Pop Off, Teh!

Si OA at si Nonchalant (Jeepney Edition)


Nagiging makabuluhan ang produksiyon ng nauusong wika dahil nakikilala natin ang mga umiiral at nagbabagong identidad sa patuloy na nagbabagong panahon. 

Parang brand new na ukay-ukay ang mga salitang OA at nonchalant. Sa pagkakaalala ko, panahon pa ata ni Mahoma noong ginamit ang OA o overacting para ilarawan ang isang taong sobra-sobra kung magbigay ng reaksiyon sa isang bagay, tao, o pangyayari. Eto namang nonchalant ay matagal nang nasa diksyunaryo at tumutukoy sa isang taong kalmado lang dahil wala naman talagang paki sa nangyayari.

Sa panahon ng new media at paglaganap ng mga social media platform tulad ng TikTok, nauuso (o muling nabubuhay) ang mga salita tulad ng OA at nonchalant na nagiging pang-araw-araw na bahagi ng komunikasyon. Nagiging makabuluhan ang produksiyon ng nauusong wika dahil nakikilala natin ang mga umiiral at nagbabagong identidad sa patuloy na nagbabagong panahon. 

Katatapos lang nitong Abril ng ekstensiyon ng dedlayn sa konsolidasyon ng mga prangkisa ng jeepney. Wala pang malinaw na patutunguhan ang masigla at madagundong na panawagan na huwag i-phaseout ang mga jeepney dahil tiyak na mawawalan ng kabuhayan ang libo-libong drayber at kanilang pamilya.

OA ang pangangati ng mga ahensiya tulad ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na isulong ang modernisasyon at nonchalant naman ang gobyernong Marcos Jr. sa paulit-ulit na panawagan ng mga drayber. Kung sabagay, nonchalant nga sila sa init ng panahon kahit halos matusta na ang mamamayan, ano pa nga ba ang aasahan natin? 

Madalas akong sumakay ng jeep (hindi araw-araw kasi nagwo-work from home na ako). Iyon lang naman kasi ang tanging sasakyan papunta sa pinapasukan kong trabaho at pauwi sa tinitirahan ko. Sa totoo lang, pinakainaabangan ko sa jeepney ang mga ka-OA-an at madalas kong i-share ito sa aking Facebook page. Narito ang ilan sa mga di ko malilimutang sina OA at sina nonchalant sa pagsakay ko sa jeep: 

Si OA: Magjowang halikan nang halikan sa tabi ko habang mamiso ang upo ko sa punuan nang jeepney. 

Si Nonchalant: Magjowang halikan nang halikan sa leeg, tenga at pisngi at ayaw iabot ang pamasahe ko.

Si OA: Maiingay na mga hayskul na kinikilig sa kanilang crush! 

Si Nonchalant: Mga estudyanteng Inglesan nang Inglesan ‘kala mo nasa debating team habang nakanganga ang mga pasahero.

Si OA: Buhok ni ate na puro split ends na lumilipad at tumatama sa mukha ko.

Si Nonchalant: Si kuyang sobra kung makabukaka, akala mo binayaran niya ang buong upuan, samantalang siksikan kami sa tabi niya.

Si OA: Magjowang nagkukulitan at nag-aasaran sa pila ng jeepney sa isang mall, tapos bilang maglulupasay ang isa sa kanila sasabihin, “Hindi mo ako mahal!” 

Si Nonchalant: Magjowang landian nang landian, umusad na ang pila, natengga na kami at muntik maiwan ng jeepney!

Si OA: Budotz music sa jeep. Saka ‘yong apat na beses pinatugtog ni kuya ‘yong “Pare, Mahal Mo Raw Ako.”

Si Nonchalant: Si ateng asawa ata ni manong drayber na tiningnan lang ako noong nagbabayad ng pamasahe sabay sabing, “Ha? Ano?”

Si OA: “Sampuan ‘yan, sampuan yan!”

Si Nonchalant: Katabi mong dedma kahit kanina pa nagpapaabot ng pamasahe ang ibang pasahero, halos mapatid na ang braso mo sa kakaabot. 

Tiyak kong mami-miss natin ang mga ganito at marami pang pangyayaring nagkukuwento ng araw-araw ding pamumuhay natin bilang karaniwang mamamayan.

Higit sa pagka-miss, siyempre, huwag nating hayaan basta na lamang burahin sa kasaysayan ang sasakyang kinalakhan at kakabit na ng buhay tulad ng damit, pagkain, tubig at iba pang batayang pangangailangan natin.

Kaya ‘wag maging nonchalant, makiisa at kung kinakailangan, maging OA sa panawagang #NoToJeepneyPhaseOut!