Basehan ng pagiging masaya sa ‘Third World Romance’
Sa aking panonood, maganda ang pagpapakita sa tunay na hirap na nararanasan ng uring manggagawa. ‘Yong tipong araw-araw talaga kakayod para magkapera.
Sa kabila ng hirap ng buhay, nakahanap ng karamay sina Alvin (Carlo Aquino) at Britney/Bree (Charlie Dizon) sa isa’t isa. Nagkakilala sila sa pila ng ayuda pero nagkaubusan na at umulan pa nang malakas.
Hindi tulad sa ibang pelikulang may bidang mayaman at mahirap, ang mga bida sa pelikulang “Third World Romance,” sa direksyon ni Dwein Baltazar, ay nasa uring manggagawa.
Sa aking panonood, maganda ang pagpapakita sa tunay na hirap na nararanasan ng uring manggagawa. ‘Yong tipong araw-araw talaga kakayod para magkapera.
Nasaglitan din ang ibang panlipunang isyu tulad ng tax, unfair labor practices, transport crisis at padrino system.
Sa unang parte ng palabas, bumoses si Bree tungkol sa mga ayudang dapat nilang natatanggap dahil galing iyon sa tax, ang pera ng bayan. Tama naman. Nasa tama rin siya sa sinabing bawat kembot o binibili ay may tax.
Sumunod naman ay ang pagre-resign niya sa trabahong hindi tama ang pasuweldo, hindi bayad na overtime o ‘di kaya’y mababa pa sa sapat ang natatanggap.
Sa paghahanap ng trabaho, isa sa mga requirement ay ang may “experience.” Paano kung fresh graduate o unang beses magtatrabaho? Tulad din sa pagpapagawa ng valid ID na kailangan din ng isa pang valid ID.
Sa pagpasok naman ni Alvin sa kuwento, nasulyapan din ang krisis sa transportasyon—paunahang makasakay sa dyip. Isa rin sa mga kuwento niya ay ang pagkakaroon ng trabaho bilang bagger dahil magkakilala ang kanyang Dada Mix at bisor na si Mr. Santos. Ika nga ni Bree, padrino system na nagresulta sa palakasan sa bisor para makahiling.
Sa mga nabanggit, makikilala si Bree bilang palaban, may paninindigan, prayoridad ang mabigyan ng magandang buhay ang nanay na OFW, at talagang nangangailangan ng pera. Si Alvin naman ay happy-go-lucky, nakatira kasama ang kanyang queer family, at handang tumulong kay Bree.
Sa pag-usad ng kwento, naging bagger at cashier sina Alvin at Bree sa isang grocery store dahil sa blessing, sabi ni Alvin, slash padrino system. Bilang magkatrabaho, tuwing uwian ay lumalabas ang dalawa para kumain o mag-bonding.
Naging magkalapit, nagdamayan at nagkapalagayan ng loob. Bago pa man naging magkasintahan, marami nang naitulong si Alvin sa kay Bree, mula sa pagkakaroon ng trabaho, pagpapauwi sa nanay ni Bree na overseas Filipino worker, hanggang sa pagpapakiusap sa kanilang bisor na dagdag trabaho para makatulong si Bree sa utang ng kanyang nanay.
Naging maayos ang kanilang relasyon. Nabago ni Bree ang pananaw ni Alvin na “mas tahimik, mas okay” tungo sa “‘pag mahirap, dapat matapang ka.” Nang nagkaroon ng isyu sa trabaho, pinaglaban talaga ni Alvin na nasa tama siya.
Pero dito rin nagsimulang magbago si Bree. Sa panahong naiipit na silang dalawa sa trabaho, nanatiling tahimik si Bree, kabaligtaran sa palaban niyang personalidad. Ayaw matanggal ni Bree sa trabaho kaya hindi niya nagawang magsalita. Natakot siyang madamay dahil kailangang-kailangan ng pera. Doon nagsimulang pagdudahan ni Alvin kung siya ba talaga ang kailangan ni Bree o pera lang.
Sa lahat naman kasi ng pinagdaanan ni Bree, laging nakaalalay o tumutulong si Alvin para sa kanya. Sa ganitong paraan niya tinutupad ang pangakong araw-araw silang magiging masaya—sa pagiging magkaramay, sabay na papasanin ang problema para kahit papaano ay gumaan.
Sabi nga ni Bree, ang pinakamatayog na pangarap ay ‘yong maging masaya. Ito rin ang pinakaimportante, pinakasimple pero mahirap na mangyari. Pero posible pa rin namang maging masaya sa kabila ng hirap sa buhay kung tatanggap ng tulong mula sa iba at may karamay. Sa gan’on, hindi man mas dumali, mas gagaan naman dahil may kasama ka para solusyunan ang mga kinakaharap.
Hindi maitatangging naging maayos ang pagkakadula sa kahirapan ng mga Pinoy. Kahit na may ibang eksenang malayo sa reyalidad, tulad ng komprontasyon habang umiikot sa grocery store at paghinto nang matagal sa trabaho para magkaayos. Hindi bale, dahil pelikula naman ito kung saan isa sa mga elemento ang pagsama ng nakakaaliw na eksena.
Basta ang boses ni Alvin at Bree, ay boses nating mahihirap na may blue-collar job at nagtitiis sa maliit na suweldo.
Isa rin sa mga napansin ko ay ang kulay ng unipormeng ginamit—pula at berde—kulay sa kampanya ng nasa poder ngayon. Call-to-action din ang “Third World Romance” para sa gobyerno—nakabubuhay na sahod, makamasang at episyenteng transportasyon at iba pang isyu.
Kung nakakaranas ng unfair labor practices, mas maiging bumoses. Ang paglaban sa karapatan ay isa rin sa mga dapat isabuhay dahil habang sinasamantala ang mga mahihirap, lalo lang din silang naghihirap. Hindi tulad sa mga mayayamang nanggugulang, mas lalo lang silang yumayaman.