Wage Rationalization Act
Dahil sa batas na ito, magkakaiba ang minimum wage sa mga rehiyon sa Pilipinas at dapat maglabas ng wage increase order motu propio sa petisyon ng mga manggagawa ang mga regional wage board kahit man lang bawat taon.
Wage Rationalization Act – Nagsasaad ng mga mandato para sa pagsasaayos ng pinakamababang pasahod o minimum wage na naaangkop sa iba’t ibang pang-industriyang sektor na kinabibilangan ng sumusunod: hindi pang-agrikultura, plantasyong pang-agrikultura at ‘di pamplantasyon, cottage o sining sa pagyari sa kamay, at retail o serbisyo, depende sa bilang ng mga manggagawa o puhunan o taunang kita sa ilang sektor.
Dahil sa batas na ito, magkakaiba ang minimum wage sa mga rehiyon sa Pilipinas. National Capital Region ang may pinakamataas na sahod na P610, P435 sa Region I, P430 sa Cordillera Administrative Region, P470 sa Region IV-A, habang ang mga rehiyon sa Mindanao naman ang may pinakamababang minimum sahod na mula sa P336 hanggang P433.
Panawagan ni Kilusang Mayo Uno (KMU) national chairperson Elmer “Ka Bong” Labog na dapat ibasura ang Wage Rationalization Act o Republic Act 6727 at magpatupad ng isang nakabubuhay minimum na sahod sa buong bansa.
Sa ilalim ng Wage Rationalization Act, dapat maglabas ng wage increase order motu propio sa petisyon ng mga manggagawa ang mga regional wage board kahit man lang bawat taon.
Ayon pa sa KMU, hindi sapat ang mga dagdag-sahod noong nakaraang taon para matustusan ang mga pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa at kanilang pamilya.
Ani Labog, ramdam ng mga manggagawa sa buong bansa ang pagtaas ng tantos ng implasyon at krisis sa ekonomiya, kaya isang kabalintunaan na gawing magkakaiba ang sahod sa mga rehiyon.
Giit pa ng sentrong unyon, dapat na iakma sa mga nagbabagong pangangailangan ang pinakamababang sahod para sa mga manggagawa.
Kailangang magkaisa ang mga manggagawa sa buong bansa upang ipaglaban ang nakabubuhay na sahod. Karapatan rin nila na mabuhay ang kanilang pamilya nang disente at nakakakain nang sapat araw-araw.
Ang pagsasabatas ng Wage Rationalization Law ang nagiging sanhi ng barat na sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Tinakda ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang magkakaibang sahod ayon sa rehiyon, probinsiya o industriya.
Diskriminasyon din laban sa mga manggagawa ng nagtatrabaho sa mga probinsya ang batas kahit hindi naman nalalayo ang cost of living. Dapat pantay-pantay ang trato sa lahat ng manggagawang Pilipino, saanmang lalawigan o industriya sila nagtatrabaho.
Bakit nga ba hindi gawing pantay-pantay ang sahod gayong pare-parehas naman ang pagtaas ng mga bilihin sa kada rehiyon?
Nilalabag din ng batas ang pagkakaroon ng makabuluhang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa at nililimitahan rin ang kakayanan ng mga manggagawa upang makamit ang nakabubuhay na sahod, bagkus ay lalo pa nitong ibinababa ang sahod.
Maraming mga manggagawa ang nanawagan na ibasura na ang Wage Rationalization Law. Panawagan pa ng mga grupo ng manggagawa at mga progresibong sektor na aprubahan ang arawang dagdag sahod na P750 para sa mga regular na empleyado at manggagawa sa buong bansa bilang tugon sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo.
Anila, pareho lang ang ginagawang trabaho ng isang obrero o manggagawa na nasa probinsya at nasa Metro Manila. Otso oras rin ang kanilang trabaho. Mataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, sardinas, noodles at iba pa.
Dahil sa napakatinding krisis pang-ekonomiya, kakarampot lang natatanggap nilang sahod at hindi nakakasapat upang mapunuan ang araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.
Kaya ang sigaw at panawagan ng mga unyon ng manggagawa sa buong bansa sa loob ng maraming taon itakda ang standardized minimum wage ng mga manggagawa para mabuhay nang disente.