Alliance of Health Workers
Nananatiling nangunguna sa pakikibaka ng mga manggagawang pangkalusugan para sa mga karapatang pang-ekonomiya at demokratiko gayundin ang karapatan ng mamamayan sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Alliance of Health Workers (AHW) – Isang pambansang organisasyon ng adbokasiya para sa mga manggagawang pangkalusugan na binubuo ng mga indibidwal, grupo, asosasyon at unyon mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong ospital, institusyong pangkalusugan at ahensiya.
Nananatiling nangunguna sa pakikibaka ng mga manggagawang pangkalusugan para sa mga karapatang pang-ekonomiya at demokratiko gayundin ang karapatan ng mamamayan sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Pinamunuan ng AHW ang mga manggagawang pangkalusugan sa kanilang matagumpay na mga kampanya para sa pagtaas ng suweldo, mas magandang kondisyon sa trabaho, at karapatan ng mga manggagawang pangkalusugan sa sariling organisasyon.
Malaki ang papel ng AHW bilang organisasyon ng mga mamamayan sa likod ng batas ng Magna Carta of Public Health Workers, ang proklamasyon ng Mayo 7 bilang Health Workers’ Day, pagsasabatas ng mga makabuluhang probisyon sa Salary Standardization Law, at iba’t ibang pinagsama-samang pagsisikap na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng pamumuhay at pagtatrabaho ng mga manggagawa sa sistema ng pampublikong kalusugan.
Itinatag ang AHW noong Abril 3, 1984. Ngayon taon nasa ika-40 anibersaryo ng pakikibaka nila. Sa isinagawa kamakailan ng panibagong protesta ng mga manggagawang pangkalusugan sa Department of Health (DOH) sa Maynila noong Pebrero 14, Araw ng mga Puso, panawagan nila na ibigay na ang mga nakabinbing benepisyo mula pa noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19.
Bitbit ang kanilang mga bandila at plakard na hugis pusong itim, ang itim na puso ay sumisimbulo ng kanilang pagkadismaya sa administrasyong Marcos Jr. sa nagpapatuloy na pagkakait nito sa kanila ng nakabubuhay na suweldo, mga naunsyaming benepisyo, laganap na kontraktuwalisasyon at iba pang matagal nang kahilingan ng mga manggagawang pangkalusugan.
Iginiit rin ng mga manggagawang pangkalusugan ang P33,000 entry salary sa lahat ng manggagawang pangkalusugan na pareho sa mga pampubliko at pribadong ospital. Hiling rin nila dapat ibigay na ang naantalang Health Emergency Allowance (HEA) at Performance-Based Bonus para sa taong 2021-2022.
Kung susumahin ang buwanang sahod ng Salary Grade 1 na manggagawa sa pampublikong ospital, umaabot lamang ito ng P13,000. Kakaltasan pa ito ng mga itinakdang bayarin tulad ng GSIS, PhilHealth at Pag-IBIG. Habang nagtaasan lahat ng mga bilihin, pamasahe at singil sa tubig at kuryente, nananatili namang mababa ang sahod ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa.
Ang pagbibigay ng maayos na serbisyo ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga pasyente, binabarat naman sila ng gobyerno sa mababang suweldo, kakulangan ng mga tauhan na nagreresulta sa labis-labis na pagod sa trabaho, at hindi pagbibigay ng benepisyo at pagkakaltas-pondo sa kalusugan.
Ayon sa AHW, makabuluhang tagumpay ang pagkakaloob ng HEA para sa ating mga manggagawang pangkalusagan sa mga nag-alay na indibidwal na nanguna sa paglaban sa pandemya.
Binigyang diin din ng grupo na ang ginawang malakas na pagkakaisa at sama-samang pagkilos at hindi natitinag na determinasyon na pagigiit ng mga manggagawang pangkalusugan ang nagtulak sa DOH, Department of Budget and Management (DBM), at administrasyong Marcos Jr. na tuparin ang kanilang pangako para ibigay na ang benepisyong ito.
Binati din ng AHW ang mga unyon, mga manggagawang pangkalusugan, at iba pang organisasyong pangkalusugan na nagsama-sama sa pakikibaka at walang sawang nagsususlong para sa nabinbing alawans.
Sa ngayon, pangunahing isyu pa rin na kainahaharap ng mga manggagawang pangkalusugan ang kawalan seguridad sa trabaho, hindi sapat na suweldo at red-tagging. Problema pa rin ang understaffing kaya napipilitan ang ibang manggagawang pangkalusagan na mag duty ng 12 hanggang 16 na oras na walang overtime pay. Ang iba naman ay kontraktuwal pa rin kahit 10 taon na sa serbisyo.
Ang mga protestang isinagawa mula nang maitatag ang samahang pangkalusugan ay para palakasin at ipanawagan ang kanilang mga karaingan at kahilingan: seguridad sa trabaho, sapat at on-time na benepisyo, pagbabalik sa badyet na tinapyas sa sektor ng kalusugan, libreng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan at mapaganda ang kondisyon ng mga pampublikong ospital.
Mas inuuna pa ni Marcos ang Charter change at ang magarbong Marhalika Investment Fund kasama na ang Intelligence Funds imbis ang bilyong-bilyong inilaan dito ay maaari sanang ibigay sa mga manggagawang pangkalusugan at sektor ng kalusugan.