Editoryal

Hubad-kapkap


Dapat nang itigil ang hindi makataong hubad-kapkap, at iba pang panggigipit at harassment sa mga bilanggong politikal at kanilang kaanak, hindi lang sa New Bilibid Prisons kundi maging sa lahat ng kulungan sa bansa.

Animo’y mga hayop na iniinspeksiyon sa katayan, hubo’t hubad na pinatutuwad at kinakapkapan sa pribadong parte ng katawan ang mga kaanak ng mga bilanggong politikal na dumadalaw sa New Bilibid Prisons (NBP).

Sa isinampang reklamo sa Commision on Human Rights (CHR), ibinulgar ng Kapatid, samahan ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong politikal, ang “hindi makatao at nakaka-trauma” na pinagdadaanan nilang pangangapkap ng Inmate Visitation Service Unit (IVSU) ng NBP.

Inilahad ni Gloria, 63, asawa ng bilanggong politikal na si Dionisio Almonte, ang dinanas niyang harassment nang dumalaw sa asawa noong Abril. Mangiyak-ngiyak na’t nangangatog, pinaghubad siya pati damit panloob, pinatuwad at kinapkapan sa ari. Ganito rin ang dinanas ng iba pang dumadalaw na kaanak sa Maximum Security Compound ng NBP.

Labag sa mga internasyonal at lokal na batas sa karapatang pantao at panuntunan sa mga Persons Deprived of Liberty at kanilang mga dalaw ang ginagawa ng NBP. Maituturing din itong karahasan laban sa mga kababaihan at bata.

Ayon sa United Nations (UN) Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners (Nelson Mandela Rules), hindi puwedeng kahiya-hiya ang proseso ng pagdalaw sa mga bilanggo. Hangga’t maaari, dapat ding iwasan ang “cavity search” o pag-inspeksiyon sa pribadong parte ng mga dalaw, at dapat lang itong gawin ng mga propesyonal na manggagawang pangkalusugan.

Kasuklam-suklam ang ginagawang pambababoy ng gobyerno sa mga kaanak ng mga bilanggong politikal. Hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong lipunan ang makahayop na dagdag parusang ito na ipinapataw sa mga bilanggong malaon nang biktima ng kawalang katarungan at simula’t sapul ay hindi naman talaga dapat nakapiit.

Sa buong bansa, libo-libo na ang mga nakakulong sa bisa ng mga gawa-gawang kasong kriminal dahil sa pagtindig para sa karapatan, kagalingan at kalayaan ng mamamayan. Hindi sila kriminal pero ikinulong dahil nilabanan ang katiwalian, pang-aabuso, pagsasamantala, pang-aapi at pagkatuta sa dayuhan ng mga nasa kapangyarihan.

Wala silang kasalanan pero lugmok sa kalunos-lunos at hindi makataong kalagayan sa mga piitan. Matagal na rin silang nakararanas ng harassment, panggigipit at panunupil kahit nakakulong na.

Napakasahol ng kawalang katarungan para sa mga bilanggong politikal. Marami sa kanila, nakakulong kahit walang ebidensiya o patas na paglilitis, o malala, ni walang kaso! May mga nagtagal na sa kulungan dahil sa sadyang bininbin na mga pagdinig sa mga gawa-gawang kaso. Marami na rin ang namatay sa sakit o katandaan dahil sa kabulukan ng sistemang panghustisya.

Dahil sa reklamo ng Kapatid, itinigil na kamakailan ng Bureau of Corrections ang hubad-kapkap sa mga dalaw. Sinibak na rin ang pitong opisyal na may utos daw nito. Pero hindi sapat ang simpleng pagpapanagot sa iilang indibidwal. Ang kahayupang ito sa mga dalaw ay bahagi ng sistematikong panunupil at panggigipit ng isang pasistang gobyerno laban sa mga kritiko at tumutuligsa dito.

Dapat nang itigil ang hindi makataong hubad-kapkap, at iba pang panggigipit at harassment sa mga bilanggong politikal at kanilang kaanak, hindi lang sa NBP kundi maging sa lahat ng kulungan sa bansa.

Dapat ding panagutin ang pinakamatataas na opisyal ng gobyerno na nagpakana ng pambababoy sa mga bilanggo at nagkakait sa kanila ng katarungan.

Pero higit sa lahat, dapat nang wakasan ang kawalang katarungan sa mga biktima ng panunupil ng estado, dapat nang palayain ang lahat ng bilanggong politikal, sa buong bansa.