Migrante

Pasko’t pakikibaka ng manggagawa sa Aotearoa


Magsasara ang malaki nilang kompanya, hindi na muna sila babayaran ng sahod at benepisyo at mahigit 720 na tulad niyang OFW ang biglang nawalan ng trabaho.

Tulad ng milyon-milyong overseas Filipino worker (OFW), sabik na pinaghandaan ni Dennis Sarmiento ang nakaraang Pasko at Bagong Taon. Inisip niyang ipadala ang buong lingguhang sahod para masigurong masagana ang noche buena at media noche ng kanyang pamilyang naiwan sa Gen. Trias City, Cavite habang siya’y nagtatrabaho sa Hamilton, New Zealand bilang manggagawa ng konstruksiyon.

Subalit limang araw mula Disyembre 25, nakatanggap sina Dennis ng pabatid mula sa kanilang kumpanyang ELE Group na huwag na muna silang pumasok sa mga susunod na araw. Lalo silang nabigla sa mga sumunod na balita: Magsasara ang malaki nilang kompanya, hindi na muna sila babayaran ng sahod at benepisyo at mahigit 720 na tulad niyang OFW ang biglang nawalan ng trabaho.

Magpa-Pasko pa naman.

Imbis na masaya ang sumunod niyang tawag sa kanyang asawa at mga anak, malungkot na ipinaliwanag ni Dennis ang kinasadlakang sitwasyon. Ibinilin niya sa pamilya na huwag mag-aalala at pilitin nilang maging masaya pa rin sa Pasko at Bagong Taon.

Magsasampung buwan pa lamang sa New Zealand si Dennis. Dati siyang factory worker sa Hsinchu, Taiwan nang magdesisyong lumipat sa mas malayong bansa.

Malapit na rin kasing matapos ang maksimum na anim na taon niyang pwedeng ilagi sa Taiwan. Bukod pa aniya, higit doble ang kanyang sahod sa New Zealand at may pagkakataon pang madala niya ang kanyang pamilya roon kinalaunan.

Tulad ni Dennis, daan-daang Pilipino ang naengganyong makipagsapalaran sa alok na trabaho ng ELE Group. Kompanyang manpower ito na nagrerekrut ng mga lokal at dayuhang manggagawa para i-deploy sa konstruksiyon, transportasyon, warehousing, pagsasaka, kalusugan at iba pa. Bago ito nagsara, mayroon itong mahigit 1,000 manggagawa, halos dalawang katlo nito ay Pilipino.

Kaya naman nang bigla itong magdeklara ng pagkalugi nitong nakaraang buwan, 720 OFW ang biglang nawalan ng trabaho.

Nagbigay ng tulong ang mga aktibistang Pilipino-Kiwi sa mga OFW na nawalan ng trabaho. Migrante Aotearoa/Facebook

Isa sa mga unang nag-alok ng tulong kina Dennis ang grupong Migrante Aotearoa, Union Network of Migrants (Unemig) at First Union na nanawagan sa pamahalaan ng New Zealand na rebisahin ang patakaran ng mga kompanyang katulad ng ELE na nagrerekrut ng mga dayuhang manggagawa na hindi naman nila kayang panindigan ang kanilang kaseguruhan sa trabaho.

Tumutulong rin silang mapaningil sina Dennis ng hindi pa nababayarang sweldo at benepisyo ng ELE sa mga OFW, gayundin ang paghahanap ng bagong trabaho.

Nagbabala rin sila sa mga kompanyang lumamon sa ELE Group na huwag pilitin na madaliang papirmahin ang mga OFW sa bagong kontrata nang walang kaseguruhan sa trabaho. 

Pinakamalungkot ang nagdaang Pasko para kina Dennis at mga kapwa biktima ng pagbagsak ng ELE Group.

Bigla-bigla, hindi na sila makapagbayad ng renta sa kanilang inuupahang bahay at napilitan silang makisabay na lamang sa pagdiriwang ng kanilang mga kasamang boarder na may trabaho pa. “Tatlong linggo na kaming hindi makabayad sa aming landlord,” aniya.

Bago mag-Bagong Taon, inimbitahan sila ng Migrante Aotearoa at Gabriela Aotearoa sa isang pagtitipon upang tumanggap ng mga pagkain at iba pang suportang ikinampanya sa mga kapwa Pilipino, mga kaibigang migrante at Kiwi.

Dito rin nila nalaman ang pag-ugnay ng mga grupong ito sa Embahada ng Pilipinas sa Wellington upang magbigay ng emergency financial support sa mga OFW na biglang nawalan ng trabaho. Ang ilan sa kanila ay nakatanggap na ng halagang P30,000 bilang ayuda mula sa embahada.

Nangako rin ang mga grupo, kasama na ang dumaraming bilang ng mga organisasyong sibiko at simbahan, na patuloy silang aalalay sa daan-daang OFW na stranded sa New Zealand na walang trabaho. Nananawagan din sila sa gobyerno sa Maynila na ipagpatuloy ang ayuda habang may problema pa ang mga OFW.

Wala naman sa kagyat na plano si Dennis na umuwi sa Pilipinas, lalo pa’t hindi nakabubuhay ang kita sa iniwang trabahong drayber ng traysikel sa Cavite. Makikipag-sapalaran pa siya sa New Zealand habang isang taon pang legal ang kayang visa.

Samantala, Santa Claus ang naging papel ng Migrante, Gabriela, Unemig at First Union para kina Dennis at mga kapwa niya manggagawa.

“Masaya ako’t nagpapasalamat sa mga unyonista at aktibistang migrante sa kanilang tulong sa amin,” wika ng dating nangarap na maging sundalo sa Pilipinas. “Ang naririnig ko dati sa mga tulad nila ay mga panggulo lamang. Ganito pala ang mga aktibista at unyonista.”