Curried Kalabasa at Mais Soup

Ang recipe na ito ay handog ng Kitchen Kalasag ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) sa iba’t ibang maralitang komunidad noong panahon ng lockdown.

Buhat ng matinding importasyon, sumosobra ang suplay ng gulay sa pamilihan. Maraming nasasayang, at madalas iyong pananim ng mga magsasaka ang napag-iiwanan. Mabuti pa’t pakinabangan natin ang likha ng magbubukid. Mag-rescue tayo ng gulay at siyempre, magluto ng masustansya!

Ang recipe na ito ay handog ng Kitchen Kalasag ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) sa iba’t ibang maralitang komunidad noong panahon ng lockdown.

Tulungan natin ang isa’t isang maghanda ng mga putaheng simple, mura, madaling hanapin sa mga palengke’t talipapa ang mga sangkap, at higit sa lahat, nagpapalakas ng resistensiya.

Mga Sangkap:

  • ½ kg kalabasa
  • Butil ng 2 mais
  • 2 puting sibuyas
  • 3 bawang
  • 1 kutsaritang luyang tinadtad
  • Asin at paminta
  • Kakang gata ng niyog
  • 1 ktsaritang curry powder
  • 4 na tasang tubig

Paraan sa pagluluto:

  1. Tustahin ang mga butil ng mais nang 3-5 minuto. Huwag hayaang masunog. Itabi pagkatapos.
  2. Balatan at hiwain nang maliliit na piraso ang kalabasa.
  3. Balatan, hiwain at igisa ang sibuyas, bawang at luya sa kaunting mantika.
  4. Idagdag ang kalabasa, mais at tubig. Lutuin hanggang maging malambot na malambot na ang kalabasa. Maaari itong durugin gamit ang sandok at tinidor. Haluing mabuti.
  5. Idagdag ang curry powder at gata. Hinaan ang apoy. Haluin hanggang maluto ang gata. Tikman at lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa.
  6. Maaaring ihain na may kasamang chilimansi sa tabi.