Editoryal

Makataong polisiyang pantropiko


Ang kailangan ng mga Pilipino, mga hakbang na magsisigurong protektado ang lahat ng komunidad mula sa matinding init ng panahon at ang epekto nito sa iba’t ibang kabuhayan.

Dekada nang naririnig ng mga Pilipino ang paalala na dapat mag-ingat sa init ng panahon tuwing tag-init, pero dapat rin magtipid ng tubig panligo dahil baka kapusin ang suplay ng mga dam; at dapat siguraduhing hindi maalinsangan ang mga kabahayan habang nagtitipid ng konsumo sa kuryente dahil baka kapusin ang suplay ang power grid.

Sa kasalukuyang lagay ng bansa, hindi na sapat ang diskarte, “Good Morning towel,” pamaypay, baby powder at mahabang listahan ng mga dapat mula sa gobyerno. Patikim pa lang kung maituturing ang tindi ng init nitong Abril.

Ngayong Mayo, posibleng lalampas ng 53 degrees Celsius ang heat index o ang init na nararamdaman sa hangin kasabay ng humidity.

Ang kailangan ng mga Pilipino, mga hakbang na magsisigurong protektado ang lahat ng komunidad mula sa matinding init ng panahon at ang epekto nito sa iba’t ibang kabuhayan.

Isa ang sektor ng agrikultura sa pinakabulnerable sa matinding init at iba pang hagupit ng krisis pangklima. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pilit isinasalba ng mga magsasaka mula sa tigang na lupa ang nalalantang mga pananim. Mayroon nang kawalang ng P5.9 bilyon na pananim dahil sa matinding tagtuyot.

Sa Nueva Ecija, halimbawa, dahil sa bumabang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam, hindi na naaabot ng irigasyon ang maraming mga taniman. Napipilitan ang mga magsasaka na subukang isalba ang pananim sa pag-iigib, kung hindi pa panahon tanggapin na panibagong siklo muli ng pag-utang ang papasukin nila dahil sa nasayang na ani.

Ayon sa Climate Change Commission, higit na bulnerable ang mga magsasaka at mangingisda sa mga sakit na “sensitibo sa klima” tulad ng heat stroke.

Posible ring lumala ang mga kondisyong iniinda na ng komunidad tulad ng mga sakit sa baga at sa puso. Kaya higit sa pautang at iilang libo ng ayuda, kailangan siguruhin ng gobyerno na may sapat, dekalidad at abot-kayang mga serbisyong medikal sa mga komunidad. 

Iniinda rin ngayon ng maraming manggagawa sa pabrika at konstruksiyon ang katakot-takot na epekto ng init. Karaniwan na ang mga kaso ng biglang pagkahilo, pagtaas ng blood pressure, matinding uhaw, pagkahimitay at pati na heat stroke.

Hindi sapat ang laman ng 2023 Labor Advisory No. 8 na listahan ng mga rekomendasyon sa mga employer para hindi nanganganib ang mga empleyado sa matinding init.

Sa advisory, nakalista ang ilang punto na matagal nang dapat gampanin ng mga employer tulad ng garantisadong libre at sapat na maiinom na tubig at unipormeng naaayon sa panahon.

Ngayon, nananawagan ang mga unyon ng manggagawa na dapat kilalanin na sapat na dahilan ang init (at pagkakasakit dahil dito) para lumiban sa trabaho nang may sahod. Kailangan rin ng sapat na pinansiyal na suporta sa mga nagkakasakit bunsod ng init.

Nanganganib rin ang kabataan dahil sa init. Hindi akma sa klima ang mga paaralang masisikip, kapos sa electric fan at walang silong mula sa mga puno. Kaya kaduda-duda kapag sinasabing sa sektor ng edukasyon napupunta ang malaking hati ng pondo ng bayan.

Sa nakaraang taon pa lang, nag-ambagan na ang ilang mga magulang para madagdagan ang electric fan sa mga classroom—pilit silang humugot mula sa kanilang maninipis na pitaka dahil sa implasyon. 

Sa pagsasara ng mga paaralan para lumipat sa online o modular learning tulad noong pandemya, apektado rin ang mga manininda na nagsisimula pa lang bumangon. Kasama dito ang mga karinderya at mga maliit na tindahan ng laruan at gamit sa mga school project. Wala namang nakaambang suporta ang gobyerno para sa mga tulad nila.

Madali para sa mga kinauukulan magpaulan ng alituntunin at paalala—lalo na mula sa mga kotse, bahay at opisina nilang garantisado ang aircon. Kung hindi lang katawa-tawa at imposible, mas pipiliin na siguro ng mga karaniwang tao maging kamelyo na natitiis ang disyerto at ilang araw na hindi pag-inom ng tubig.

Pero magaling ba lumangoy ang kamelyo? Para naman sa pagdating ng mga buwan ng delubyo at baha, hindi natin mabigo ang gobyernong umaasa sa kanya-kanya nating kakayahan.