Pribilehiyo
Nalulungkot ako na makita na tinitiis na lang nila ang nararamdaman at pinipiling huwag nang humingi ng tulong.
Tuwing Oktubre, ginugunita ang Mental Health Awareness Month. Paalala ito na mahalagang bahagi ng ating buhay ang lusog-isip at ang pagkakaroon ng komprehensibong programa para sa mental health.
Kasabay nito, naalala kong mag-aapat na taon na pala akong nagtuturo. Sa araw-araw, nakasasalamuha ko ang mga estudyanteng nakararanas ng iba’t ibang emosyonal at sikolohikal na suliranin habang humaharap sa mga hamon ng kanilang buhay.
Nalulungkot ako na makita na tinitiis na lang nila ang nararamdaman at pinipiling huwag nang humingi ng tulong. Bakit? Wala silang pribilehiyo para makaakses ng doktor at therapy.
Noon, pangarap ko talagang maging sikologo. Psychology major ako at ang naging pagsasanay ko ay patungo sa pagiging propesyonal sa pagtulong. Subalit nagbago ang ihip ng hangin at hindi ko na ito naituloy. Nagboluntir na lang ako sa ilang organisasyon at nagsikap pa ring makatulong. Sa proseso, napagtanto kong hindi sapat ang mga serbisyo para sa mental health sa bansa.
Bagama’t dumarami ang mga sikologo, psychiatrist, guidance counselor at klinika, malayo pa rin tayo sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan. Noong 2024, mayroon lang 1,821 espesyalista sa mental health ang Pilipinas para sa populasyong mahigit 100 milyon.
Ayon naman sa datos ng Department of Health noong 2023, mahigit 3.6 milyong Pilipino ang nakararanas ng mga kondisyong may kaugnayan sa mental health, neurological disorders at substance use. Kabilang dito ang mahigit 1.1 milyong may major depressive disorder, 520,000 may bipolar disorder at 213,000 may schizophrenia.
Masalimuot ang usapin ng mental health, ngunit lalo itong nagiging masalimuot kapag itinuturing nating indibidwal na suliranin ang isang problemang may malalim na ugat sa kahirapan, kawalan ng seguridad sa trabaho at hindi pantay na akses sa serbisyong pangkalusugan.
Noong ako mismo ang humingi ng tulong, napagtanto kong hindi ko kayang ipagpatuloy ang pagpapagamot kung wala akong maayos na trabaho. Bukod sa napakamahal ng konsultasyon, mahal din ang gamot.
Nauunawaan kong hindi madali ang trabaho ng mga propesyonal sa mental health at nararapat lang na makatanggap sila ng sapat na kabayaran. Subalit paano naman ang mga walang kakayahang magbayad?
Kamakailan, inilabas ni Atom Araullo ang isang photo essay tungkol sa isang inang may mga anak na may schizophrenia. Nakadudurog ng puso ang kanilang kalagayan. Matanda na ang ina at nakakulong ang kanyang mga anak dahil wala silang sapat na kakayahang magpagamot.
Hirap din silang matustusan maging ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Masaklap ang sitwasyong ito dahil inilalantad nito ang malubhang kakulangan ng ating sistemang pangkalusugan.
Kung may sapat na akses ang mamamayan sa serbisyong pangkaisipan, hindi kailangang humantong sa ganitong kalagayan ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong. Marami ang nangangailangan nito, maging sa hanay ng mga nagsusulong ng pagbabago sa lipunan. Ngunit dahil mailap at hindi abot-kaya ang serbisyo, marami ang napipilitang sarilinin na lang ang kanilang pinagdaraanan.
Masalimuot ang usapin ng mental health, ngunit lalo itong nagiging masalimuot kapag itinuturing nating indibidwal na suliranin ang isang problemang may malalim na ugat sa kahirapan, kawalan ng seguridad sa trabaho at hindi pantay na akses sa serbisyong pangkalusugan.
Hindi sapat ang taunang paggunita, mga seminar at mga paalala na humingi ng tulong. Kailangang tiyaking may tulong na makukuha ang mga nangangailangan. Kailangan mismong mapabuti ang sistemang pangkalusugan. Kung hindi mangyayari ito, walang magbabago at ‘di maglalaon, dadami pa ang estadistika ng mga may problema sa mental health.
Mahalagang tugunan ng gobyerno ang krisis sa mental health sa pamamagitan ng sapat na pondo, pagpapalawak ng libreng serbisyo at gamot, pagdaragdag ng mga propesyonal, at pagpapalakas ng serbisyong pangkomunidad.
Hindi dapat nakasalalay sa kakayahang magbayad ang pagkakataong gumaling at mamuhay nang may dignidad at may kalidad.