Kuwento ng okra at torta sa lutong Pilipino


Masustansiya ang okra na mataas sa fiber, mayaman sa Vitamins C at K, at may folate na mahalaga sa kalusugan.

Ang okra (Abelmoschus esculentus) ay hindi katutubong halaman ng Pilipinas. Pinaniniwalaang nagmula ito sa West Africa o sa rehiyon ng Ethiopia at Sudan libo-libong taon na ang nakalipas. Mula roon, kumalat ito sa West Asia at India sa pamamagitan ng kalakalan.

Sa India, tinatawag itong bhindi at isa ito sa pangunahing gulay sa kanilang araw-araw na lutuin. Dinala rin ang okra sa Americas noong panahon ng transatlantic slave trade, kung saan naging mahalagang sangkap ito sa Southern cuisine, lalo na sa gumbo.

Hindi tiyak kung kailan eksaktong dumating ang okra sa Pilipinas, ngunit malamang na naipakilala ito sa pamamagitan ng kalakalan sa Southeast Asia o noong panahon ng kolonyalismo. Dahil sa tropical na klima ng bansa, mabilis itong nakaangkop at naging bahagi ng mga backyard garden at palengke sa buong kapuluan.

Isa sa mga dahilan kung bakit patok ang okra ay dahil madali itong itanim at mabilis mamunga. Isa rin itong masustansiyang gulay, mataas sa fiber, mayaman sa Vitamins C at K, at may folate na mahalaga sa kalusugan.

Ang madulas o “malaway” na bahagi nito, na tinatawag na mucilage, ay natural na thickening agent na ginagamit sa mga sabaw at stew. Sa Pilipinas, karaniwan itong makikita sa sinigang, pinakbet o simpleng pinakuluan na isinasawsaw sa bagoong.

Dito pumapasok ang tortang okra, isang halimbawa ng pagiging praktikal at malikhain ng lutong-bahay na Pilipino. Ang “torta” sa konteksto ng Pilipinas ay karaniwang tumutukoy sa ulam na hinaluan ng itlog at pinirito, tulad ng tortang talong, tortang giniling o tortang dulong. Ang tortang okra ay isa sa mas simpleng bersiyon nito, ngunit puno ng karakter at tekstura.

Tradisyunal na ginagawa ang tortang okra sa pamamagitan ng paggisa ng bawang at sibuyas, pagdaragdag ng hiniwang okra, at paghahalo nito sa binating itlog na may asin at paminta. Ipiniprito ito sa kawali hanggang maging golden sa magkabilang panig. Maaari ring dagdagan ng tinapa, giniling o kesong puti depende sa panlasa at rehiyon. Ang resulta’y isang malambot ngunit bahagyang malutong na torta na may kakaibang lapot at earthy na lasa.

May ilang teknik sa pagluluto ng okra upang hindi ito maging sobrang malaway. Una, iwasang hiwain nang masyadong manipis upang hindi lumabas ang sobrang mucilage. Ikalawa, huwag takpan ang kawali habang niluluto. Ikatlo, huwag itong overcook—sapat na ang ilang minuto upang manatiling tender ngunit may konting bite. Ang iba’y naglalagay ng kaunting suka o kalamansi habang ginagisa upang mabawasan ang lagkit.

Sa huli, ang tortang okra ay hindi lang simpleng ulam. Isa itong salamin ng kasaysayan ng paglalakbay ng mga sangkap sa buong mundo at ng kakayahan ng lutong Pilipino na iangkop ang mga ito sa sariling panlasa at kultura.

Mula Africa hanggang Pilipinas, ang okra ay patunay na ang pagkain ay may sariling kuwento at sa bawat torta na inihahain, buhay ang kasaysayang iyon sa ating hapag.

Isi G. Laureano/Eat Matters
  • 250g okra, hiniwang pahaba o pabilog
  • 2 itlog
  • 1 maliit na pulang sibuyas, tinadtad
  • 2 butil ng bawang, tinadtad
  • 2 pulang kamatis, tinadtad
  • Asin at paminta
  • 2 kutsarang mantika
  1. Pakuluan saglit ang mga okra, hanguin at pisain ang mga okra.
  2. Igisa muna ang bawang, sibuyas at kamatis sa mantika.
  3. Batihin ang mga itlog sa isang lalagyan, timplahan ng asin at paminta.
  4. Ihalo ang ginisang kamatis, sibuyas at bawang sa itlog.
  5. Ilagay ang okra sa kawaling may mantika.
  6. Ibuhos sa ibabaw ng okra ang ginisa at itlog at lutuin parang omelette. Baliktarin kapag medyo nabuo na.
  • Puwede gumamit ng dahon ng saging sa kawali para hindi dumikit.
  • Masarap may sawsawang patis or bagoong. Puwede din toyo na may kalamansi at sili.