ng Korte Suprema, sinabi nito na tama ang pasya ng NLRC at hindi na dapat ibalik sa conciliation o mediation proceedings sa barangay ang nasabing kaso.

Pinaliwanag ng Korte Suprema na ang probisyon sa PD 1508 na nagsasabing kailangang dumaan muna sa barangay ang isang kaso bago ito maisampa sa husgado ay walang aplikasyon sa mga kaso kung saan ang nagdedemanda ay mga manggagawa laban sa kanilang amo sa trabaho.

Sa madaling sabi, sa isang kaso sa paggawa na inihain ng manggagawa laban sa kaniyang amo, hindi na kailangang idaan ito sa barangay upang magsagawa ng pag-aayos. Hindi na kailangang dumaan sa conciliation and mediation proceedings sa barangay ang nasabing kaso.

Ayon sa Labor Code, ang mag-aayos sa kaso sa pagitan ng manggagawa at kaniyang amo ay ang mismong opisina kung saan inuutos ng batas na isampa ng manggagawa ang kanyang kaso. Maaaring ito ay ang tanggapan ng Labor Arbiter, National Mediation and Conciliation Board (NCMB) o iba pang mga tanggapan sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Walang batas na nagsasabing ang reklamo ng isang manggagawa ay kailangan niyang idaan sa barangay. Magkakaroon lamang ng duplication of functions ang ating hustisya kapag iginiit ito.

Kung sakali mang idinaan ng isang manggagawa sa barangay ang kanyang reklamo, puwedeng tumanggi sa pagdalo rito ang opisina o kompanyang kanyang pinagtatrabahuan dahil walang jurisdiction ang barangay na humawak sa isang labor case.

Ang dapat na gawin ng barangay kapag may ganitong kasong isinampa sa kanila ay tanggihan ang nasabing kaso at ituro kung saang opisina ito dapat isampa.

Napilitang hawakan ng Labor Arbiter ang kaso nina Teresita kahit hindi na ito dumaan sa pag-aayos sa kanilang barangay.

Kaya mga manggagawa, kung may balak kayo na magsampa ng kaso kaugnay sa inyong trabaho, hindi na ito kailangan pang idaan sa barangay. Puwede itong ideretso sa opisinang may kapangyarihang humawak sa inyong reklamo.