Batikang organisador, dinukot sa Bukidnon
Sa ulat ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region, umaga ng Abril 10 nang dakpin ng militar ang 63 taong gulang na lider-manggagawa at magpahanggang ngayon hindi pa rin nililitaw.
Dinukot ng mga elemento ng 48th Infantry Battalion ng Philippine Army ang batikang organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si William Lariosa nitong Abril 10 sa Brgy. Butong sa bayan ng Quezon, Bukidnon.
Sa ulat ng KMU-Southern Mindanao Region (KMU-SMR), umaga ng araw na iyon nang dakpin ng militar ang 63 taong gulang na lider-manggagawa at magpahanggang ngayon hindi pa rin nililitaw.
“Si William ay matagal nang organisador ng KMU-SMR. Sa loob ng mahabang panahon, nakatanggap siya at ang kanyang pamilya ng mga banta at harassment mula sa mga puwersa ng estado na nag-udyok sa kanya para maghanap ng santuwaryo sa [Brgy. Butong],” pahayag ng KMU-SMR.
Kinondena ng iba’t ibang grupo at institusyon ang pagdukot kay Lariosa na ngayo’y ika-24 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), panibagong manipestasyon ito ng bulnerabilidad ng mga aktibista, kabilang mga organisador ng manggagawa, sa sapilitang pagkawala.
“We remind the public and agents of law enforcement that these acts are tagged as severe human rights violations under Republic Act No. 10535, or the Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012,” anang CHR.
“We also take this opportunity to once again stress the need for the Philippines to ratify the International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance as a means to safeguard all activists from cases of involuntary disappearances,” dagdag pa nito.
Nagpadala na umano ang CHR ng quick response operation para imbestigahan ang insidente.
Habang papalapit ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, nanawagan naman ang KMU na ilitaw si Lariosa at itigil na ng gobyerno at puwersa nito ang atake sa hanay ng mga organisador ng manggagawa at mga unyon.
“Sama-sama nating patindihin ang paglaban para sa karapatan sa pag-uunyon at karapatang pantao patungo sa #MayoUno2024 at magsama-samang panagutin ang administrasyong US-Marcos Jr. sa paglabag nito sa mga batayang karapatan ng mamamayan!” saad ng sentrong unyon.
Sabi pa ng CHR, dapat tiyakin ng gobyerno na nasosolusyonan ang mga hamong kinakaharap ng mga manggagawa bilang sila ang pundasyong ng ekonomiya ng bansa.