LGBTQ+ kay Marcos Jr.: Unahin ang SOGIESC Bill


Hinimok muli ng Bahaghari na isapubliko ng pangulo ang suporta nito sa SOGIESC Equality Bill at i-certify ito bilang urgent.

Nanawagan ang iba’t ibang grupong LGBTQ+ kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill matapos pirmahan ang Executive Order (EO) 51, Series of 2023 na lumilikha ng Special Committee on LGBTQIA+ Affairs.

Sa isang pahayag, sinabi ng Bahaghari na “insufficient” at “imprecise” ang nasabing EO at hindi komite o espesyal na grupo ang kailangan ng LGBTQ+ kundi isang kongkreto at matibay batas na magpoprotekta sa lahat ng Pilipino laban sa diskriminasyon batay sa kasarian.

“We are wary and guarded against flip-flopping trapo tactics. We have seen this during [Rodrigo] Duterte’s administration, where he claimed to support [the SOGIESC] Equality Bill then immediately switched positions, instead issuing a toothless executive order which ordinary Filipinos do not feel the impact of,” saad ng grupo.

“Marcos’ EO 51 is merely an amendment to the previous EO of Duterte, and it is our fear that it would yet again be a tokenistic, backhanded show of support for the LGBTQI community,” dagdag nito.

Hinimok muli ng grupo na isapubliko ni Marcos Jr. ang suporta nito sa SOGIESC Equality Bill at i-certify ito bilang urgent.

“Kailangang magsalita nang malinaw si Marcos kung ano ang tingin niya sa marriage equality, sa gender recognition, at maging sa pang-araw-araw na isyu ng ordinaryong LGBT at mamamayan gaya ng dagdag-sahod, regularisasyon sa trabaho, at ang nangyayaring jeepney phaseout,” ayon sa Bahaghari.

Sa isang hiwalay na pahayag, bagaman ikinagagalak ng Pantay at Queer Safe Spaces ang EO 51, pareho rin nilang ipinawagan ang pagpapasa ng SOGIESC Equality Bill.

“Malaki ang magiging gampanin ng bagong buong Special Committee on LGBTQIA+ Affairs sa ilalim ng [DSWD] sa pagpapatupad ng batas at polisiya para labanan ang diskriminasyon at masigurong kasama ang lahat sa pag-unlad. Kaakibat nito ang pagbabantay ng komunidad sa pagpapatupad nito ng karapatang pantao at mga konkretong aksyon gaya nang pagpapasa ng Equality Bill,” sabi ng Pantay.

“We also hope that this move will effectively address the concerns on harassment, discrimination, and abuse against the members of the LGTBQIA+ community,” ayon naman sa Queer Safe Spaces.

Mahigit dalawang dekada nang nakabinbin sa ang SOGIESC Equality Bill sa Kongreso. Noong Set. 20, 2023, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill 4982 sa ikatlo at huling pagbasa na may botong 198-0.