Pop Off, Teh!

iPhone kayo diyan!


Dapat kuwestiyunin ang patuloy na operasyon ng mga online na pasugalan at ang paggamit nila sa mga influencer at artista bilang kanilang mga endorser.

Trending ngayon sa social media ang planong pamamahagi ni Ivana Alawi ng iPhone 17 sa kanyang mga follower kapalit ng pag-share ng kanyang post. Gumasta umano siya ng mahigit P4 milyon upang makapagpamahagi ng 100 iPhone sa sinumang mapipili niya—pati ang kulay ay maaaring piliin ng kanyang follower.

Kinabog ni Ivana maging ang mga politiko na barya-barya at tig-iisang kilo lang ng bigas ang ipinamamahagi sa kanilang mga supporter. Ngunit may catch ang pamamahaging ito: bahagi ito ng sponsorship ng isang online casino na dapat ding i-share ng mga sasali.

Kilala si Ivana bilang “pilantropo” sa social media na namamahagi ng pagkain, cellphone at iba pang regalo sa kanyang mga follower. May isa ngang episode sa kanyang vlog na namimigay siya ng cellphone sa mga taong nakakakilala sa kanya at naka-follow sa kanyang account. Kung minsan, maaaliw naman tayo sa mga tagpong nagbibigay siya ng pagkain. Maaantig tayo kapag may luluha at magpapasalamat.

Subalit isang malaking usapin ngayon ang paglahok ng mga online casino sa ganitong uri ng pamimigay. Hindi lang naman si Ivana ang nasasangkot dito. Nariyan din sina Vice Ganda, Piolo Pascual, Luis Manzano, David Licauco, at marami pang artista at influencer. Minsan nga, nakikinig lang ako ng podcast at bigla na lang may patalastas ng online na sugal.

Noong pandemya, napakaraming Pilipino ang nahumaling sa sugal at nabaon sa utang. Marahil, dala ng pagkaburyong at takot sa kawalang-katiyakan, naging takbuhan nila ng aliw ang sugal.

Sumusugal para magkapera. Sumusugal para magbaka-sakali. Ayon sa Pagcor, isa nang multibilyong pisong industriya ang online na pasugalan na kumita ng lampas P50 bilyon noong 2024.

Masarap naman talaga sa pakiramdam ang manalo. Imagine, sa kaunting taya ay maaari kang kumita, hanggang sa malulong ka na at maubos ang pera mo. Hindi mo namamalayang naaadik ka na at naitaya mo na ang lahat-lahat. 

Nakababahala ang patuloy na pananatili at lalo pang paglaki ng mga online gambling site. Higit pa sa adiksiyon, inililihis tayo ng mga ito mula sa mga realidad ng ating lipunan: ang malawakang kahirapan, ang katiwalian sa gobyerno, at ang kakulangan ng proteksiyong panlipunan.

Marami sa mga nagsusugal ang tumataya rin upang kumita ng kakarampot, ng barya-baryang maipangtutustos sa araw-araw na buhay.

Tiyak na nakatuon lang sa kita at tubo ang mga online na pasugalan. Wala silang sapat na pananagutan sa maaaring sapitin ng mga taong nagsusugal. Para rin silang mga online na nagpapautang, ‘yong mga loan shark na walang habas kung tumubo at pagkakitaan ang mga nangungutang at nagigipit.

Kung kaya, dapat kuwestiyunin ang patuloy na operasyon ng mga online na pasugalan at ang paggamit nila sa mga influencer at artista bilang kanilang mga endorser.

Kuwestiyon ito ng values at ng pagpapahalaga sa dignidad ng tao. Kuwestiyon ito kung paano tinitingnan ng mga influencer at artista ang epekto ng mga pasugalan at ang posibleng bunga ng kanilang pagsuporta sa mga ito.

Trabaho nga lang ba ito? O kuwestiyon din ito ng pagiging mabuting mamamayan?

Masalimuot ang komunidad online, ngunit lalo itong nagiging mapanganib kapag dumarami ang nagsasamantala sa mamamayan. Hindi sapat ang mabuting intensiyon. Lumang tugtugin na ang “mabuti naman ang intensiyon ko.” Higit sa lahat, kailangan din nating pagnilayan kung sino at ano ang ating sinusuportahan.

Baka naman kasi kaya nating bumili ng sarili nating cellphone sa hinaharap.