Polisiyang anti-LGBTQ+ sa Earist, tinutulan


Nitong Mar. 13, kumalat sa social media ang video ng estudyanteng transgender woman na napilitang magpagupit ng buhok para makapag-enroll sa ikalawang semestre ng school year 2023-2024.

Simbolikong sinunog ng mga estudyante ang mistulang student handbook ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (Earist) sa Maynila nitong Mar. 15 bilang pagtutol sa mga patakarang lumalabag sa kalayaang magpahayag ng mga estudyanteng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, atbp. (LGBTQ+).

Ayon sa Bahaghari-Earist, lokal na grupo ng militanteng LGBTQ+, banta sa kanilang karapatan ang nakasaad sa handbook, partikular ang Proper Grooming sa Code of Conduct and Discipline na magmamandato sa mga ipinanganak na lalaki na magkaroon ng barber’s haircut.

Nitong Mar. 13, kumalat sa social media ang video ng estudyanteng transgender woman na napilitang magpagupit ng buhok para makapag-enroll sa ikalawang semestre ng school year 2023-2024.

Sabi ng mga estudyante, hindi pinapayagan ng administrasyon ng Earist na makapag-enroll ang mga transwoman na may mahabang buhok dahil paglabag umano ito sa polisiya ng paaralan.

“Kung mayroon mang lumabag dito, ito ay ang school [administration] na pilit ninanakaw ang karapatan namin sa kalidad na edukasyon,” sabi ni Kathalina Sanchez ng Bahaghari-Earist.

Sa Ordinance No. 8695 ng Lungsod ng Maynila, ipinagbabawal ang pagkakait sa mga estudyante na makapasok sa akademya dahil sa kanilang sexual orientation and gender identity and expression (SOGIE).

Itinataguyod naman ng Memorandum No. 1, Series of 2015 ng Commission on Higher Education (CHED) ang gender equality sa lahat ng higher education institution.

Ayon din kay JP Brillantes ng Bahaghari-Earist, nilalabanan na nila ang mapang-aping mga patakaran ng state college noon pang Disyembre 2022. Nagpasa na umano sila ng hinihinging mga dokumento pero wala pa ring tugon ang administrasyon.

Dagdag pa niya, maraming estudyanteng transwoman ang nakapasa sa application ng Earist sa unang semestre noong Oktubre 2023 pero hindi makapag-enroll dahil sa estilo ng buhok. Napilitan na lumipat sa pribadong paaralan ang karamihan, habang tumigil sa pag-aaral ang iba.

“Hindi ito deserve ng bawat estudyante na tanggalan sila ng karapatan dahil lang pinili nilang maging totoo sa mga sarili nila,” ani Brillantes.

Sa isang pahayag, itinanggi ni Earist president Rogelio Mamaradlo na hindi nila pinapayagan ang mga estudyante na makapag-enroll. Sa kabila ito ng pagpapatotoo ng mga estudyante sa diskriminasyon at trauma na kanilang naranasan.

Samantala, matapos ang protesta ng mga estudyante, nagkasundo sa isang diyalogo sa opisina ng CHED ang Bahaghari-Earist at administrasyon ng paaralan na payagang makapag-enroll ang mga estudyante anuman ang haba o estilo ng kanilang buhok. Sinuspinde rin ang mga mapaniil na polisiya hanggang sa makabuo ng inklusibong panuntunan.

Sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dapat nang itulak sa Kongreso ang pagpasa sa SOGIESC Equality Bill at iba pang patakaran laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+ dahil sa pangyayari sa Earist.

“Dapat nang seryosohin ng Kongreso ang pagpasa sa SOGIESC Equality Bill para bigyan ng mas kongkretong proteksiyon ang LGBTQ+ community mula sa karahasan tulad ng nangyayari ngayon sa Earist at iba pang mga paaralan,” ani Brosas.

Magpahanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa Kongreso ang mahigit dalawang dekadang panukalang batas para sa pagwawakas ng anumang porma ng diskriminasyong nakabase sa SOGIESC ng isang indibidwal.