Editoryal

Tapat at sinserong usapan


Bagaman unti-unting umuusad, marami pa ring tinik at balakid. Hindi uusad ang usapan kung patuloy ang panre-red-tag, pag-aresto, pagdukot at pagpaslang sa mamamayan.

May pag-asang ituloy muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa maagang bahagi ng susunod na taon. Napagkasunduang paghandaan ito ng parehong panig sa Oslo, Norway noong Nob. 23 matapos ang halos dalawang taong backchannel talks.

Bumuhos ang suporta ng iba’t ibang sektor at organisasyon pati ng mga rebolusyonaryong puwersa sa muling pagsisimula ng peace talks matapos itong putulin ng nagdaang administrasyon ni Rodrigo Duterte noong 2017.

Ngunit para maging mas tapat at sinsero ang usapan, nananawagan ang mga rebolusyonaryong puwersa ng pagpapalaya sa mga bilanggong politikal, partikular ang mga NDFP peace consultant upang makalahok sila sa usapan.

Nanawagan din ang NDFP na irespeto ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees upang magampanan nila ang kanilang tungkulin nang walang pangamba, at bawiin ang “terrorist” designation kina Luis Jalandoni, Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army at iba pang personahe ng NDFP.

“Kung wala ang mga kritikal at praktikal na hakbang na ito, walang katiyakan na matutuloy ang negosasyong pangkapayapaan,” pahayag ni CPP chief information officer Marco Valbuena.

Nagpahayag naman ng suporta sa peace talks ang mga nakapiit na NDFP peace consultant, ngunit hindi sa amnesty proclamation ng GRP na pinirmahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Anila, ang Presidential Proclamation 404 ay “lubhang disbentahe sa mga target na aplikante at idineklarang benepisyaryo.” Masyado umanong mabigat ang mga probisyon tulad ng saklaw na mga kriminal na gawain na napapaloob sa rebelyon at ang pagbibigay ng liham ng pag-amin ng pagkakasala nang walang garantiya ng kalayaan at hindi pag-aresto.

Kontraproduktibo umano ang mga probisyong ito at hindi tugma sa pagsusulong ng peace talks ayon sa mga NDFP peace consultant.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga nakabilanggong NDFP peace consultant na gagawa ng paraan ang parehong panig upang matugunan ang mga usaping ito, bago magsimula muli ang pormal na pag-uusap.

Nang makaisang-panig na itigil ng GRP ang usapang pangkapayapaan noong 2017, pag-uusapan na sana ang sentro nito, ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms. Mahabang panahon din ang ginugol ng parehong panig upang malamnan ang kani-kanilang borador.

Matagal na ring nakikipagkonsultahan sa mamamayan ang mga NDFP peace consultant sa maaaring lamanin ng dokumento na magbibigay solusyon sa malaon nang suliranin ng lipunang Pilipino: ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, upang pawiin ang monopolyo sa lupa at dominasyon ng burgesya komprador sa industriya’t negosyo na naglulugmok sa kalakhan ng mamamayang Pilipino sa kahirapan.

Bagaman unti-unting umuusad, marami pa ring tinik at balakid. Nariyan pa rin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na nagpapatuloy sa paglabag sa mga karapatang pantao. Hindi uusad ang usapan kung patuloy ang panre-red-tag, pag-aresto, pagdukot at pagpaslang sa mamamayan.

Sinabi naman ni retiradong heneral at Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na “wala dapat mga paunang kondisyon” para umusad ang peace talks. Nilinaw ni NDFP Negotiating Panel chairperson Julieta de Lima na hindi ito mga paunang kondisyon ngunit “mga isyu na kailangang pag-usapan bago ang pormal na pag-uusap.”

Sa huli, hindi malulutas ang mga ugat ng armadong paglaban ng mamamayan kung hindi pag-uusapan ang mga nararapat na solusyon at hakbang upang makamit ang makatarungnan at pangmatagalang kapayapaan.