Irespeto ang international humanitarian law–Santo Papa
Nagpahayag din ng pakikiisa sa mamamayang Palestino, lalo na sa Gaza, ang mga lider ng iba’t ibang simbahang Kristiyano sa Jerusalem.
Nanawagan si Papa Francisco ng pagrespeto sa international humanitarian law sa gitna ng karahasan sa iba’t ibang dako ng daigdig sa kanyang mensahe sa bendisyong Urbi et Orbi (Sa Lungsod ng Roma at Daigdig) nitong Pasko ng Pagkabuhay sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica sa Vatican City.
“Nananatili ang aking diwa sa mga biktima ng mga sigalot sa maraming bahagi ng daigdig, mula sa Israel, Palestine, maging sa Ukraine. Nawa’y maging daan si Kristong nabuhay tungo sa kapayapaan para sa mga mamamayan sa mga rehiyong ito,” sabi ng lider ng Simbahang Katoliko sa wikang Italyano.
Dagdag ng Santo Papa na sa pagrespeto sa mga prinsipyo ng international law, nanawagan siya na palayain na ang mga bilanggo sa parehong panig ng Russia at Ukraine para sa kapakanan ng lahat.
Ilang ulit na ring nanawagan ang Santo Papa na hayaang makapasok ang tulong sa Gaza para maibsan ang gutom at paghihirap ng mamamayang Palestino sa kamay ng Israel na pinipigilan ang pagpasok ng supply ng pagkain, tubig, kuryente, gamot at iba pang batayang pangangailangan.
“Muli akong umaapela na tiyaking makakarating sa Gaza ang humanitarian aid at nananawagan ako para sa kagyat na pagpapalaya ng mga nabihag mula noong Okt. 7 ng nakaraang taon at agarang tigil-putukan sa Strip,” wika ng Santo Papa.
Matapos ang mensahe sa mga mananampalatayang Katoliko na nagtipon sa St. Peter’s Square, iginawad ni Papa Francisco ang tradisyonal na bendisyon at indulhensiya plenarya tuwing Pasko ng Pagsilang at Pasko ng Pagkabuhay.
Samantala, nagpahayag din ng pakikiisa sa mamamayang Palestino, lalo na sa Gaza, ang mga lider ng iba’t ibang simbahang Kristiyano sa Jerusalem.
Sa isang pahayag ng Patriarchs and Heads of the Churches in Jerusalem, nanawagan ang mga pinuno ng simbahan ng mabilis na pamamahagi ng tulong, pagpapalaya ng mga bihag, hindi paghadlang sa mga doktor at manggagawang pangkalusugan na gamutin ang mga sugatan at may sakit, at pagbubukas ng internasyonal negosasyon upang itigil ang karahasan.
Nakatuon din ang kanilang pansin at pakikiisa sa mga mamamayan sa Gaza nakararanas ng paghihirap dahil sa pag-atake at pagmamalupit ng Israel, lalo na sa mga sumisilong sa St. Porphyrios Greek Orthodox Church, Holy Family Catholic Church at Anglikanong Ahli Hospital sa Gaza.