Lutong Malabon at ginhawa ng masa


Higit pa sa simpleng ulam ang okoy na gulay. Representasyon ito ng komunidad, kakayahang umangkop at pagmamahal sa lokal na sangkap.

Isa ang okoy sa mga pinakasikat na ulam sa Pilipinas, lalo na sa mga baybaying lugar tulad ng Malabon City na sagana sa sariwang hipon at gulay. Kilala rin bilang ukoy, ito ay isang uri ng pritong pagkain na karaniwang gawa sa galapong o harina, hipon at iba’t ibang gulay. Hindi lang meryenda ang okoy sa Malabon, bahagi ito ng araw-araw na buhay at kultura ng komunidad.

Pinaniniwalaang may impluwensiyang Tsino ang okoy na may kaugnayan sa mga fritter tulad ng oyster cake o tempura-style frying. Sa paglipas ng panahon, inangkin ito ng lutong Pilipino at nagkaroon ng sari-saring bersiyon depende sa rehiyon at sa kung anong sangkap ang mayroon. Dito makikita ang pagiging malikhain at praktikal ng mga Pilipino, lalo na ng mga komunidad na malapit sa anyong tubig tulad ng Malabon.

May hipon ang tradisyonal na okoy, habang isang mas abot-kaya na bersiyon naman ang okoy na gulay na gumagamit lang ng mga sangkap na madaling makita sa palengke. Karaniwang ginagamit ang togue, repolyo, kamote o kalabasa. Hindi lang mura ang mga gulay na ito, kundi masustansiya rin at nagbibigay ng natural na tamis at texture sa okoy. Maari ring gumamit ng talong o ibang gulay at halamang ugat.

Patunay ang paggamit ng gulay sa okoy sa kakayahan ng lutong Pilipino na umangkop sa pangangailangan. Sa panahon ng kakulangan o pagtaas ng presyo ng yamang dagat, ang gulay ang nagiging bida. Sa halip na mawala ang putahe, lalo itong umigting, nananatiling masarap at makabuluhan.

Sa pagluluto ng okoy, mahalaga ang balanse ng batter at sangkap. Karaniwang pinaghalo ang galapong at kaning harina upang makuha ang tamang kombinasyon ng lutong at kapit. Nagbibigay ng lutong ang galapong, habang nagbibigay naman ng estruktura ang ibang harina. Idinadagdag ang bawang, sibuyas, at minsan ay wansoy o kinchay para sa dagdag na aroma at lasa.

Isang mahalagang teknik sa paggawa ng okoy ang tamang init ng mantika. Kapag hindi sapat ang init, sisipsip ng mantika ang okoy at magiging malambot. Kapag masyadong mainit naman, madaling masusunog ang labas habang mananatiling hilaw ang loob. Tamang paraan ang medium heat at paglalagay ng sapat na espasyo sa kawali upang maging pantay ang pagkakaprito. Karaniwan ding hinuhubog ang okoy nang manipis upang mas maging malutong ang resulta.

Sa Malabon, madalas ihain ang okoy kasama ng suka na may bawang at sili, simpleng banana ketchup o toyo at kalamansi. Ang sawsawan ay mahalagang bahagi ng karanasan ito ang nagbibigay ng kontras sa alat at lutong ng fritter.

Sa huli, higit pa sa simpleng pritong ulam ang okoy na gulay. Isa itong representasyon ng komunidad, kakayahang umangkop at pagmamahal sa lokal na sangkap.

Sa bawat kagat, mararamdaman ang kasaysayan at identidad ng Malabon, isang lugar kung saan ang pagkain ay hindi lang sustansya, kundi kuwento ng tao at lugar.

  • 1 tasa glutinuous rice flour
  • 1/2 tasa rice flour o cornstarch
  • 2 tangkay spring onion, hiniwa
  • 2 piraso shallot (o sibuyas), tinadtad
  • 2 butil bawang, tinadtad
  • 1 kutsarita giniling na kinchay o wansoy
  • 1 kutsara patis, pampalasa
  • Paminta, ayon sa panlasa
  • Tubig (para sa batter)
  • Option: 1-2 pirasong itlog
  • 1 kamote, kinudkod
  • 1 tasa ng kalabasa, hiniwa manipis
  • 1 tasa ng
  • 1 tasa togue (beansprouts)
  • 1/2 tasa repolyo o kangkong, hiniwa manipis
  • Kaunting spring onions, kinchay o wansoy
  • Option: Maari gumamit ng ibang gulay katulad ng talong, kamoteng kahoy, kabute, at iba pa.
  1. Sa isang mangkok, paghaluin ang mga naunang sangkap para sa batter.
  2. Unti-unting magdagdag ng tubig hanggang makabuo ng medyo malapot na batter.
  3. Ilagay na ang mga gulay sa batter.
  4. Magpainit ng mantika sa kawali (medium heat).
  5. Kumuha ng tig-iisang kutsara ng mixture at iprito hanggang maging golden brown at malutong.
  6. Ipatong sa paper towel para matanggal ang sobrang mantika.

Ihain habang mainit kasama ng:

  • Suka na may sili at sibuyas at bawang
  • Sukang pinakurat o banana ketchup
  • O kahit anong paborito mong sawsawan

Tip ng Kusinera: Para extra crispy, siguraduhing mainit ang mantika bago magprito at huwag siksikin ang kawali sa pagprito ng mga okoy.