Ellala Love It!

Pagsalba sa sobrang gulay


Maraming gulay mula sa Cordillera ang hindi maibenta ng mga magsasaka. Kaya naman sumaklolo na ang iba’t ibang grupo para maibenta ang mga ito.

Nakakapanghinayang mabalitaan na napakaraming gulay ang nasasayang dahil walang mabagsakang pamilihan ang mga magsasaka. Alam natin ang pinupuhunang sakripisyo’t pagod ng mga magsasaka para mahatid ang mga pagkaing ito sa ating hapag-kainan.  

Mabuti na lang at may mga non-government organizations at indibidwal na tumugon sa panawagang isalba ang mga sobrang gulay at kabuhayan ng mga magsasaka. Aktibo dito ang Episcopal Church of the Philippines (ECP) at Community Pantry PH na pinangungunahan ni Patricia Non. Kung nais ninyong makatulong, maaari ninyong sadyain ang kanilang mga Facebook page.

Narito naman ang isang ideya kung paano lulutuin ang isinalba ninyong repolyo. Bukod sa ginisa at pansahog sa nilaga, maaari rin itong gawing torta para maiba naman.


Mga sangkap:

  • ¼ kilo repolyo
  • 1 maliit na carrot
  • 2 itlog
  • 3 kutsara ng harina
  • asin at paminta ayon sa panlasa
  • 1 kutsaritang chicken powder (optional)
  • mantika para sa pagpiprito 
  • ginayat na keso (optional)

Paraan ng pagluluto:

Hiwain nang maliliit ang repolyo at carrot.  Pagsamahin ang mga sangkap sa isang mixing bowl maliban sa mantika. Haluin itong mabuti. 

Magpainit ng mantika sa kawali. Magsandok ng cabbage mixture at prituhin na parang pancake sa mahinang apoy. Mas mainam kung taktakpan ito para mas mabilis maluto. Kapag kulay light brown na ang ilalim ay baliktarin ito. Maaari ring maglagay ng keso sa ibabaw kung nais. 

Sa ganitong paraan, hindi ka lang nakakatulong sa mga magsasaka. Masarap, mura at malusog pa ang ihahain mo sa iyong pamilya.