BINI
Hindi kailangan ng mahiwagang salamin para suriin ang nangyayari sa islang pantropiko.
Bini o BINI? Bloom o BL&infi;M? May letrang “s” ba dapat sa dulo ng Bloom/BL&infi;M kung tinutukoy ang napakaraming tagahanga? Ano-ano ang mga akmang salita sa panahon ng kasikatan ng walong binibini? Kailangan ba talagang may salitang “Bini” bago ang mga pangalang Aiah, Colet, Gwen, Maloi, Jhoanna, Mikha, Sheena at Stacey? Sige na nga. Baka ito ang patakaran sa tinaguriang BINIverse!
Walo hanggang dulo. Walang iwanan. Sama-samang sakripisyo. Nag-iiyakan sa hirap na dinanas noon pero hawak-kamay nang naghihiyawan sa saya ngayon. Sa wakas, tagumpay! Dinudumog na sila kahit saan magpunta. Sold-out na ang mga konsiyerto. Walang nang tigil ang tili ng mga tagahanga kahit nagpapakilala pa lang at hindi pa nagsisimulang umawit at sumayaw. Hindi na sapat ang Pilipinas dahil nakatakda silang mangibang-bansa para makahalubilo ang iba pang mga tagahanga sa labas ng islang pantropiko.
Apat na taon lang ang nakalipas nang binuo ang BINI. Opisyal na ipinakilala sa publiko noong 2021, hindi pa sila masyadong napansin noon dahil sa kasagsagan ng pandemya. Kailangan nilang kumayod para magpakilala sa mas malawak na publiko. May bidyo ng paglalakad nila sa mga kalye para mag-imbita sa mga pagtatanghal. Magiliw nilang kinakausap ang mga tagahanga—nakikipagbiruan, nakikipagharutan, nakikipagkulitan. Minsan nga’y masayang nakikipagsigawan at kunwaring nakikipag-away para tumatak sa alaala ng nakakausap nila ang kanilang personalidad.
May maingay, may tahimik. May galawgaw, may mahinhin. May madaldal, may mahiyain. May OA, may nonchalant. May konyong Inglesera, may masang gumagamit ng sariling wika. Sadyang iba-iba sila. Sinadya ring ganyan ang komposisyon ng grupo para may pagkakaiba. Para sa mga tagahanga, buong grupo naman ang sinusuportahan pero may kanya-kanyang bias sila.
Halos bawat galaw nila, nakabidyo. May mga resibo ng nakaraan at kasalukuyan. Malinaw ang ebidensiya ng mga luha’t ngiti. Napapaiyak ang nanood sa paghihirap ng walo noon, lalo na sa mahahabang oras ng ensayo. Nakikitawa rin sa biruan, harutan at kulitang nangyayari habang nagla-live stream sila. Napapabilib ang lahat sa dedikasyong magtagumpay sa malupit na mundo ng showbiz.
Walo hanggang dulo. Huwag na sanang hintayin pa ng BINI ang “dulo” para gamitin nila ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya sa mas makabuluhang paraan.
Batay sa mga bidyo ng kanilang mga pagtatanghal, hindi matatawaran ang husay sa kanilang pag-awit at pagsayaw. Nakamamangha rin siyempre ang kanilang angking kagandahan.
Kahit na pagod, tuloy pa rin sa pagbibigay-aliw para sulit ang bayad ng mga nagpunta sa pagtatanghal nila. Kahit na may nadulas o nahulog sa entablado, kahit na hirap sumayaw dahil sa pilay, kahit nilalagnat ang ilan sa kanila—hindi dapat mahalatang may iniindang sakit at gusto nang magpahinga. Sa lahat ng pagkakataon, kailangang magkunwaring masaya sila. Kumbaga sa wikang Ingles, “business as usual.”
Negosyo. Binuhusan ng pera ang BINI para makilala’t sumikat kahit sa napakaikling panahon. Bukod sa promosyon ng grupo, matindi ang nangyaring makeover sa walong binibini. Ibang-iba na ang hitsura ng BINI noong 2020 kumpara sa BINI ngayong 2024. Ang mga dating hitsurang para lang sa tropa, ngayo’y puwede nang maging jowa! Iba talaga ang nagagawa ng kasalukuyang maiikling damit at kaaya-ayang makeup.
Mukhang sulit naman ang gastos hindi lang dahil sa sold-out na mga pagtatanghal. Dumarami na rin ang ineendorsong produkto ng BINI. Sa kontekstong ito, mabilis na aangat ang buhay ng mga pamilya ng walong binibini. Pero siguradong mas mabilis na yayaman pa ang malalaking negosyong gumagamit sa BINI para lalo pang dumami ang bumibili sa kanilang mga produkto.
Simple lang naman ang lohika ng kapitalismo—bayaran ang mga manggagawa nang hindi isinasakripisyo ang mataas na tubo. Kahit na sabihing milyon-milyong piso ang ibinabayad sa BINI para sa pag-eendorso, bilyon-bilyong piso pa rin ang potensiyal na makukuha mula sa transaksiyong ito.
Para sa mga negosyante, mistulang gatasan ang mga tagahanga. Inaasahan ang kanilang paggastos hindi lang para sa concert tickets kundi para sa merchandise items. Susuportahan din kaya nila ang mga ineendorsong produkto bilang patunay ng kanilang pagmamahal sa BINI? Posible. At kung pagbabatayan ang kapangyarihan ng mga artistang makapagbenta hindi lang ng produkto kundi pati na rin ng kanilang sarili para makaupo sa posisyon ng kapangyarihan, hindi matatawaran ang celebrity power sa ekonomiya’t politika.
Walo hanggang dulo. Huwag na sanang hintayin pa ng BINI ang “dulo” para gamitin nila ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya sa mas makabuluhang paraan. Labas ng pag-eendorso ng mga produkto ng kapitalista, mainam na may adbokasiya ang walong binibini para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian. Sana’y ituloy nila ito at isama rin nila ang iba pang mahahalagang isyu tulad ng karapatang pantao.
Para sa BINI at tinaguriang Bloom, ito ang panghuling mensahe: Hindi kailangan ng mahiwagang salamin para suriin ang nangyayari sa islang pantropiko.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com