Baguio, idineklarang ‘human rights city’


Pormal na pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio ang resolusyong nagdedeklara sa lungsod bilang isang “inclusive human rights city,” Dis. 7, tatlong araw bago ang International Human Rights Day. 

Pormal na pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio ang resolusyong nagdedeklara sa lungsod bilang isang “inclusive human rights city,” Dis. 7, tatlong araw bago ang International Human Rights Day. 

Batay sa resolusyong inihain ni Councilor Peter Fianza na tagapanhulo ng Committee on Laws, Human Rights and Justice ng konseho, pagsisikapan ng lokal ng pamahalaan ng lungsod na irebyu, irepaso at magpasa ng mga polisiyang ginagabayan ng mga prinsipyo sa karapatang pantao.

Ikinatuwa naman ng Tongtongan ti Umili, isang alyansa ng mga progresibong organisasyon sa Baguio, ang naturang dekalarasyon.

Ayon kay Geraldine Cacho, chairperson ng alyansa, matagal na itong hiling ng mga aktibista sa lungsod kay Mayor Benjamin Magalong.

“Mula noong binitawan ni mayor ang mga salitang ‘activists are safe in the city,’ matagal na naming hinihingi na gawing kongkreto ito. First step ang resolusyong ito ng city council sa pagtitibay ng pangako ni mayor,” ani Cacho sa wikang Ilocano. 

Kinilala rin ng naturang panukala ang papel ng mga civil society organization sa lungsod sa pagpapatupad ng mga human rights advocacy program na nakalinya sa bisyon ng lokal na pamahalaan.

Inaasahan naman ng mga kabataang aktibista sa lungsod na tuluyang nang mawawakasan ang iba’t ibang porma ng mga human rights violations na dinaranas ng mga aktibista gaya ng red-tagging at iba’t ibang porma ng harassment. 

“Sana sa susunod ay mapagtibay at mabigyan ng ngipin na ang mga [protection mechanism] na inihahapag natin gaya ng Anti-Discrimination Ordinance, at ang proposed Human Rights Defenders’ Protection Ordinance,” sabi ni Rhanydell Baysa, spokesperson ng Youth Act Now Against Tyranny Baguio-Benguet. 

Kasalukuyang nasa first reading ang proposed Human Rights Defenders Ordinance sa Sangguniang Panglungsod ng Baguio na inihain noong 2022. #