Away-politika
Ipinakikitang lantarang pagbabangayan ng mga pangkating Marcos, Arroyo at Duterte ang hindi na mapagkakasundong hidwaan sa pagitan ng naghaharing mga paksiyon.
Away-politika – Isang alitan o bangayan ng mga magkakaribal sa politika ng bansa.
Sa Pilipinas, tumitindi ang bangayan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte. Tila gumuho na ang relasyon sa pagitan ng dalawa matapos pumutok ang isang pampublikong alitan dahil sa posibleng pagbago sa Konstitusyon.
Panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kailangan manatiling mapagmatyag ang publiko sa gitna ng away-politika at ituon ang atensiyon at pagsusulong ng karapatan ng mga Pilipino sino man ang nasa kapangyarihan.
Sa isang artikulo ng Ang Bayan, sinabi na ang mga ito’y bahagi ng mga hakbang ni Marcos Jr. na bakbakin ang kapangyarihang pampolitika at pang-ekonomiya ng pangkating Duterte. May kaugnayan ito sa mga hakbangin ng rehimeng United States (US)-Marcos Jr. na kontrahin at paatrasin ang impluwensiya ng China sa Pilipinas, alinsunod sa dikta ng US.
Tusong sinasakyan ni Duterte ang lumalaking alon ng paglaban ng mamamayan sa Charter change (Cha-cha) para ipagtanggol ang sariling interes at kontrahin ang pakana ng pangkating Marcos na alisan siya ng kapangyarihang pang-ekonomiya at pampolitika. Nag-aalburuto si Duterte sa pagkansela sa mga kontrata ng gobyerno na pinasok niya kasama ang China. Ipinagkait sa kanya ang bilyon-bilyong pisong kickback, kasabay ng pagkaltas sa dating bilyon-bilyong badyet na nakukuha ng Davao.
Ipinakikitang lantarang pagbabangayan ng mga pangkating Marcos, Arroyo at Duterte ang hindi na mapagkakasundong hidwaan sa pagitan ng naghaharing mga paksiyon. Sa malao’t madali, hahantong sa armadong salpukan ang pag-uumpugan ng mga ito. Salamin ito ng lalim ng krisis sa ekonomiya at politika ng naghaharing sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal na nagreresulta sa pagkitid ng paghahatian ng mga paksyong pawang ganid sa yaman at kapangyarihan, ayon pa sa Ang Bayan.
Ang isinagawang grand rally naman nina Marcos Jr. sa Luneta para ilunsad ang hungkag na “Bagong Pilipinas,” tinapatan ng mag-amang Duterte.
Tanong ng Kilusang Mayo Uno, sino ang collateral damage? Ang manggagawa at mamamayan. Ito ang pinagkakaabalahan ng mga naghahari habang tumitindi ang kahirapan, kagutuman at inhustisya. Napakaraming dapat tugunan—ang pangangailangan ng nakabubuhay na sahod, regular na trabaho at respeto sa mga unyon ng mga manggagawa.
Binatikos rin ng mga grupong demokratiko ang magastos at walang katuturang “grand rally” at pakanang “Bagong Pilipinas” nina Marcos Jr.
“Sayang lang ang pera ng taumbayan dito at gagawin pang halos mandatory ang pagdalo samantalang napakaraming dapat asikasuhin ng mga kawani ng gobyerno at maging ng mga opisyal ng barangay,” ayon kay Neri Colmenares, tagapangulo ng Bayan Muna.
Ayon naman sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), hindi matatabunan ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr., na kapareho ng “Bagong Lipunan” ng kanyang amang diktador, ang matatagal nang problema ng Pilipinas.
“Mula Marcos Sr. tungong Marcos Jr., nananatiling mga usapin ang kahirapan, disempleyo, gutom at matinding korupsiyon,” ayon sa Pamalakaya. “Mula noon hanggang ngayon, lalupang tumindi ang abang kalagayan ng mamamayang Pilipino.
“Para sa mga mangingisda, walang naniniwala sa dating Pangulong Duterte na nagmamalasakit [siya] sa Konstitusyon, dahil siya mismo ang lantarang lumabag dito sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Huwag niyang gamitin ang usapin ng niraratsadang Cha-cha para mag-astang oposisyon,” ayon sa grupo ng mga mangingisda.
Si Duterte, na kilalang-kilala sa pagiging berdugo at malupit na crackdown na ikinasawi ng libo-libong karamihan sa mga mahihirap na suspek sa droga at aktibista, ay nag-hahabol sa kanyang talumpati.
Imbis na gumawa ng mga kongkretong hakbang para pigilin ang lumalalang krisis na dinaranas ng mamamayan, mas pinipili ng mga kampo ni Marcos Jr. at mga Duterte ang bangayan para sa sariling interes nila.
Ano ba ang pakinabang ng mga ordinaryong Pilipino sa away-politika ng dalawang dambuhalang political dynasty? Mapapababa ba nito ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo? Tataas ba ang sahod ng mga manggagawa, guro at kawani? Malulutas ba ang mga batayang problema ng sambayanang Pilipino sa “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr.?