Si Rev. Wowa


Kuwento ni Rev. Wowa, ang 2017 statement ng Iglesia Filipina Independiente tungkol sa LGBTQ+ community ang nagtulak sa kaniya para pumasok ng seminaryo.

Abala ang mga tao sa loob at labas ng National Cathedral ng Iglesia Filipina Independiente (IFI). Nagmamadali at tila may hinahabol ang mga taong naglalakad sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila. Samantalang tagaktak naman ang pawis ng mga manggagawang nagkukumpuni ng palikuran ng simbahan. 

Sa labas ng isang silid doon, makikita ang bulletin board na may mga litrato ng nakaraang aktibidad, mga bago at lumang anunsyo at iba’t ibang panawagan para sa climate change, hustisya at karapatan. 

“Marami talagang ginagawa dito,” sabi ni Rev. Deacon Wylard “Wowa” Ledama. Lalo na’t panahon din ngayon ng eleksyon para sa kanilang susunod na Obispo Maximo. Kaliwa’t kanan ang mga gawaing dapat tapusin.

Sa kabila nito, nagpaunlak pa rin ng panayam sa Pinoy Weekly ang kauna-unahang klerikong transgender woman sa bansa.

Maagang tinanggap ni Rev. Wowa ang kaniyang pagkababae. Sa katunayan, kailanman ay hindi niya naramdamang lalaki siya.

Malaya siyang nakakapagsuot ng mahahabang saya noon. Natuto siyang magtahi ng mga damit at maggantsilyo sa murang edad. Naipapakita rin niya ang kilig at naipapahayag sa marami kung sino ang crush niyang lalaking kapitbahay.

Noong grade 4 siya, naalala niya na gusto niyang sumali sa Boy Scout. Tinanong siya ng kaniyang tatay, “Bakit ka sasama d’on, e babae ka?” 

Ibang-iba ang kaligirang kinagisnan ni Rev. Wowa sa narasanan ng batang bakla sa kantang “Sirena” ni Gloc 9. Masuwerte siya kung tutuusin. Subalit aniya, “tolerant” lang ang mga tao sa kaniyang paligid at hindi pa siya lubusang tanggap.

Napagtanto niya ito pagkagradweyt ng kolehiyo, lalo na noong panahong nagbago na ang kaniyang pisikal na anyo. Ayaw ng kaniyang nanay kapag “sumusobra” na ang kaniyang make-up at pagdadamit babae.

Tatlong taon ang ginugol ni Rev. Wowa sa pagiging nurse. May ticket na nga siya sa magandang buhay sa London dahil nakapasa siya sa National Council Licensure Examination (NCLEX), isang pagsusulit para sa mga nais maging nurse abroad, at may mapapasukang trabaho na rin.

Subalit, tinalikuran niya ito at piniling ilaan ang buong oras sa pagseserbisyo sa simbahan at sa Diyos.

Kuwento ni Rev. Wowa, ang 2017 statement ng IFI tungkol sa LGBTQ+ community ang nagtulak sa kaniya para pumasok ng seminaryo.

“The Church affirms that LGBTQ+ individuals have all the right to love and be loved, and commits to offer them opportunities to realize their full potential and dignity as human persons, being God’s children,” ayon sa naturang pahayag.

Nanguna sa pagsusulit sa buong seminaryo si Rev. Wowa at inendorso pa mismo ni Bishop Antonio Ablon, isa sa mga nagsulat ng 2017 statement.

“Magmahalan kayo,” ito umano ang turo ni Hesus sa kaniyang mga disipulo.

Ayon kay Rev. Wowa, mahalaga ang kaniyang pagka-ordina bilang deacon noong Pebrero 24 dahil napangatawanan ng IFI ang mensahe nitong magmahalang hindi nakabase sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) at pisikal na anyo ng tao. Pagbalikwas din ito sa atrasadong pagbasa o pagtingin ng ibang grupo sa Bibliya.

Bukod pa sa paglilingkod sa simbahan, kabilang din si Rev. Wowa sa technical working group ng SOGIE Equality Bill sa Kongreso.

Naniniwala siya na ang unang hakbang para sa lehitimong inklusyon ay ang pagpasa sa anti-discrimination law at ang pagkakaroon ng espasyo para maihayag ang hinaing ng buong komunidad ng LGBTQ.

Unang inihain ang SOGIE Equality Bill noong 2000. Layunin nitong protektahan ang mga karapatan ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer o questioning at iba pa. Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ito sa Senado.

“Madugo pa ‘yong daan na tatahakin ng simbahan para imulat ang mga tao tungkol sa inclusion o pagtanggap, pero naniniwala akong maabot ang rurok ng pagtanggap,” ani Rev. Wowa.