Digmaan sa Gaza sa mata ng mga Pilipino
Pinangibabawan nila ang takot, ang kakulangan ng rekurso, at ang lamig sa gabi: natulog sila sa maninipis na piraso ng latag ng karton bilang higaan sa may border makalabas lang ng Gaza.
Nang unang mga linggo ng Nobyembre, nagsimulang magsidatingan ang ilang kababayan natin na naipit sa kaguluhan sa Gaza, Palestine. Nakatakas sila sa pamamagitan ng pagbagtas sa Rafah Border sa Egypt.
Para silang nabunutan ng tinik sa lalamunan pagbalik sa Pilipinas dahil sa hirap na kanilang dinanas.
Hindi mailarawang takot ang sinapit nila at ng mga Palestino bunga ng pinakahuling armadong tunggalian sa pagitan ng mga maliliit ngunit determinadong sandatahang mapagpalayang grupo sa Palestine. At sa kabilang panig, ang regular na hukbo ng Israel o Israel Defense Forces (IDF) na kinikilalang isa sa may pinaka high-tech na armas pandigma at pinakamabangis na hukbo sa mundo.
Isa si Evelyn Corgolio sa mga repatriated na Pilipino mula sa Gaza. Isang linggo pa lang siyang nakabalik sa Pilipinas ng aking nakapanayam sa isang forum noong Nob. 24.
Kung ikukumpara sa ibang repatriates, masuwerte si Evelyn at nakabalik siya kasama ang lima n’yang kaanak. May mga Pilipinong paisa-isang nakabalik dahil Palestino ang napangasawa, bagay na hindi pinahintulutan ng Israel at Embahada ng Pilipinas, habang ang ilan ay nagdesisyong magpaiwan sa Gaza para hindi mahiwalay sa pamilya.
Ayon kay Evelyn, nakatatlong beses silang pabalik-balik sa hangganan ng Gaza at Egypt dahil wala sa unang lista ng mga palalabasin ang anak niya at asawa.
Pinangibabawan nila ang takot, ang kakulangan ng rekurso, at ang lamig sa gabi: natulog sila sa maninipis na piraso ng latag ng karton bilang higaan sa may border makalabas lang ng Gaza. Iniwan na nila ang marami nilang ari-arian dahil madalian lang ang pagbukas ng border na kailangan nilang habulin.
Buhay sa Gaza
Tubong La Union si Evelyn ngunit bago ma-repatriate, may 18 taon na siyang hindi nakakauwi sa Pilipinas.
Mula Abu Dhabi sa United Arab Emirates, pumunta sya sa Gaza noong 2012 at doon na nanirahan. Sa Gaza, naitayo at napalago niya sa loob ng 11 taon ang maliit na tindahang pinangalanan niyang Manila Market. Sarili na rin nilang mag-asawa ang bahay na tinutuluyan nila doon.
Paliwanag ni Evelyn, “Walang mahanap na trabaho sa Gaza kahit pa nakapagtapos ka ng pag-aaral. Nagtayo na lang kami ng asawa ko ng tindahan.”
Ayon kay Francesca Albanese, United Nations (UN) Special Rapporteur on human rights situation in occupied Palestinian Territories, ang Gaza ang “isa sa pinakamalaking open-air prison” dahil sa 16 na taong pagbakod, pag-blockade, at maging pagkontrol at pagmamanman ng Israel sa kilos ng mamamayang Palestino sa Gaza. Matinding hirap para sa mamamayan sa Gaza ang idinulot ng mga marahas na patakarang ito.
“Sa kasalukuyan, aabot sa 5,000 Palestino ang nakakulong, 160 sa kanila ay mga bata at tinatayang nasa 1,100 ang mga walang malinaw na kaso,” dagdag ni Albanese.
Marami sa mga Palestinong nasa piitan ay kinulong dahil sa kanilang ginawang paggigiit para sa kanilang mga karapatan. Nagpagprotesta din sila laban sa pang-aabuso at paglabag ng Israel sa mga karapatang pantao ng mamamayang Palestino sa pangkalahatan.
Panibagong giyera, ikalawang ‘Nakba’
Sa naturang forum, dumalo rin si Pastor Alan Ray Sarte ng Philippines-Palestine Friendship Association, isang network ng pagkakaisa. Kasalukuyan din tumutulong ang grupo para punan ang mga kagyat na pangangailangan ng mga Palestinong Pilipinong na-repatriate.
Ayon kay Sarte, matagal nang may giyera sa Palestine simula pa noong 1948 nang nangyari ang “Nakba,” salitang Arabo na ang ibig sabihin ay “catastrophe.”
Sapilitang pinalayas ang aabot sa 750,000 Palestino mula sa kanilang mga lupain, tirahan at komunidad para bigyang daan ang pagtatayo ng estado ng Israel. Isang napakalaking krimen ang ginawang ito ng Israel sa tulong ng United States (US) at iba pang makapangyarihang bansa.
Mula noon, naging bahagi na ng buhay ng mga Palestino na naiwan sa Gaza at ibang bahagi ng okupadong Palestine ang ipaglaban ang kanilang karapatan sa buhay at lupa.
Ngunit kakaibang antas ng karahasan ang kasalukuyang pinakawalan ng Israel sa Palestine.
Mula nang magsagawa ng operasyong militar ang Hamas, isa sa mga kilusang mapagpalaya ng mamamayang Palestino, na tinawag na “Al Aqsa Operation” na kumitil sa buhay ng 1,200 sundalo at mga settler ng Israel, kabilang ang 35 na bata noong Okt. 7, mahigit 17,000 Palestino ang namatay.
Sa pinakahuling tala, 40% sa mga namatay na Palestino ay mga sanggol at bata na natabunan ng mga gumuhong gusali na may mga piraso ng kamay, paa, ulo ng mga bata, mga walang patumanggang pagpapaputok ng baril sa mga sibilyan, mga sangol sa incubator sa ospital na itinanggi ang karapatan mabuhay sa pamamagitan ng pagputol ng kuryente at pagbawal sa mga doktor at health worker na mag-operate ang pagamutan.
Kinuwento ni Evelyn ang matinding takot na dinanas nila at ang trauma ng kanyang anak na may Down Syndrome sa tuwing magsisimula ang mga pagsabog. Aniya, “Nanginignig s’ya sa pagkabalisa dahil sa sobrang takot.”
Sa kanyang paglalahad, napansin kong pilit niyang iniiwasang bangitin ang salitang “Israel” na tila ang pagbanggit dito ay tatawag ng masasaklap na alaala o ng malas.
“Hindi kami nakakatulog dahil tuwing gabi kami inaatake ng kalaban. Isang beses, binomba nila ang bahay ng kapitbahay namin, pati mga bintana namin nadamay, nawasak. Nagtipon na lang kaming mag-anak sa isang pader (isang bahagi ng kanilang bahay na nakatayo pa),” kuwento niya.
Nang tanungin ko kung nag-ooperasyong militar rin ba ang mga Palestino gaya ng Hamas, pabulong niyang sinabi na meron din pero hindi sila gaano nag-aalala sa mga iyon dahil maliit lamang ang mga ito.
Mula sa datos ng government media ng Gaza noong Nob. 22, aabot sa 14,532 ang namatay na Palestino kabilang ang nasa 5,840 na bata at 3,920 na kababaihan. Hindi pa kabilang dito ang nasa 7,000, tinatayang 4,700 ay mga bata at babae, na Palestinong hinahanap mula sa guho ng mga gusali dulot ng araw-araw at walang pinipiling missile attacks at land operations ng IDF.
Sa lugar na may populasyon ng 2.2 milyon, nasa 1.6 milyong mamamayan ng Gaza ang nagbakwit sa loob lamang ng 46 na araw.
Hindi pa kabilang sa datos na nabangit ang mga biktima sa West Bank na kung saan, mula Okt. 7, nasa 56 na batang Palestino ang pinatay.
Sa ginagawang pandarahas ng Israel, malinaw na hangad nila mangyari ang ikalawang Nakba ng mga Palestino.
Pagharang sa suplay ng pagkain, tubig at kuryente
Bukod sa panganib sa buhay, dumaranas din ng matinding gutom ang mga Palestino sa Gaza. Nanganganib rin ang pagkalat ng sakit bunga ng kawalan ng gamot at malinis na tubig. Kulang din ng refugee camps na may sapat na pasilidad pangsanitasyon.
Ayon kay Evelyn, “Nang magsimula ang giyera, wala nang mabilhan ng harina. Walang kuryente, walang gas, walang tubig na lumalabas sa gripo, walang wifi. Ang pinagkukunan na lang namin ‘yong mga natirang tubig sa mga tangke ng tubig ng gobyerno. Buti na lang may tindahan ako; mga paninda na namin ang kinonsumo naming mag-anak sa mga unang araw ng giyera.”
Nang maubos na ang kanilang suplay, “‘Yong mister ko, kahit na pinagbabawalan kami lumabas, pupuslit sya sa labas ng bandang alas-dos ng umaga para makakuha ng isang supot ng Arabian bread (pita bread) sa bakery. Pinagkasya naming anim yun para umabot ng dalawang araw.
“Pag nagbubukas ng generator yung mosque malapit sa amin, doon kami nakiki-charge [ng cellphone], sapat lang para makakontak sa embassy,” dagdag pa niya.
Ang kawalan ng batayang pangangailangan naranasan ng pamilya ni Evelyn ay hindi lang bunga ng pagkawasak ng mga imprastruktura dahil sa digmaan. Sinadyang putulin ng Israel ang suplay ng kuryente, daluyan ng malinis na tubig, suplay ng pagkain at gasolina sa Gaza nang magsimula ang tunggalian.
Ayon mismo sa panayam ng Times of Israel sa Ministro sa Depensa ng Israel na si Yoav Gallant, ipinag-utos niya sa mga kumander ng IDF ang complete siege o ganap na paggapi sa Gaza. Iniutos din niya ang pagputol sa suplay ng tubig, kuryente, krudo at iba pang esensiyal na pangangailangan ng mamamayang Palestino ng Gaza.
Binansagan pa ng ministro na mga “taong-hayop” ang mga Palestino sa Gaza at dapat lang daw “ituring sila na hayop”; bagay na higit nag-udyok sa mga sundalo at settler ng Israel na brutal na pagpapatayin ang mga Palestino, walang pagsasaalang-alang kung combatant o sibilyan, bata, babae, matanda, o may sakit.
Genocide, war wrimes
Sa naturang porum, sinabi ni Raymond Villanueva ng Altermidya na sa kanilang mga artikulo, ginagamit na nila ang salitang “genocide” para ilarawan ang ginagawa ng Israel sa Palestine.
Tama ba na gamitin ng mga mamamahayag ng Altermidya ang termino?
Ayon kay Sarte, mahalagang banggitin na mismong UN ay naglabas ng mga pahayag hingil sa ginagawa ng Israel na maituturing na genocide at war crimes.
Ayon mismo sa isang pahayag ng UN Human Rights Council Special Procedures, isang nagbabadyang genocide ang ginagawa ng Israel.
Dagdag pa ng UN High Commissioner for Human Rights na si Volker Turk, ang hindi pag-iiba sa mga sibilyan at kombatant, ang labis na puwersa, at kawalan ng pag-iingat ng Israel makapinsala sa mga non-combatant ay maaaring ituring na mga war crime.
Batay mismo sa datos na inilabas ng UN Relief and Work Agencies for Palestine Refugees in the Near East (UNWRA), bukod sa napakaraming napatay na sibilyan sa loob lang ng higit isang buwan, nasa 108 UNWRA staff ang kumpirmadong napatay, 67 instalasyon (mga pasilidad para maghatid ng humanitarian aide) ng UNWRA ang napinsala; 17 dito ay direktang tinarget ng Israel. Ito ay sa kabila ng pagposisyon ng mga instalasyon sa sinasabi ng Israel na safe zones.
Dagdag pa ni Turk, “Ni hindi na namin maprotektahan ang aming mga humanitarian worker sa ilalim ng bandila ng UN.”
Mahigit 60 naman na mamamahayag sa Gaza at 15 na manggagawang pangkalusugan ang kumpirmadong patay.
Patuloy rin ang pangta-target ng Israel sa mga ospital sa Gaza gaya ng Al-Shifa. Kasabay nito, 90% ng paaralan sa lugar ang nasira ng mga air strike at operasyon ng IDF.
Nasa 80% rin ng eskwelahan ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation area, ganun pa man, patuloy pa rin tina-target ang paaralan ng mga sundalo ng Israel.
Apat na araw na ceasefire, pakagat o pag-asa?
Sa isang peace rally sa Roxas Boulevard sa Maynila noong Nob. 25 na nilahukan ng mga progresibong grupo kasama ang mga taong simbahan, kapansin-pansin ang pagdalo ng maraming kapatid nating Muslim.
Dito inanunsyo ni Renato Reyes, pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nagsimula na ang apat na araw na ceasefire sa Gaza para makapagpasok ng kinakailangang humanitarian aid, mailabas ang mga sugatan, gamutin ang mga may sakit at palayain ang ilang mga bihag sa magkabilang panig.
Ayon pa sa kanya, “Hangad ng sambayanang Pilipino na magkaroon na ng tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisya sa Palestine. Itigil na sana ng Israel at ng imperyalismong US ang okupasyon sa Palestine, ang pinaka ugat ng kaguluhan, at igalang ang karapatan ng mga Palestino sa kanilang buhay at lupain, at ang kanilang pagpapasya-sa-sarili.”
Subalit kabaligtaran sa hangarin ng mundo ang nais mangyari ng rehimeng Israel.
Sa isang pahayag ng Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu noong Nob. 21, agad nilang itutuloy ang giyera matapos ang ceasefire. Aniya, gagamitin ng Israel ang ceasefire para sa gawaing paniktik at pagplano ng susunod na operasyon ng Israel laban sa Hamas.
Kabaligtaran sa layon ng Israel ang hangad ng mga kapatid nating Muslim sa Pilipinas.
Isa si Johannah Malik, estudyante ng Centro Escolar University ang aking nakapanayam sa peace rally.
Ayon sa kanya, unang pagkakataon nilang magkakapatid dumalo sa rally. Kasama ang mga kaibigan nilang Muslim sa Quiapo, suot nila ang puting laso sa ibabaw ng kanilang hijab na nagsasabing “Save Gaza.”
Ayon kay Malik, “Kahit mahirap dumalo sa rally at hinaharang ng mga pulis, pumunta kami dito para ipakita ang pakikiisa namin sa mamamayang Palestino—Muslim, Kristiyano man o Hudyo. Hinihikayat namin ang mga tao na makiisa sa panawagang makamit ang kapayapaan sa Gaza.”
“Nais din namin idagdag ang boses namin sa lumalakas na panawagan sa mundo na ituring na mga tao din na may karapatan ang mga Palestino. Igalang natin ang karapatan nila lalo pa sa panahon ng giyera,” ani Malik.