Kilusang boykot, sandata ng mamamayan


Bagaman 2005 pa lang naitatag ang BDS (Boycott, Divestment, Sanctions) Movement, matagal nang sandata ng mamamayang api ang taktikang boykot.

Huli sa dalawang bahagi

Bagaman 2005 pa lang naitatag ang BDS (Boycott, Divestment, Sanctions) Movement, matagal nang sandata ng mamamayang api ang taktikang boykot.

Sa South Africa, krusyal ang naging papel ng pagboykot sa mga produkto at serbisyong nagmula sa South Africa para wakasan sa bansa ang apartheid system, ang rasistang sistemang nagbigay laya sa lahing puti (minorya) na alipinin ang lahing itim (mayorya) sa nasabing bansa. Makasaysayan rin ang naging papel ng Montgomery bus boycott sa pagkilala sa karapatang sibil ng mga Black American sa United States (US).

Sa Pilipinas, nakatulong sa pagpapahina sa rehimeng Marcos Sr. ang pagboykot sa mga kompanyang hawak o pag-aari nito at ng kanyang mga kroni. 

Mula Oktubre 2023, sunod-sunod ang mga pagkilos ng mga Pilipino bilang pakikiisa sa pakikibaka ng mga Palestino. Nariyan ang pagkupkop at pagsuporta sa mga Pilipino-Palestinong refugee, mga maliliit na pagtitipon gaya ng film showing, donation drive, food fair at iba pa.

Mayroon ding mga mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) na bahagi ng UP Muslim Students’ Association ang nanawagan ng pagboykot sa mga produktong mula Israel.

Marami ring mga pagkilos na pinangunahan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) gaya ng rally sa Roxas Blvd., Maynila na nanawagan ng ceasefire sa Gaza sa kagyat. Giniit din dito ng Bayan na dapat sumunod ang Israel sa internasyonal na makataong batas para mabigyang proteksiyon ang mga sibilyang Palestino sa panahon ng digma.

Isa sa pinakamalaking pagtitipon na naganap sa bansa ay sa Shariff Aguak sa lalawigan ng Maguindanao del Sur noong Nobyembre ng nakaraang taon. Sa panayam ng Arab News sa tagapangulo ng ng Bangsamoro Communication Network, isa sa organisador ng nasabing pagtitipon, na si Emran Mohammad, lagpas 20,000 aniya ang lumahok sa pagkilos.

“Bunga ng kalapastanganang ginagawa ng Zionistang Israel, nagdedeklara kami ng pang-ekonomiyang giyera sa pamamagitan ng pagboykot sa mga internasyonal na kompanyang sumusuporta sa genocide sa mga Palestino gaya ng McDonald’s, KFC, Starbucks, Burger King, Nestle at Coca-Cola,” aniya.

Sabi naman ni Ina Silverio, manunulat at aktibistang matamang sumusubaybay sa mga pangyayari sa Palestine, “Nakadudurog ng puso ang maya’t maya makakita sa FB ng pinatay na mga bata, matanda, sanggol ang IDF (Israel Defense Forces).”

“Nakakatulong na bilang indibidwal, may magagawa ka para sa kanila gaano man kaliit gaya ng pagsusuot ng keffiyeh bilang simbolo na hinding-hindi nila mabubura ang Palestine sa mundo. Mahalaga rin ang pagboykot sa mga produktong Israeli dahil bukod sa economic value, madalas din siya nagiging daan para makapagpaliwanag sa ibang hindi pa gaano nakakaunawa sa laban ng Palestine,” dagdag niya.

Sa Pilipinas, relatibong maliit pa ang suporta ng mga Pilipino para sa mga Palestino kumpara sa suporta ng mamamayan ng ibang bansa. Sa social media, imbis na pagsuporta, may mga bumabatikos sa panawagan ng mga Palestino para sa pandaigdigang pagboykot sa McDonald’s.

Ayon sa kanila, 100% Filipino-owned ang mga prangkisa ng McDonald’s sa Pilipinas at kung gayon ay walang kinalaman sa malalang paglabag sa karapatang pantao ng McDonald’s Israel. 

Kung ano man ang pagkakaintindi nila sa salitang prangkisa na kung prangkisa, samakatuwid hindi 100% ang pag-aari ng Pilipino dito. Kaya imposibleng walang sinesentro ito sa mother company sa US na siyang may kakayahang panagutin ang McDonald’s Israel. 

Makasasama rin lang daw ito sa ekonomiya ng Pilipinas at maaari pang mapilitan ang korporasyon magtanggal ng mga manggagawa.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, madalas mangyari ang tanggalan ng mga manggagawa pero hindi dahil may panawagang boykot kundi dahil sa kasakiman ng mga kapitalista at employer kasabwat ang mga opisyal ng pamahalaan.

Hindi rin nangangahulugan na kasunod ng boykot ang tanggalan sa trabaho. Madalas pa ngang gamitin ng mga samahan at unyon ng mga manggagawa ang kampanyang boykot.

Kakombinasyon ng iba pang pagkilos ng mga manggagawa, ginagamit ang boykot para biguin ang balak ng management na tanggalin sila sa trabaho at i-pressure ang mga kompanya na maging mas makatao sa pagtrato sa kanilang mga manggagawa.

Halimbawa nito ay ang panawagang boykot sa produkto ng Nestlé at NutriAsia na isinagawa mismo ng mga manggagawa ng Nestlé Philippines at NutriAsia.

Palestine Information Center

May ilan pang nagsasabi na mas dapat daw iboykot ang katunggaling kompanya dahil sa pinaliit nitong servings, sadya man o nagkataon lang, isinasantabi nito ang usapin ng pagiging ‘di makatao ng kompanya. 

Imbes na pagdudahan at balewalain ang pagsusuri at hakbangin ng mga Palestino, mahusay na alamin ang rason sa likod ng desisyong pandaigdigang boykot.

Una, nagbunsod ang kanilang panawagan dahil mula noong Okt. 7, 2023, pagkagaling sa Gaza, matapos pumatay ng mga bata, babae, nakatatanda at magpasabog ng mga komunidad at ospital, ginamit pa ng McDonald’s bilang marketing campaign ang mga berdugong IDF sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain sa mga ito na tila mga bayani ang IDF at terorista ang mga Palestino.

Ikalawa, nang lumaganap ang boykot, imbis na pakinggan ang panawagan sa likod ng boykot, nang-harass pa ang McDonald’s Malaysia at kinasuhan ang mga aktibistang Malaysian na kabilang sa BDM Malaysia ng 41 milyon na danyos sa pinsala raw na ginawa sa pangalan at reputasyon ng kompanya.

Ayon sa United Nations Guiding Principles on Business and Human Rights, maaaring papanagutin ang mga tinatawag na parent and holding company sa kapabayaan ng mga subsidyaryo o prangkisa nito na nasasangkot sa mabibigat na pag-abuso o paglabag sa karapatang pantao. May magagawa ang McDonald’s International sa usaping genocide, ayaw lang nilang umaksiyon.

Hindi rin pagpapasara ng kompanya ang layunin ng boykot. Sa McDonald’s, layunin nitong itulak ang parent company ng McDonald’s na wakasan ang kasunduan nito sa McDonald’s Israel franchise dahil sa pagsuporta nito sa genocide. Gayundin sa McDonald’s Malaysia hanggang hindi nito iniaaatras ang isinampang kaso laban sa mga aktibistang pro-Palestine, kasabay ng paghingi ng tawad ng kompanya sa publiko.

Kung uunahin lang sana ang pagiging makatao kaysa sa tubo, tapos na ang usapin, walang boykot.

Sa pagboykot sa mga multinational company na sumusuporta sa kampanyang genocide ng Israel, maraming Pilipino ang nagsimulang tumuklas ng ibang establisimyentong makakainan, bagong brand pamalit sa mga genocide enabler.

Ang ilan ay nagsimulang tuklasin ang mga lokal na brand gaya ng mga pagkain sa local restaurants, karinderya, Happee o Unique toothpaste imbes na Colgate, buko juice (branded o sa maglalako) imbis na Coca-Cola, lokal na fashion brand imbis na Zara o Mark & Spencer o local coffee shop imbes na Starbucks.

Ang ilan naman ay nagsimulang maghanap ng ibang brand na bagaman banyaga ay hindi sumusuporta sa Israel.

Marami rin ang sumuporta sa mga kompanyang may mabuting relasyon sa Palestine at sa mga kompanya at establisimyentong Palestino gaya ng Palestinian-owned restaurants. Katunayan, may app na ginawa para dito.

Mahalaga rin na itulak ang gobyerno na manindigan laban sa genocide at ikondena ang Israel. Udyukan ito na wakasan ang mga kasunduan at kontrata nito sa Israel. Gaya ng mga aktibistang Amerikano, ayaw natin magamit ang buwis natin sa pagpatay sa mga Palestino.

Masasabing ang isyu ng Palestine ang pandaigdigang isyung pangkarapatang pantao ng kasalukuyang panahon. Mahahalintulad ang Israel sa Nazi Germany sa paglulupig nito sa mga Hudyo. Kung nabubuhay ka noong panahong nangyari ang Holocaust, papanig ka ba sa mga Nazi? 

Kaya nagiging sukatan ng pagpapakatao ang pakikiisa sa mga Palestino gaya ng boykot. Maaatim kaya ng matinong tao ang magbigay ng kahit piso sa kompanyang sumusuporta sa pagpatay ng mga Palestino?

Basahin ang unang bahagi