Kasunduang militar sa Japan: Banta sa soberanya at mga sugat na ‘di naghilom
Pinirmahan ng Pilipinas at Japan nitong Hul. 8 ang isang mayor na kasunduan na magpapahintulot ng pagpasok ng mga kagamitan at tropang Hapones sa teritoryo ng Pilipinas.
Pinirmahan ng Pilipinas at Japan nitong Hul. 8 ang Reciprocal Access Agreement (RAA), isang mayor na kasunduan na magpapahintulot ng pagpasok ng mga kagamitan at tropang Hapones sa teritoryo ng Pilipinas.
Sinasabing para raw sa “disaster response” at “combat training” maging iba pang koordinasyon sa iba’t ibang larangang militar.
Dati nang may katulad na kasunduan ang Pilipinas sa Amerika, mas kilala bilang Visiting Forces Agreement (VFA), dahilan kung bakit halos ‘di matigil ang paglabas-pasok at pagkakampo ng mga sundalong Amerikano sa buong kapuluan.
“Unprecedented,” sabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo tungkol sa RAA. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng Japan sa Pilipinas, umiral ang patakaran ng pasipismo o pag-iwas sa lahat ng uri ng armadong tunggalian. Ang RAA ang kauna-unahang kasunduang militar na pinasok ng Japan sa Asya.
Binatikos ito ng mga makabayan at progresibong grupo. Sa isang magkasamang pahayag ng Bagong Alyansa Makabayan (Bayan), Lila Pilipina, Migrante Japan at Gabriela, sinabing kabaliktaran ito ng pagtataguyod ng kapayapaan kundi isang “nakakabahalang panunumbalik ng hegemonya at ambisyon ng Japan sa rehiyon, sa utos ng imperyalismong Estados Unidos.”
Sa joint statement ng mga opisyal ng dalawang gobyerno, nilinaw na ang nagtulak ng RAA ay ang “seryosong pag-alala sa mapanganib at tumitinding mga hakbang ng China sa Second Thomas Shoal.”
Dagdag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro hinggil sa intensyon ng RAA, “Hindi lang basta palitan ng kawanggawa kundi aktuwal na pakikipagtulungan at aksiyon para magkaroon ng kaayusan sa bahaging ito ng mundo.”
Ang Pilipinas at Japan ang dalawa sa pinakamalapit na alyado ng United States (US) sa Asya. Matatandaang nitong Abril, nagkaroon ng pagpupulong sa White House ang mga pinuno ng tatlong bansa para sa pakikipagtulungan sa depensa.
Inilatag ng okasyong iyon ang higit pang mga kasunduang susunod para sa mas malawak at malaking konsentrasyon ng mga sandatahang lakas nila para tapatan ang China.
Pero kung ang China tila naghahamon ng komprontasyon sa mga banggaan niya sa West Philippine Sea, mas masigasig namang promotor ang Amerika, bilang utak ng nagbabadyang giyera.
Pinabulaanan ng Bayan ang selebrasyon pa ni Teodoro at sinabing matagal nang plano ito ng US, na gawing “partners” ang Pilipinas at Japan para tapatan ang China.
“Ang walang habas na pag-uudyok ng gera ang nagpapatindi ng tensyon sa rehiyon. Dahil diyan, lumalaki ang posibilidad ng pagputok ng labanan,” sabi ng Bayan.
Sinasapawan din umano ng RAA ang mga’ di pa nareresolbang usapin at krimen ng mga Hapones noong sinakop nila ang Pilipinas.
Giit ng Bayan, muling tatapak ang mga tropang Hapones sa lupain ng bansa nang “hindi buong kinikilala ang kanyang mga atraso noong panahon ng giyera, partikular iyong karumal-dumal na sistema ng comfort women na siyang nagwasak sa napakaraming buhay sa buong Asya.”
Ayon sa mga konserbatibong pagtataya, nasa 200,000 na kababaihan at bata ang naging biktima ng sistematiko at paulit-ulit na mass rape ng mga sundalong Hapones, bagay na hindi pa rin kinikilala ng kanilang gobyerno hanggang ngayon.
Noong March 2023, naglabas ng desisyon ang United Nations Committee on the Elimination of Discrimination against Women na palpak ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtataguyod ng karapatan ng mga biktima ng panggagahasa para panagutin ang karahasan ng mga Hapones.
Hanggang sa kasalukuyan, iginigiit ng gobyerno na mag-move on na lang daw ang bansa mula sa mga atraso ng nakaraan.