Lupang sakahan
Panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, imbis na itulak ang proyekto ng Department of Agrarian Reform (DAR) at World Bank na Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT), ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at resolbahin ang mga nakabinbing kaso hinggil sa pamamahagi ng lupa.
Lupang sakahan – mahalagang lupain na pangunahing nilalaan sa mga prosesong materyal pang-agrikultura na ang pangunahing layunin ay ang paggawa ng pagkain at ibang mga ani. Ito ang pangunahing kagamitan sa produksiyon ng pagkain para sa pangangailangan ng mamamayan. Sumusuporta din sa paglago ang lupang sakahan ng ating kabuhayan mula sa pagpapanday ng mga magsasaka upang tamnan para sa pangngailangan at nagsisilbing tirahan para sa buhay ng mga hayop.
Sa Pilipinas, pito sa 10 magsasaka ang walang sariling lupang binubungkal. Nagpapatuloy ang malawakang kawalan ng lupang sakahan ng mga magsasaka sa kabila ng mga patakarang tulad ng Presidential Decree (PD) 27 ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Corazon Aquino hanggang sa mga kasalukuyang batas sa lupa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr.
“Milyong-milyong magsasaka hanggang ngayon ay wala pa ring pag-aaring lupa. Limampung taon na mahigit ang PD 27, mahigit tatlong dekada na ang CARP, hanggang ngayon wala pa rin kaming lupa,” pahayag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos
Kung susumahahin, huwad na reporma sa lupa ang PD 27 dahil wala din itong naging tulong sa sektor ng mga magsasaka.
Panawagan ng grupo, imbis na itulak ang proyekto ng Department of Agrarian Reform (DAR) at World Bank na Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT), ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at resolbahin ang mga nakabinbing kaso hinggil sa pamamahagi ng lupa.
Ang SPLIT ay sumasaklaw sa taong 2020-2024. May pondong P19 bilyon ito mula sa pautang ng International Monetary Fund at World Bank. Nasa ilalim ito ng programang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper) na layong hati-hatiin ang 1.37 milyong ektaryang lupain ng 1.1 milyong agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Ang ARBs na Collective Certificate of Land Ownership Award (CCLOA) holder ay hihimuking humiwalay para sa indibidwal na pagbubungkal sa lupa na lumalabag sa 1987 Konstitusyon.
Ayon kay KMP chairperson emeritus Rafael Mariano, layunin lang ng SPLIT na pagwatak-watakin ang nagkakaisang samahan ng mga magbubukid at palalakasin lang nito ang kontrol ng mga korporasyon sa lupa sa pamamagitan ng pagbili sa mga CLOA ng mga magsasakang walang puhunan sa pagsasaka.
Malalim na nakaugat ang kasalukuyang huwad na repormang agraryo sa kontrol ng mga naghaharing-uri para kamkamin ang lupang agrikultura. Bigo ang gobyerno sa pangako nitong ibigay sa mga magsasaka ang lupang nararapat sa kanila dahil ang pamahalaan mismo ang siyang nagpanatili at nagtulak ng piyudal na sistema.
Kinakaharap pa rin ng mga magsasaka ang malawakang problema sa kanilang lupang sakahan, kasama ang mga isyu ng panggigipit, paglabag sa karapatang pantao at mga kapabayaan ng pamahalaan sa tunay na repormang agraryo.
Sa kabila ng pagpatay ng mga ahente ng estado sa mga magsasaka, uusbong at patuloy na lumalawak at magbubunga ang mapagpalayang pakikibaka ng mga magsasaka. Higit na ipinapakita ng mga magsasaka na handa silang lumaban at tumindig para ipaglaban ang kanilang kabuhayan at karapatan para sa lupang sakahan.