Pop Off, Teh!

Sa kalawakan ng panulat


Hindi tayo natututo at nananatiling complicit. Lalo na kapag sinasabi nating hiwalay naman ang sining sa tao.

Kamakailan ay literal na sumabog ang isang kontrobersiya sa isang publisher na maglilimbag muli ng nobela mula sa isang matandang manunulat na may kasaysayan diumano ng harassment.

Lalo pang sumabog ang kalawakan nang maglabas ng pahayag ang publisher upang ipagtanggol ang kanilang pasya at ang manunulat. Nag-sorry naman sila ‘di naglaon at nagsabing hindi na nila ilalabas ang libro.

Isang buong kalawakan ng opinyon sa social media ang lumabas matapos nito. Tapos nasuhayan pa nang ang isang beteranong manunulat ay nagsabing ayos lang manatili sa library niya ang mga libro ng manunulat na nasasangkot at kasapakat ng mga nang-aabusong manunulat.

Naglabasan din ang mga post na nagsasabing hindi ligtas ang mga espasyo at awards dahil iyong mga beteranong manunulat ay gumagawa pa ng creepy na mga bagay.

Naalala ko iyong isang national workshop na nasangkot sa paghuhugas-kamay sa isang kaso ng sexual harassment—sila pa ang naging tagapamandila ng “consensual” diumano, at ‘di naglaon nga ay na-dismiss ang kaso.

Balikan din natin iyong transphobia sa isa pang workshop. Ano na nga ba ang naging hakbangin matapos noon? May nabago ba? Napabuti at natiyak na ligtas na ba ang mga espasyo para sa mga manunulat? 

Ang punto ko lang, talamak pa rin ang rape at assault culture sa komunidad ng panulat. Nagkalat ang mga oportunista, manyak at gumagamit ng kapangyarihan para sa pang-aabuso.

Ang nakakapagpabagabag dito, wala o bihira ang napapanagot. Samantala, nagkakaroon pa nga ng dagdag na plataporma ang mga abusado. ‘Di lang ito sa matatanda ha, kasama rin ang mga bata at nagsisimulang manunulat. Paano, natuto na sila at nakakalaya sila dahil sa mismong kultura.

Palagi na lang bang powerless ang mga biktima at survivor? Anong mekanismo ang ating binubuo at tinitiyak para dito? At bakit mas mahalaga pa ang espasyo nila kaysa sa pag-deplatform sa kanila? Hindi pa rin tayo natututo. Hindi pa rin tayo nakakaalagwa.

May paalala sa atin ang mga pangyayaring ito: hindi tayo natututo at nananatiling complicit. Lalo na kapag sinasabi nating hiwalay naman ang sining sa tao.

Paanong nahihiwalay ang sining sa kanya kung lumilikha siya mula sa kanyang danas? Ang thought process niya ang pinagmumulan ng sining at pagkamalikhain. Ibang tao ba siya noong ginagawa niya ang sining? Kung gayon, bakit dapat ituring na malinis ang kaniyang akda o sining?

Sure, nagsasalita tayo sa ibang pagkakataon. Ngunit nagpapatuloy pa rin ang mga naratibo ng assault at harassment. Bata man o matanda ang sangkot.

Anila, may batas naman. Oo, tama. Mayroon na tayong Safe Spaces Act o Republic Act 11313 na maaari sanang pagsimulan ng pagpapanagot, pero kailangan din ng apirmasyon mula sa mga institusyon—mga naglulunsad ng workshop, mga publisher at maging ng mga ahensiya ng gobyerno—na tiyakin na may sapat na mekanismo para protektahan ang mga manunulat mula sa anomang porma ng karahasan.

Hindi dapat itrato lang na cancel culture ang usapin ng harassment at assault sa loob ng isang komunidad. Marapat na mag-imbestiga at maging mapagpasya ang mga institusyon sa halip na unahin ang promosyon.  

Magiging tapat lang sa papel nito ang panitikan kung lilikha ito ng bayan na mapagkalinga at mabuti sa mga lumilikha.