Unemployment o kawalang trabaho
Batay sa survey ng Social Weather Station (SWS) sa unang quarter ng 2023, lumitaw na nasa 69% ng mga Pilipino ang nahihirapang makahanap ng trabaho. Mayorya naman ng mga Pilipino ang nagsasabing nahihirapan silang maghanap ng trabaho ngayong unang quarter ng 2023.
Unemployment o kawalang trabaho – Sinusukat ang bilang ng mga tao na walang trabaho o walang pinagkukunan ng ikabubuhay sa bansa bilang bahagdan ng lakas-paggawa na sa kasalukuyang walang trabaho ngunit aktibong naghahanap ng trabaho.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa Setyembre 2023, umabot sa 4.6% o 2.26 milyon ang walang trabaho sa bansa na tumaas kumpara noong Mayo 2023 na 4.3%. Paliwanag ng PSA, may mga Pilipino ang dumagdag na mga manggagawa ang hindi nakahanap ng trabaho noong Mayo.
Batay sa survey ng Social Weather Station (SWS) sa unang quarter ng 2023, lumitaw na nasa 69% ng mga Pilipino ang nahihirapang makahanap ng trabaho. Mayorya naman ng mga Pilipino ang nagsasabing nahihirapan silang maghanap ng trabaho ngayong unang quarter ng 2023.
Pumapangalawa pa rin ang Pilipinas sa Southeast Asia sa kawalan ng trabaho.
Dismayado dito ang Kilusang Mayo Uno (KMU), isang militanteng grupo sa kilusang paggawa. Ipinakikita lang ng pagtaas ng kawalang trabaho ang “kawalan ng maayos na programa ng kasalukuyang [administrasyong] Marcos Jr. para lumikha ng disente, regular at dekalidad ng mga trabaho”
Ayon kay KMU secretary general Jerome Adonis, “Walang naibibigay na oportunidad sa mga bagong pasok na lakas-paggawa kung may nadaragdag mang trababo, pawang nasa impormal, mga ‘di istable at panandaliang trabaho lamang.”
“Ang dami nating inuutang sa ibang bansa, pero hindi naisasalin sa pagpapalakas ng lokal na industriya,” dagdag niya.
Kabaligtaran din daw na mabilis ang paglawak ngayon ng yaman ng mga negosyante habang ibinabandera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagprotekta sa sektor ng paggawa.
Ngayong taon, hindi nagpahinga ang mga kasapakat ng estado upang mapatahimik ang panawagan ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan.
Ang kawalan ng trabaho sa bansa ay bunga ng isang serye ng mga maling hakbang ng estado na kadalasang nakakaapekto sa sektor ng manupaktura at negosyo.
Malupit ang taong 2023 para sa ekonomiya at manggagawa, kabaligtaran ng pagpapanggap ng rehimeng Marcos Jr. na papunta pa lang ang bansa sa pinakamaningning nitong yugto.
Ang mga panganib na kaakibat ng pamumuno ni Marcos Jr. ay korupsiyon at iresponsableng pamamahala, lumolobong utang ng bansa, pagbaba ng credit rating ng bansa, pagkaunti ng pamumuhunan sa bansa, paglabag sa karapatang pantao, paglawak ng kahirapan, lumalalang kawalang trabaho at ekonomiyang napag-iwanan.
Sa mahigit isang taon na ng administrasyon Marcos Jr., ipinagpatuloy lang nito ang matinding paglabag ng reheming Duterte sa karapatan ng mga manggagawa.
Patuloy lamang ipinagkait ang mga karapatan sa mga manggagawa sa patuloy na pag-atake sa sahod at trabaho, pagtakda sa mababang sahod, kaliwa’t kanang tanggalan sa trabaho at panunupil sa mga karapatan ng mga manggagawa. Hindi humupa, bagkus tumindi ang sa paglabag sa mga karapatang pantao at pagpatay sa mga manggagawa.
Ang pagpatay kay Jude Thaddeus Fernandez ang ika-72 mga manggagawa’t unyonista ang naitalang pinaslang mula noong 2016 na may kaugnayan sa kilusang paggawa at ang ikaapat matapaos ang pagbisita ng International Labour Organization High Level Tripartite Mission nitong Enero.
Libo-libong mga manggagawa ang nagkakaisa ngayon, regular man o kontraktuwal, na naninindigan para sa kanilang karapatan at laban sa mga kapitalista’t estado. Naging tanglaw nila manggagawa ang mahigpit nilang paghawak sa kanilang mga prinsipyo’t hangarin ng isang makabuluhang hanapbuhay.
Mahalaga ang pagkakaroon ng masigla, matatag at matibay na agrikultura at industriya ng bansa dahil lilikha ito ng trabaho, pagtaas ng kakayahang bumili ng mamamayan at pagpapatatag ng produktibong kapasidad ng lokal na ekonomiya. Pero dahil patuloy itong pinababayaan ng administrasyon, hindi nito naaabot ang pinakamalaking potensiyal para sa pag-ambag sa lokal na ekonomiya.
Tulad ng kahit anumang batayang karapatan, karapatan ng mga manggagawa ang magkaroon ng regular, makatarungan, makabuluhan, marangal na hanapbuhay at malakas na kilusang paggawa.