Balitang Global

ICJ sa Israel: Itigil ang henosidyo laban sa mga Palestino


Inutusan ng International Court of Justice (ICJ) ang Israel na itigil ang mga hakbanging magdudulot ng genocide ng mga Palestino.

Inutusan ng International Court of Justice (ICJ) ang Israel na itigil ang mga hakbanging magdudulot ng genocide ng mga Palestino.

Walang iniutos na ceasefire, ngunit sa paunang hatol ng ICJ sa isinampang kasong genocide ng South Africa laban sa Israel, sinabi nitong:

  • May jurisdiction ang ICJ na hatulan ang kaso.
  • Dapat gumawa ng hakbang ang Israel para mapigilan ang mga “acts of genocide” sa Gaza Strip. Kailangan itong mag-ulat makalipas ang isang buwan.
  • Dapat pigilan at panagutin ng Israel ang mga pahayag at pag-uudyok ng genocide.
  • Dapat payagan ng Israel na pumasok ang mga humanitarian aid sa Gaza.
  • Hinimok din ang Israel na gumawa ng hakbang para protektahan ang mga Palestino, at mabawasan ang pagkamatay at pagkawasak sa Gaza.
Mga Palestino sa labas ng ICJ sa The Hague, The Netherlands. Patrick Post/AP Photo

Maingay at malakas na sampal sa mukha ng mayabang at mapagmagaling na Israel ang naturang hatol ng ICJ ayon kay Atty. Edre Olalia, tagapangulo ng National Union of Peoples Lawyers at interim president ng International Association of Democratic Lawyers.

Umaasa naman si Olalia na kalaunan ay magbigay daan ang hatol para kahit pansamantala ay matigil ang mga atake sa mamamayan ng Palestine.

Para sa South Africa, “mapagpasyang tagumpay” para sa pandaigdigang batas ang paunang hatol ng ICJ. Nangako rin itong patuloy na kikilos para protektahan ang karapatan ng mga Palestino.

Nakakatulong naman ang desisyon ng ICJ sa paglalantad sa mga krimen ng Israel sa Gaza, ayon kay Sami Abu Zuhri, opisyal ng Hamas. Nanawagan din siya na dapat puwersahin ang Israel na sumunod sa hatol ng korte.

Samantala, tinuya naman ni Israeli National Security Minister Itamar Ben-Gvir ang hatol. Habang si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, sinabing ang pagpayag ng ICJ na dinggin ang kaso ng genocide ay isang kahihiyan na hindi malilimutan sa susunod na mga henerasyon.