Bakas ng mga tahanan na iniwan ng henosidyo
Marami sa mga Pilipinong lumikas mula sa Gaza ang nagnanais na bumalik sa kanilang mga tahanan. Ngunit dahil sa pagpapatuloy ng mga atake ng Israel, bakas na lamang ng kanilang dating tahanan ang naghihintay sa kanila.
Inalala nitong Okt. 7 ang ikalawang taon ng Daluyong ng Al-Aqsa na pinangunahan ng iba’t ibang mapagpalayang puwersa ng mamamayang Palestino na nagsisilbing pagpapatuloy ng kanilang mahabang pakikibaka para wakasan ang okupasyon ng Zionistang Israel.
Sabi ni Muhammed Huseyin Mercan, propesor sa Marmara University sa Turkiye, marka ito ng radikal na pagbabago sa pilosopiya ng pakikibaka ng mga Palestino mula pa noong Unang Intifada noong 1984.
Paliwanag ni Mercan, bigo ang mamamayang Palestino sa kanilang pag-asa na titigil ang agresibong okupasyon ng Israel sa tulong ng mga bansang Arabo noong dekada ‘70.
Gayunpaman, tahimik aniya ang pandaigdigang komunidad sa lumalalang karahasan at ito ang nagsilbing tuntungan upang hubugin ang kamalayan ng mga mamamayang Palestino sa mas militanteng direksiyon.

Pinapakilos aniya ng paniniwala na makakamit lamang ang tagumpay sa kanilang matagal na pakikibaka para sa pagkakakilanlan mula sa pagpapasya sa sariling lakas ng kanilang bayan.
Kaugnay nito, inirehistro muli ng iba’t ibang mapagpalayang puwersa sa Palestine ang kanilang panata sa patuloy na pagpapalaya sa kanilang bansa mula sa kalupitan ng Israel.
Sa matagal na panahon, iginiit nila na ang paglaban na lang mula sa okupasyon ang nananatiling makatuwirang daan upang makamit ang isang malayang Palestine.

Binigyang-diin din nila na walang karapatan ang sinuman na tanggalan ng armas ang mga mamamayang Palestino sapagkat alinsunod ang kanilang pakikibaka sa mga pandaigdigang batas at kumbensiyon sa digma.
Ayon sa datos ng Gaza Government Media Office, mahigit 200,000 tonelada ng pampasabog ang nag-iwan ng pinsala sa pagpasok ng ikalawang taon ng pag-atake sa Gaza Strip. Tinatayang 90% din ng imprastruktura ang nawasak na sumira sa tahanan ng mahigit dalawang milyong sibilyan.
Ipinapakita naman ng datos mula sa Philippine Embassy sa Egypt na mayroong maliit na populasyon ng mga Pilipino sa Gaza Strip. Noong Peb. 18, 2024, nailikas ng Department of Foreign Affairs ang mahigit 136 na mga Pilipino at Pilipinong Palestino.

Nagpaiwan naman ang isang madreng Pilipino mula sa Missionaries of Charity sa Gaza upang matulungan ang mga Palestino na naghahanap ng masisilungan sa kanilang simbahan.
Para sa mga Pilipinong nakalikas sa digmaan, panibagong buhay na naman ang kanilang bubuuin. Marami sa kanila ang nagnanais na bumalik sa kanilang mga tahanan. Ngunit dahil sa pagpapatuloy ng mga atake ng Israel, bakas na lamang ng kanilang dating tahanan ang naghihintay sa kanila.
Fatima Cergulyio

Ginunita ni Fatima Cergulyio ang kanyang dating buhay sa Gaza Strip. Kuwento niya, bago sumiklab ang digmaan, mayroon siyang sariling bahay na tinitirahan kasama ang kanyang anak at asawa.
Kumpara sa Pilipinas, tanda niya na mas mura ang presyo ng mga bilihin doon. Tanging tindahan lang ang kanilang pinagkukunan ng hanapbuhay ngunit natutustusan pa rin nila ang kanilang mga pangangailangan pati na rin ang edukasyon ng kanyang anak.
Dagdag niya, malaking tulong din na lupa ng kanyang asawa ang tinitirhan nila dati kaya nakakapagtanim sila ng mga gulay at prutas sa kanilang bakuran na malaking bawas sa kanilang mga gastusin.
“Magaan ang kabuhayan namin doon. Pinauwi kami ng Philippine Embassy, ng [Philippine] government, tinulungan kami para makalikas dito. Dito sa atin, medyo mahirap kasi wala kaming sariling bahay at saka nangungupahan kami. Lahat ng bilihin dito sa Pilipinas mahal,” ani Fatima.
Naninibago pa ang pamilya ni Fatima sapagkat iba ang takbo ng buhay sa Pilipinas. Nakatanggap sila ng tulong mula sa iba’t ibang sektor ngunit hindi naman aniya dapat na habambuhay silang umaasa sa kanila.
Patuloy na nagsusumikap sina Fatima at ang kanyang pamilya dito sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang pangunahing pinagkukunan nila ng hanapbuhay ay ang pagtitinda kapag mayroong mga aktibidad sa iba’t ibang paaralan. Hangarin niya na muling makatayo sila sa kanilang sariling mga paa.
Bagaman mahigit dalawang taon na simula ng mailikas ang pamilya ni Fatima, mayroon pa rin siyang mga pangangamba sa paninirahan sa Pilipinas. Sabi niya, hinahanap pa rin ng kanyang anak ang Gaza. Kahit mga bakas na lang ito ng kanilang dating buhay, gusto pa rin nilang bumalik sa kanilang lupa.
“Kung magkakaroon man ng tigil sa [giyera], puwede na kami bumalik sa aming Gaza kahit wala na ang mga kabahayan namin, masu-surive namin siguro. Kahit ‘yong anak ko at mister ko, kahit wala ang mga kabahayan namin or nasira man, gusto pa rin nila bumalik,” aniya.
Nava at Grace

Matagal nang magkaibigan sina Nava at Grace sa Palestine bago pa man sumiklab ang digmaan noong Okt. 7.
Kuwento nila, mayroong komunidad ng mga Pilipino sa Gaza na tinatawag ng mga lokal na “Pinay in Gaza.” Sa kanilang Facebook page at group chat nag-uusap ang mahigit 30 na mga Pilipino na parte ng kanilang maliit na komunidad.
Gayunpaman, habang tumitindi ang karahasan sa kanilang lungsod, unti-unti umanong nababawasan ang kanilang bilang hanggang sa wala ng natira.
“Masaya [rin] kami. Para [rin] kaming may pamilya doon. Kami-kami lang nagba-bonding kung saan kami pupunta. Punta kami sa bahay niya, next sa bahay ko, minsan sa labas, sa may beach,” masayang gunita ni Nava.
Dahil sa maliit na komunidad na nabuo nila, kilala nina Nava at Grace ang lahat ng mga lumikas na mga Pilipino. Mahigit tatlong dekada silang nanirahan sa Gaza bago sumiklab ang digmaan na sapilitang nagpaalis sa kanila.
Sabi nila, naanatiling nasa Gaza pa rin ang kanilang puso kahit nakalikas na sila sa panganib, sapagkat nakatanim na sa lupa nito ang nabuo nilang buhay at pagkakakilanlan.
Kahit sa kasagsagan ng tumitinding putukan, nananatili pa rin matatag ang kanilang pananampalataya na siyang pinagkukuhanan nila ng lakas na masanay sa kondisyon ng digmaan noon.
Para kay Grace na isang senior citizen, mahirap na magsimula ulit ng panibagong buhay. Ayaw niya talagang umalis sa kanilang lupang nakagisnan, ngunit dahil nagdadalang tao ang kanyang anak at kinailangan ng medikal na tulong, napilitan silang lumikas.
Mag-isang binubuhay naman ni Nava ang kanyang mga anak sapagkat naiwan sa Gaza ang kanyang asawa. Panawagan niya na kinakailangan tratuhin at kilalanin ang mga Palestino bilang mga taong may mga karapatan din. Kinakaharap ng mga Palestino ang diskriminasyon at marhinasyon kahit saang sulok ng mundo dahil lang sa kanilang pagkakakilanlan.
“Tratuhin sana nila ang [mga] Palestinian katulad ng ibang tao. Kumbaga, may karapatan din sila tulad natin. Kahit saan kasi ang mga Palestinian, halimbawa ‘pag travel, katulad ng asawa ko hirap bigyan ng visa. Bakit? Dahil Palestinian. Sana iwala nila ‘yon dahil tao din naman sila. Isa lang naman hiling ko, sana makapunta asawa ko dito,” ani Nava.
Hinimok naman ni Grace ang publiko na magsalita at mamulat sa kasalukuyang henosidyo na ginagawa ng Israel. Aniya, kailangan ng mga Palestino ang mga mapagpalayang tinig na kumikilala sa kanilang pagkakakilanlan.
Kung mabibigyan man ng pagkakataon, pipiliin pa rin nina Nava at Grace na bumalik sa Palestine upang balikan muli ang dating buhay na kinuha sa kanila ng digmaan, bagaman bakas na lang daw nito ang madadatnan nila.