Anak
Iba talaga kapag may anak. Umiikot na ang mundo mo sa munting supling. Hindi na lang sarili’t karelasyon ang iniisip dahil mayroon nang batang nangangailangan ng pag-aaruga.
Iba talaga kapag may anak. Umiikot na ang mundo mo sa munting supling. Hindi na lang sarili’t karelasyon ang iniisip dahil mayroon nang batang nangangailangan ng pag-aaruga.
Nagiging sensitibo ka na sa kanyang pangangailangan kahit hindi pa niya kayang magsalita. Unti-unti mong nalalaman kung kailan siya dapat pakainin, patulugin, paliguan at palitan ng lampin. Unti-unti mo na ring napapansing kailangang gumising kahit dis-oras ng gabi para tingnan kung kumusta na siya.
Ilang beses mo bang inilalagay ang daliri mo sa ilalim ng ilong ng sanggol mo para malaman kung humihinga pa siya? Iniistorbo mo ba ang nanay, tatay o iba pang kamag-anak o kaibigan mo tuwing may napapansing kakaiba sa anak mo?
“Normal ba ang mabilis na tibok na puso ng bata? Bakit parang kakaiba ang paghinga niya? Teka, wala siyang ganang kumain ngayon samantalang matakaw siya kahapon! Ay, nauntog siya habang pinapatulog ko! Ano ba ang gamot sa kagat ng lamok?”
Napakaraming tanong na kahit alam mo na ang sagot ay itatanong mo pa rin. Naiintindihan naman iyan ng mga mahal mo sa buhay. Iba na ang naniniguro. Literal na nasa kamay mo ang buhay ng batang kailangan mong alagaan.
Bakit ka nga ba nagdesisyong magkaroon ng anak? Sapat na siguro ang naipon mo sa kabila ng tumataas na presyo ng mga bilihin. Baka naman tumatanda ka na’t parati kang kinukulit ng mga kamag-anak mong bumukod na’t bumuo ng isang pamilya. Posible ring gusto mong paglaanan ng panahon ang pagpapalaki sa batang makikinabang sa iyong kakayahan, katalinuhan at kayamanan (kung mayroon man).
Praktikal na isyu ang pera dahil magastos magpalaki ng anak. Pagkatapos gumastos sa gatas, diaper, bitamina at iba pang pangangailangan ng sanggol, kailangang paghandaan ang kanyang pag-aaral na hindi biro ang gastusin lalo na kung sa pribadong paaralan siya papasok. Matrikula, baon, school supplies, kontribusyon sa mga proyektong pang-akademiko—ang papahabang listahan ay nangangahulugan ng papataas na pagkakagastusan.
Siyempre, nariyan din ang presyur mula sa iba’t ibang tao lalo na kung babae ka. Kailangan daw kasing bantayan ang “biological clock.” Kailangan daw iwasang maging “matandang dalaga.” Kailangan daw isiping mas mahalaga ang bumuo ng pamilya kaysa mabuhay nang mag-isa. Tila hindi lubos na naiintindihan ng mga taong ito ang modernong konsepto ng pamilya—puwede naman kahit mag-isa (may kasamang pusa man o wala).
Prayoridad man ang pamilya, lalo na ang anak, mainam na isakonteksto ang personal na pangarap sa ikabubuti ng mga naghihirap at pinahihirapan. Dito mababago ang kahulugan ng tinaguriang nukleyar na pamilya. Dito magkakaroon ng kabuluhan ang araw-araw na pakikibaka. Dito mapapansin ang malalim na kahulugan ng salitang pakikibaka.
Mas malalim na dahilan ang pagkalinga’t pagmamahal sa pamamagitan ng paglipat ng anumang mayroon ka para lumaki ang anak na may mas mataas na antas ng dangal at husay. Huwag sanang isiping ito ay simpleng personal na pag-unlad ng anak. Mas mainam na isiping ito ay isang hakbang sa pagpapanday ng susunod na henerasyon.
Hindi matatawaran ng pera ang kaligayahan sa bawat nakakaya nang gawin ng anak. Sulit ang mga pinaghirapan mo kapag nakakaya na niyang magbasa, magsulat at magbilang. Sa paglipas ng panahon, makakaya na rin niyang magmulat, maglingkod at makibaka.
Mabagal man ang proseso ng pag-aasikaso at mahabang panahon ang ginugugol para sa kapakanan ng anak, mabilis naman ang oras kung susuriin ang kanyang paglaki. Parang kailan lang, isa siyang sanggol na gumagapang sa sahig. Pero ibang iba na ilang taon (o dekada) mula ngayon dahil makakaya na niyang tumindig.
Tulad ng iba pa, gusto mong bigyan ng magandang kinabukasan ang anak mo. Hindi sapat ang magandang edukasyon dahil kailangang magkaroon siya ng komportableng buhay. Natural lang na pinagbubuti mo ang iyong trabaho para sa pinansyal na seguridad ng pamilya. Siyempre’y ayaw mong magutom at maghirap ang anak mo.
Pero paano naman ang iba pa? Kumusta naman ang mga batang nakikita mong namamalimos sa kalye? Kumakain kaya nang sapat ang mga batang nagtatrabaho sa murang edad? Hindi ba’t may mga nanay at tatay silang nagnanais din ng magandang kinabukasan? Pero bakit patuloy silang pinagkakaitan? Hindi puwedeng simpleng kabobohan o katamaran lang ang ugat ng kanilang pinagdaraanan.
Prayoridad man ang pamilya, lalo na ang anak, mainam na isakonteksto ang personal na pangarap sa ikabubuti ng mga naghihirap at pinahihirapan. Dito mababago ang kahulugan ng tinaguriang nukleyar na pamilya. Dito magkakaroon ng kabuluhan ang araw-araw na pakikibaka. Dito mapapansin ang malalim na kahulugan ng salitang pakikibaka.
Iba talaga kapag may anak lalo na sa panahong ito. Sana’y turuan mo siyang baguhin ang mundo.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com.