Angara, hinimok na itaas ang suweldo ng guro, kawani


Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, kailangan ang P50,000 entry-level pay para sa mga guro at P33,000 para mga kawaning nasa Salary Grade 1 upang makaagapay sa tumataas na presyo.

Sa Hul. 19, mag-uumpisa na si Sen. Sonny Angara ang kanyang mga tungkulin bilang bagong kalihim ng Department of Education. Nanawagan naman ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na dagdagan ang suwledo ng mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan.

Ayon sa ACT, kailangan ang P50,000 entry-level pay para sa mga guro at P33,000 para mga kawaning nasa Salary Grade 1 upang makaagapay sa tumataas na presyo.

“Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, nakita namin ang kanyang pagtataguyod para sa pagtaas ng sahod ng mga guro at kawani ng gobyerno. Umaasa kami na sa bagong tungkulin, ipagpapatuloy pa rin niyang ipaglaban ang aming mga panawagan sa sahod at mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon,” ani ACT secretary general Raymond Basilio.

Dagdag pa ng grupo na nakikita nila si Angara na mas magiging maayos ang pamamalakad kumpara sa sinundang kalihim na si Pangalawang Pangulong Sara Duterte.