GRP-NDFP peace talks, itutuloy
Idineklara ng parehong panig ang pagkilala sa pangangailangan ng prinsipyado at mapayapang pagresolba sa armadong labanan sa pinirmahang joint statement sa Oslo, Norway noong Nob. 23.
Nagkasundo ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na buuin ang balangkas sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Idineklara ng parehong panig ang pagkilala sa pangangailangan ng prinsipyado at mapayapang pagresolba sa armadong labanan sa pinirmahang joint statement sa Oslo, Norway noong Nob. 23.
“Batid ang mga seryosong isyu sa ekonomiya at kalikasan, at ang dayuhang pagbabanta sa seguridad ng bansa, kinikilala ng parehong partido ang pangangailangang magkaisa bilang isang bansa para kagyat na tugunan ang mga hamon na ito at resolbahan ang mga dahilan ng armadong labanan,” sabi sa GRP-NDFP joint statement.
Para kay NDFP National Executive Council Member Luis Jalandoni, malaking tagumpay ang pagpirma ng joint statement sa pagsisikap na makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa at para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Sa hinaharap na krisis at kaguluhan ngayon ng mundo, nawa’y magbigay ng kinakailangang magandang balita ang aming kasunduan at determinasyong ituloy ang usapang pangkapayapaan,” aniya.
Dalawang taon na aniyang nag-uusap ang magkabilang panig para paghandaan ang pagpapatuloy ng peace talks. Kinilala niya ang inisyatiba ni GRP Ret. Gen. Emmanuel Bautista, na unang lumapit sa NDFP at sinalubong naman at ikinalugod ng yumaong NDFP Chief Political Consultant Jose Maria Sison.
Inanunsiyo naman ni Julieta de Lima, nakatakdang mamuno sa negosasyon para sa NDFP, na bubuuin nilang muli ang kanilang panel at magtatalaga ng mga bagong kasapi nito bago pormal na magsimula ang negosasyon na inaasahang mangyari sa maagang bahagi ng 2024.
Layunin aniya ng NDFP na magbunga ang usapang pangkapayapaan ng mga komprehensibong kasunduan sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomiya, pampulitika at konstitusyonal, at makapagbigay ng solusyon sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga Pilipino.
“Alam natin na walang shortcut sa paghahanap ng tunay na kapayapaan. Ang daan tungo sa kalayaan, demokrasya at katarungang panlipunan ay mahaba, pasikot-sikot, at mahirap,” ani de Lima.
Marami pa aniyang mga isyu na kailangang talakayin at pagtutulungang tugunan ng parehong panig para makasulong ang usapan. Kabilang dito ang partisipasyon ng mga nakakulong na NDFP consultant, kaligtasan ng mga lalahok sa negosasyon, pagpapalaya sa mga bilanggong politikal at pagsasawalang-bisa sa pagbansag ng GRP na terorista sa NDFP at mga kasapi at consultant ng peace panel nito.
Signipikante na sana ang naging pagsulong ng GRP-NDFP peace talks at nagbunga ng pagkabuo ng balangkas ng mga mahahalagang kasunduan para sa sosyo-ekonomiko at pampulitika at konstitusyonal na reporma. Pero pinutol ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas na Presidential Proclamation 360 noong Nobyembre 2017.
Sinundan ito ng pagdeklara ng dating administrasyon sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at NDFP bilang mga teroristang organisasyon at naglunsad ng marahas na crackdown, hindi lang sa rebolusyonaryong kilusan, kundi maging sa mga legal na demokratikong organisasyon.
Para mahawan ang daan tungo sa pagpapatuloy ng peace talks, sinabi ni CPP chief information officer Marco Valbuena na responsibilidad ng administrasyong Marcos Jr. na linisin ang mga tinik at balakid na ikinalat ni Duterte.
“Ang pagpirma sa Oslo Joint Statement ay unang kalahating-hakbang sa mahabang martsa tungo sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayaaan, at sa mas mahabang daan sa pagkamit ng hangarin ng mamamayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan,” ani Valbuena.
Inilinaw rin ng CPP na may usapang pangkapayapaan dahil may digmaang sibil sa pagitan ng dalawang co-belligerent o naglalabang gobyerno. Ang GRP, kumakatawan aniya sa mga kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata na nagsisilbi sa interes ng imperyalismong Estados Unidos. Ang NDFP naman, sa kabilang banda, ay kumakatawan sa demokratikong gobyerno ng mamamayan at sa mithiin ng mga api at pinagsasamantalahang uri at sektor ng sambayanang Pilipino, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka at iba pa.
Nanawagan naman sina de Lima at Jalandoni sa mamamayang Pilipino na suportahan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at itulak ang parehong panig na tugunan ang papatinding kahirapan, ‘di pagkakapantay-pantay at kawalan ng kaunlaran na nagpapatindi ng armadong labanan.