Taas-suweldo ng kawani, nakabinbin
Sa kasalukuyan, ang pinakamababang kawani ng pamahalaan na nasa Salary Grade 1 ay tumatanggap lang ng P13,000 kada buwan na basic pay.
Patuloy ang taas-presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, pero ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno, hindi pa rin makahabol.
Napaso na kasi ang Salary Standardization Law (SSL) V na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 na nagbigay ng dagdag-suweldo para sa mga kawani ng pamahalaan at ipinatupad sa pamamagitan ng apat na yugto na nagsimula noong 2020.
Sa SSL V, ang Salary Grade 1 na P11,068 noong 2020 ay aakyat ng P12,244 sa 2023. Pero ang porsiyento ng pagtaas ng suweldo ay mas malaki sa mas mabababang salary grade.
Bukod sa base salary, kasama rin sa batas ang dagdag na mga benepisyo tulad ng mga mid-year at year-end bonus.
Kaya naman naghain si Sen. Jinggoy Estrada ng panukalang batas na layong bigyan ng panibagong dagdag-sahod sa mga kawani ng pamahalaan na tatakbo ng apat na yugto, mula 2025 hanggang 2028.
Dagdag ito sa mga nakabinbing panukalang kaugnay ng government salary hike tulad ng House Bill (HB) 6560 ng Makabayan bloc, HB 8716 ni Batangas Rep. Ralph Recto, HB 8249 ni PBA Partylist Rep. Margarita Nograles at Senate Bill (SB) 2296 at SB 2356 ni Sen. Bong Revilla.
Sa Senate Bill 2611 o SSL VI, bibigyan ng karagdagang benepisyo at pagbabago sa schedule ng suweldo bigyang daan ang mga kawani ng pamahalaan na “makasabay” sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Sa pamamagitan nito, maaasahan nating magkakaroon ng mas masigla at matibay na serbisyo sibil sa bansa,” ani Estrada.
Humihiling ang mga manggagwa sa publikong sektor ng pambansang minimum na sahod na P33,000 bawat buwan kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suriin ang mga umiiral na rate ng minimum na sahod sa bawat rehiyon sa bansa.
Ayon sa Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), dapat isama sa pagsusuri ng mga rate ng minimum na sahod ang mga kawani ng gobyerno na dapat nakabatay sa pangangailangan ng tao sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa kasalukuyan, ang pinakamababang kawani ng pamahalaan na nasa Salary Grade 1 ay tumatanggap lang ng P13,000 kada buwan na basic pay. Higit na mababa sa tinatayang family living wage na P33,000 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro.
Hindi rin makatarungan ang pasahod na ito ayon sa grupo dahil may mga kawani ng pamahalaan na maaaring mas mababa pa ang sahod sa kumapara sa kawaning parehas na salary grade dahil sa mga limitasyon sa badyet at patakaran.
“May mga kawani pa nga sa mga lower income class level na mga LGU (local government unit) na tumatanggap ng P8,000 [kada] buwan. Samakatwid, may mga kawani pamahalaan na qualified kung tutuusin sa mga poverty alleviation programs ng pamahalaan,” ani Courage secretary general Manuel Baclagon.
Para kay Lex, isang empleyado ng isang deposit insurance fund na pinapatakbo ng gobyerno, hindi sapat ang natatanggap niyang P29,000 hanggang P30,000 kada buwan, na pumapatak na lang ng malinis na P15,000 kung ibabawas ang mandatory deductions at loan payments na lubhang mababa kung titingnan ang bigat ng trabaho.
“Sa kasalukuyang kalidad ng buhay na ating nararanasan ngayon, mahirap talagang sumabay sa mga bayarin. Kailangan nating maunawaan na hindi lamang ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, tuition fees at libangan ang dapat isaalang-alang ng isang pamilya. Ang pagtaas ng sahod ng 46% ay malaking tulong,” ani Lex.
Para sa isang 25 anyos na breadwinner, magiging malaking tulong aniya kung magkakaroon ng medical assistance tulad ng health insurance plan, meal allowance at diskuwento sa tuition fee para sa mga nagnanais na magpatuloy sa kanilang pag-aaral.
“Sa ganitong sitwasyon, upang mabuhay nang komportable na isinasaalang-alang ang ating mga trabaho, dapat tayong tumanggap ng halos P50,000 bawat buwan. Sapat na ito upang mabayaran ang mga pangunahing pangangailangan pati na rin ang mga libangan upang mapanatili ang balanse sa trabaho at buhay ng isang kawani,” sabi ni Lex.
Giit ng Courage, mahalagang maitaas ang sahod ng mga kawani sa disente, makatarungan at nakabubuhay na antas upang itaas ang moral at produktibidad ng mga nagbibigay serbisyo sa mamamayan. Isa rin umano itong pamamaraan upang mabawasan ang korupsiyon sa pamahalaan.
Nararapat lang din umano ang makabuluhang dagdag-suweldo sa pagtalima sa Saligang Batas ukol sa karapatan sa nakabubuhay na sahod at dapat unahin ng gobyerno ang sarili nitong mga manggagawa.
Dagdag pa ng Courage, kailangang i-reprioritize ang mga pambansa at lokal na badyet upang ang tunay na makinabang ay ang mga mamamayan, mga naglilingkod sa mamamayan, alokasyon para sa pambansang industriyalisasyon, tunay na repormang agraryo at sustenableng pag-unlad ng ating ekonomiya.
“Interes ng bayan muna ang dapat unahin, hindi ang interes ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, burgesya komprador, panginoong maylupa, burukrata kapitalista at mga pasista,” anila.
Sumusuporta rin ang Alliance of Concerned Teachers sa panawagan para sa mas itaas ang entry-level pay sa P50,000 para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Nananawagan din ang Alliance of Health Workers ng minimum na suweldong P33,000 para sa mga entry-level na nars sa mga pampubliko at pribadong pagamutan at pasilidad.
Progreso ng panukala
Iniulat naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na malapit ng matapos ng pamahalaan ang isang komprehensibong pag-aaral sa posibleng pag-aayos ng suweldo ng mga kawani ng pamahalaan. Planong tapusin ito sa unang kalahati ng taon.
Ang pagsasagawa ng pag-aaral na ito, sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM) at Governance Commission for Government-Owned and Controlled Corporations, ay layuning magdisenyo ng isang kompetitibo at pantay na kompensasyong tugma sa pangako ng administrasyon sa pagtataguyod ng isang matatag na serbisyo sibil.
“Dapat isaalang-alang ng iminungkahing pag-aayos sa kompensasyon hindi lamang ang mga rate ng implasyon at mga pagbabago sa cost of living kundi pati na rin ang mga standard na pamamaraan sa merkado upang tiyakin na ang pagtatrabaho sa gobyerno ay nananatiling kahanga-hanga at kapantay sa pagtatrabaho sa pribadong sektor,” ani Pangandaman.
Samantalang, ang panukalang batas ni Estrada ay nagpapahiwatig na ang mga pagtaas sa batayang sahod ng mga kawani ng pamahalaan ay ibibigay pa rin sa apat na yugto.
Ayon sa SB 2611, ang mga empleyado sa pinakamababang Salary Grade 1 ay maaaring makatanggap ng sahod na P14,300 hanggang P15,158 sa unang yugto.
Samantala, kawaning sibil ng pamahalaan sa pinakamataas na Salary Grade 33 ay makakatanggap ng P461,058 hanggang P474,890 sa parehong panahon.
Binigyang-diin ni Estrada na ang panukalang batas ay dapat na mag-apply sa lahat ng mga posisyon para sa mga kawani ng pamahalaan sa lahat ng sangay, kasama ang constitutional commissions, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations (GOCC) na hindi saklaw ng GOCC Governance Act of 2011, government financial institutions, at pamahalaang lokal.
Kamakailan lang, inutos ni Marcos Jr. na suriin ang mga minimum na sahod sa bawat rehiyon para isaalang-alang ang epekto ng implasyon sa mga sahod.
Ayon sa DBM, kailangan munang pag-usapan ng Kongreso ang anumang pagtaas sa sahod ng mga kawani ng gobyerno, ngunit handa nilang ipatupad ito sakaling maaprubahan.
Sa kabilang banda, bukod sa pagtaas ng suweldo, giit din ng Filipino Nurses United ang agarang aksiyon ng gobyerno sa pagkakaloob ng karagdagang mga health care personnel sa mga pampublikong ospital, patas na sahod, karagdagang plantilla position, at regularisasyon ng mga kontraktuwal.
Patuloy din ang pagigiit ng mga kawani sa mga pambansang ahensiya at pamahalaang lokal para sa nakabubuhay na suweldo, maayos na benepisyo at dagdag na regular na posisyon.