Husgahan Natin

Administrasyong Marcos Jr. sa pangalawang taon

Ipinangangalandakan ng administrasyong Marcos Jr. ang pag-unlad ng kabuhayan sa Pilipinas. Walang tigil ito sa pagguhit ng makulay na larawan ng ekonomiya para mabigyan ng positibong pananaw ang mga naghihikahos nating mamamayan.

Sa magdadalawang taon na panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr. bilang pangulo, marami ang nagtatanong: gumaganda ba ang buhay ng mamamayan sa ilalim ng kanyang administrasyon?

Sa mga pabor sa administrasyon, binabanggit nila na umuunlad na ang ekonomiya ng ating bansa. Ayos naman daw ang pinansiya ng pamahalaan at kumikita naman ang mga negosyo. Kaya natural lang dapat na bumuhos din ito sa mga mamamayan.

Ayon sa datos ng gobyerno, lumago ng 5.9% ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas noong pangatlong kuwarto ng 2023. Sa mga bansa sa Southeast Asia, ang Pilipinas ang may pinakamalaking paglago na GDP. 

Halimbawa, 1.5% lang ang paglago ng GDP ng Thailand noong panahong iyon. Sa Malaysia naman ay 3.9%, sa Vietnam ay 5.3%, sa Indonesia ay 4.9% at sa Singapore ay 1.1% lang. 

Bumaba naman ang unemployment rate sa Pilipinas nang maging 3.6% ito noong Nobyembre 2023. Ito na ang pinakamababa mula 2005.

Pagdating naman sa gross borrowings, bumagal ang pangkalahatang pangungutang ng pamahalaan ng ating bansa. Mula Enero hanggang Nobyembre 2023, umabot lang ito ng P2.101 trilyon na mas mababa sa P2.77 trilyon na utang nito noong 2021.

Pababa rin ang depisito ng pamahalaan. Noong 2021, umabot ito sa P1.3 trilyon ngunit noong 2022, bahagya itong bumaba sa P1.2 trilyon. Mula Enero hanggang Nobyembre 2023 naman, naging P1.1 trilyon na lang ito.

Pumihit din ang balance of payments ng Pilipinas. Mula sa $7.3 bilyong depisto, nakakuha ito ng $3 bilyong surplus. Bumalik na rin sa masiglang antas ang gross international reserves o reserbang dolyar ng ating bansa.

Kaya gamit ang mga pigurang ito, ipinangangalandakan ng administrasyong Marcos Jr. ang pag-unlad ng kabuhayan sa Pilipinas. Walang tigil ito sa pagguhit ng makulay na larawan ng ekonomiya para mabigyan ng positibong pananaw ang mga naghihikahos nating mamamayan.

Ngunit talaga bang umuunlad na ang kalagayan ng mamamayan sa ating bansa, lalo na ang mga manggagawa at magsasaka na bumubuo sa mayorya ng ating mamamayan?

Ang sagot sa tanong na ito ng mga samahan ng manggagawa at magsasaka, pati na mga progresibong grupo, ay hindi.

Una sa lahat, tingnan natin ang usapin sa sahod. Paiba-iba ang minimum wage sa ating bansa depende kung saang rehiyon nagtatrabaho ang manggagawa. Ngunit may iisang katangian ang mga sahod na ito—hindi sila sapat upang mabigyan ng tamang pagkain at disenteng kabuhayan ang isang pamilya.

Sa National Capital Region (NCR), halimbawa, nangangailangan ng P1,193 bawat araw ang isang pamilyang may tatlong anak para mabuhay nang disente. Ngunit ang minimum wage sa NCR ay P610 lang. Kaya maliwanag na hindi ito sapat upang tugunan ang pangangailangan ng isang pamilya.

Karamihan pa sa mga nagtatrabaho sa ating bansa ay part-time workers. Tinatayang nasa 14.6 milyon ang part-time workers dito sa atin. Kaya naman maaasahang hindi rin sila nakakatanggap ng buong sahod dahil sa kakulangan ng trabaho.

Mula sa mga 47.6 milyon na nagtatrabaho, bumaba na lang ito sa 46.8 milyon noong 2023. Tanda ito ng kabawasan ng trabaho dito sa ating bansa.

Nadagdagan rin ang bilang ng mga pamilyang naniniwala na sila ay mahirap. Noong Hunyo 2022, mayroong 12.2 milyong pamilyang Pilipino na itinuturing na mahirap ang kanilang sarili. Noong Setyembre 2023, nadagdagan ito ng 2.3 milyon upang maging 13.2 milyon.

Nagpapakita lang ito na halos kalahati ng mga pamilya sa ating bansa ay naniniwala na sadlak pa rin sila sa kahirapan. Hindi mo sila masisisi sapagkat bumabagal talaga ang paglago ng bawat sektor sa ating bansa. 

Halimbawa, sa sektor ng agrikultura halos tigil ang paglago ng sektor na ito sa 0.9% growth rate noong third quarter ng 2023. Sa industriya naman, lumago lang ang sektor na ito ng 5.5% noong parehong quarter ng 2023. Sa serbisyo na siyang pinakamalaking bahagi ng ekonomiya, mula sa 9.3% growth rate ng 2022, bumaba ito sa 6.8% noong 2023.

Paano naman kung titingnan natin ang badyet para sa batayang pangangailangan ng mamamayan, tulad halimbawa sa kalusugan, edukasyon at iba pa? Kung sakaling magkasakit ang mga ordinaryong mamamayan, natural lang na pupunta ito sa pampublikong ospital. Ngunit alam ba ninyong bumaba ang badyet para sa pampublikong ospital ng 32% para sa taong 2024? 

Sa tingin siguro ng mga nasa puwesto, bihira na sa mahihirap ang nagpapaospital kapag sila ay nagkakasakit. Ibig sabihin nito, patay kaagad ang mahihirap kapag nagkasakit at hindi na kailangang dalhin sa ospital, kaya binawasan na ang badyet ng pampublikong pagamutan. 

Gayon din sa usapin ng social security o panlipunang seguridad. Binawasan ng administrasyong Marcos Jr. ang 2024 badyet para sa dito ng 31%. 

Kung titingnan ang GDP sa usapin ng paggastos, makikita rin na tumatamlay ang paggastos ng mga sambahayan o mga pamilya. Ang tinatawag na household consumption, mula 8% na paglago noong third quarter noong 2022 ay naging 5% na lang noong third quarter ng 2023. Malinaw na indikasyon ito ng paghina ng ating kakayahang bumili ng ating mga pangangailangan.

Bukod pa rito, ayon sa Ibon Foundation, kabilang ang Pilipinas sa 10 bansa sa mundo kung saan pinakamasahol ang pakikitungo ng mga kompanya sa kanilang mga empleyado. Sa sunod-sunod na pitong taon hanggang 2023, nanatili sa posisyong ito ang Pilipinas.

Kapuna-puna rin ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na walang naipon na pera. Dahil sa kababaan ng sahod at kamahalan ng bilihin, mga 70% ng kabahayan ang wala man lang naipon kahit na isang kusing mula sa kanilang kinikita.

Ang masama pa, patuloy ang administrasyong Marcos Jr. sa mga proyekto na nakakasira sa kalikasan at hindi naman totoo na nakapagdulot ng dagdag na trabaho sa mamamayan.

Kabilang sa mga proyektong ito ang 187 coastal reclamation projects at malalaking proyekto sa corporate mining na inaprubahan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng 35 exploration permits ilang buwan pa lang matapos maupo si Marcos Jr.

Ang masama sa mga proyektong ito, hindi sila nakapagbigay ng mga trabaho na may mataas na kalidad sa ating mga kababayan. Pasok lahat ng ito sa cheap labor policy na pinaiiral ng ating pamahalaan. 

Kaya masasabi natin na ang kalagayan ng mamamayan ngayon ay walang pinag-iba sa kanilang kalagayan sa ilalim ng ibang administrasyon. Patuloy na naghihikahos ang mahihirap na binubuo ng mayorya sa ating populasyon at patuloy na yumayaman ang minorya na galing sa mga elitistang pamilya. 

Ganito na lang ba tayo, mga kasama? Ang sagot sa tanong na ito ay nasa ating mga kamay.